Juan, tapos na ang eleksyon. Ano, nanalo ba ang mga napili mo?
Salamat na lang, Uncle. Pumasok naman ang mga binoto ko. Sabi nga nila, malaki daw ang naging kontribusyon ng mga youth sa mid-term eleksyon na naganap.
Totoo ka dyan, Juan. Ayon sa Comelec, malaki ang voter turnout na nasa halos 82 porsiyento. At kabataan ang malaking factor kung bakit mataas ang voter’s turnout. Ang ibig sabihin nito ay gusto talaga ng kabataan ang marinig ang boses nila. Ano nga ba ang mensahe ng kabataan sa eleksyon na natapos?
Tingin ko, Uncle, ayaw na namin ng mga lumang pangalan sa politika na wala naman talagang nagawa para sa ating bansa. Gusto namin ng pagbabago na puwede naming pakinabangan sa aming kinabukasan. Suya na kami sa pangakong napako sa nakalipas.
Maliwanag na sa top 5 na naihalal sa Senado, healthcare, agriculture, peace and order at edukasyon ang nangingibabaw na mahalaga sa mga kabataan. Kaya malaki ang pag-asa na merong positibong reporma ang magaganap sa mga sektor na ito.
Panig ako sa iyong obserbasyon, Juan. Iba na ring mag-isip ang bagong henerasyon. May mga sarili na kayong paninindigan na hindi lang impluwensya ng mga magulang o nakatatanda. May pananaliksik na ding ginagawa ang mga kabataan para magkaroon ng mas klarong impormasyon at kaalaman tungkol sa mga programang dapat na tinataguyod ng mga halal para sa ikabubuti ng pamumuhay ng bawat Filipino.
Nangangahulugan din bang iba na rin ang pag-iisip at ugali ng mga kabataan pagdating sa isyu ng pananalapi at ang mga desisyong pinansyal na ginagawa sa pang-araw araw na buhay?
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ang mga kabataan ay mas mataas ang financial literacy kumpara sa ibang edad tulad ng mga middle-aged (40-59 years) at seniors (60+ years).
Base sa financial literacy index (FLI) scores para sa iba’t ibang demographic at economic na kategorya, ang mga batang adults (28-40 years old) ay may mas mataas na financial literacy, sa kaalaman at kapasidad na makapag-desisyon sa mga pinansyal na aspeto ng pamumuhay.
Pero kumpara sa mga batang adults, ang middle-aged at seniors, lalo na yung may mataas na kaalaman, ay may retirement, pension plans at insurance.
Ang mga middle-aged at seniors ay hindi rin bukas sa pagkakaroon ng loan to income ratio na mas mababa sa 1 kumpara sa young adults. Hindi din sila gagastos ng mas maliit o katumbas lang ng kinikita nila.
Depende kung nasaan ka sa life cycle, sadyang may short term (saving, budgeting) at long-term (investment, retirement, pension, insurance) na pag-uugaling pinansyal.
Ayon din sa pagaaral ng BSP, ang kinikita at edukasyon ay may malaking positibong epekto sa pagkakaroon ng financial literacy. Kapag malaki ang kita at mataas ang pinag-aralan, mas angat din ang lebel ng financial literacy.
Maraming data at insights din ang nakalap ng pinakahuling market research na ginawa ng GWI, isang global na ahensiya, tungkol sa financial literacy sa bawa’t henerasyon mula baby boomers (born 1946-1964), millenials (born 1981-1996) at Gen Z (born 1997-2012) tulad ng:
- Ang mga Gen Z ay mas gusto ang digital banking kumpara sa boomers na sa traditional banking pa rin mas komportable.
- Pagdating sa pag-manage ng pera online, nangunguna ang Gen X na madalas gumamit ng internet para sa mga financial transactions. Ganun din ang Gen Z na gumagamit ng internet para sa financial information.
- Pagdating sa investment, ang millenials ay bukas sa pag-iinvest sa gold kumpara sa mga Gen Z na mas virtual investment ang pinapasok tulad ng mga crytocurrency na hindi naman gusto ng mga boomers.
- Ang mga Gen Z ay mga tech-savvy, entrepreneurial at mas maagang magsimula sa financial planning kesa sa ibang henerasyon. Pero hindi sila masyadong tutok sa pagbubudget pero mas cautious naman sila sa paggastos.
- Para sa millenials, ang money management ay isang balancing act. May nag-iipon para makabili ng bahay, may nagpa-plano para sa retirement o nag-iinvest din. Sila daw ang pinaka-investment focused sa lahat ng henerasyon. Kaya sila yung gumagamit ng mga banking, investment at insurance apps. Mas conscious sila sa pagbubudget at mas gusto nilang makinig sa mga expert advise tungkol sa pananalapi.
- Mas gusto ng mga boomers ang mga tried and tested na paraan para mag-save at mag-invest. Sila yung mga lumaki na mas mabuti ang nagbabayad ng cash at umiiwas sa utang. Hindi sila padalos-dalos sa pagbili hangga’t kaya na talaga nilang bilhin ang bagay na gusto. Hindi sila komportable sa digital banking, mobile banking o sa mga digital finance tools. Kaya mas nakakaranas din sila ng mga online scams kasi kulang ang kanilang kaalaman o kapasidad sa paggamit ng mga digital na teknolohiya.
Ang bawa’t henerasyon ay may kanya-kanyang kultura ng pananalapi dala na rin ng nagbabagong economic at financial developments at mga personal na karanasan sa mga positibo at negatibong nangyayari sa ating lipunan at sa buong mundo. May mga matututunan sa mga sitwasyon na hahamon sa iyo na kung gusto mong lumaban at mag-survive, mapipilitan kang sumabay sa agos ng mga bagong henerasyon din ng pamamaraan at teknolohiya ng pinansyal na aspeto ng ating buhay.
Kaya ang financial literacy sa lahat ng henerasyon ay mahalaga kung ayaw mong mapag-iwanan o di kaya’y malampasan ng maraming oportunidad na mas maging panatag at secure ang ating pinansyal na kalusugan.
At malaki ang posibilidad, salamat na din sa internet at sa iba pang paraan ng pag-aaral at dagdag-kaalaman, na lalakas ang kultura ng pag-iipon at pag-iinvest sa ating bansa.
At ang mga kabataan ay dapat nating tulungan na mas iangat pa ang kanilang financial literacy para mapagtibay natin ang sandalan ng ating economic at pinansyal na kinabukasan.
Katulad din ng pagboto sa ating demokrasya, nakita nating may malinaw na pagbabago sa isip ng ating mga kabataan. Nakatulong ang electoral at financial education na ginawa ng maraming institusyon at civil society para sa kanila. Ginamit ng mga kabataan ang kanilang utak sa mga impormasyon na nakalap para bigyang liwanag kung ano ba talaga ang tunay na magbibigay sa kanila ng magandang kinabukasan, hindi lamang para sa sarili nila kundi para sa buong sambayanan.
Juan, salamat sa inyo. Ipagpatuloy nyo ang pagbabago sa inyong henerasyon. Kayo ang tunay na pag-asa ng ating bayan.