ANG peer learning ay isang estratehiya upang bigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na matututo rin mula sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagbabahagi, talakayan at kolaborasyon.
Malaki ang ambag ng peer learning sa pagpapalawak, pagpapalalim at pagpapatalas ng kaalaman at kamalayan. Bagama’t ang peer learning ay nakakonteksto sa student-to-student interaction, ito ay mayroon ding aplikasyon sa pagitan mga propesyonal sa iba’t ibang larangan. Pagkakataon ang peer learning upang mas maging aktibo at magkaroon ng pananagutan ang bawat isa sa proseso ng pagkatuto at propesyonal na pag-unlad. Ang mga sumusunod na tala ay ilan sa aking mga repleksyon at paalala hinggil sa peer learning upang higit na pagyamanin ang karanasan sa edukasyon at pakikipagkapwa.
- Pahalagahan ang potensyal ng peer learning sa proseso ng pag-unawa sa aralin, pagpapatibay sa pundasyon ng kaalaman, pagsasakonteksto ng mga konsepto, pagtukoy sa problema at pagbalangkas ng solusyon.
- Itambal ang peer learning sa iba pang estratehiya ng pagtuturo at pagkatuto. Mahalagang maunawaan na may iba’t ibang student profile at kaakibat na learning preferences. Hindi lamang iisang hubog ang mga mag-aaral kaya hindi lamang lektura ang tanging paraan ng content delivery at lalong hindi rin pen and paper test lang ang tanging porma ng assessment.
- Tandaan na ang kaalaman ay hindi lamang nanggagaling sa guro at batayang aklat dahil ang mga kamag-aral ay malalim ding balon ng kaalaman. Mahalagang nagtatambal ang student-teacher, student-material at student-student engagements sa proseso ng pagkatuto
- Samantalahin ang pagkakataon upang matuto sa isa’t isa. Bawat mag-aaral ay may hatid na natatanging kaalaman, kasanayan at karanasan na halaw sa kani-kanilang konteksto at kapaligiran.
- Bigyang boses ang bawat isa at iwasang imonopolisa ang talakayan. Mainam rin na ipatupad ang collective leadership.
- Pahalagahan ang mga punto-de-vista na manggagaling mula sa mga kamag-aral na mula sa iba’t ibang kultura, rehiyon, kasarian, pananampalataya at uring panlipunan. Sa pamamagitan nito ay mas naikokonteksto ang reyalidad batay sa kani-kanilang landas at danas.
- Tandaan na mas nagiging epektibo ang pagkatuto kapag may masiglang interaksyon at mayamang palitan ng kaalaman. Maaaring isagawa ang peer learning sa loob at labas ng silid-aralan sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng talakayan at rekisito sa klase. Dati ay nagpapagawa pa ako ng flipchart sa mga mag-aaral ukol sa mga piling paksa na kanilang tatalakayin sa (at magiging batayan rin ng malayang talakayan kasama ang) mga kakurso mula sa iba’t ibang antas (o year level).
- Alamin kung ano ang iyong maiaambag sa kombersasyon at palitan ng kaalaman. Sa kontekstong ito ay mahalaga ang reflexivity (o ang pagiging mapagnilay). Dapat ay tukoy ng mag-aaral kung ano ang kanilang oryentasyon (o pagkiling) at kung paano nito maaapektuhan ang kanilang pagsusuri at interpretasyon.
- Tandaan na ang pagkatuto ay mas nagiging mabunga sa pamamagitan ng kolaborasyon. Totoong nasa pagkakaisa ang lakas.
- Makipagpalagayang loob sa mga kagrupo. Napakahalaga ng pagtitiwala sa isa’t isa bilang salalayan (o foundation) ng bukas at panatag na proseso ng pagkatuto. Tiyaking ang bawat grupo at kagrupo ay bahagi ng paglinang ng safe space para sa lahat.
- Hasain ang kasanayan sa komunikasyon upang maipahayag nang maayos at malinaw ang pananaw at saloobin. Panatilihin ding bukas tuwina ang linya ng komunikasyon.
- Unawain mabuti ang pahayag ng ibang kalahok upang mas madaling maabsorba, matandaan at mabigyan ng kaukulang interpretasyon.
- Tukuyin kung kayo ay magkalarangan o hindi. Kapwa may mabungang hatid ang disciplinal at interdisciplinal na ugnayan at bahaginan.
- Unawain ang konteksto kung saan nanggagaling ang iyong kabahagi ng kaalaman.
- Kilalanin ang larangan at posisyonalidad ng iyong mga kagrupo lalo kapag nagsasagawa ng proyekto. Maaari ring gamitin ang peer learning sa propesyonal at pampananaliksik na konteksto. Isang halimbawa nito ay ang isang research team sa pangunguna ni Dr. AG Flor na natututo sa isa’t isa ukol sa disruptive technologies batay sa interdisciplinary na katangian ng kanilang komposisyon (knowledge management, artificial intelligence, immersive technology, quantum computing, computer science, development communication, indigenous communication, social justice communication, educational technology, disaster psychology at development studies).
- Alamin ang iyong limitasyon at kilalanin na ang bawat pagkakataon ay oportunidad para matuto ng bago mula sa kaalaman, kasanayan at karanasan ng iba.
- Isapraktika ang active listening sa buong larga ng peer learning.
- Hasain ang sarili sa bukas at malayang talakayan. Alinsunod sa curriculum guide ng Effective Communication ng Department of Education, gamitin at linangin dapat ang mga conversation management signal kagaya ng topic nomination, topic shift, turn-taking, feedback giving at iba pa upang mahasa sa pakikipagtalastasan.
- Bumuo ng mga makabuluhang katanungan upang higit na matuto at makapaglinaw. Mahalaga ang papel ng pagtatanong sa pagbuo at pagpapatalas ng diskurso.
- Magbukas ng puwang at pagkakataon para sa malayang pagtatanong at paglilinaw.
- Itala ang mga bagong kaalaman upang maidokumento, mabalikan at masuri.
- Pagmunihan ang aplikasyon ng mga bagong konseptong natutunan sa konteksto ng iyong pang-akademiko at praktikal na larangan. Kapansin-pansin ang mga makikitang pagkakapareho (tambalan) at pagkakaiba (talaban).
- Panatalihin ang pagiging mapanuri sa kalakasan at kahinaan ng bawat argumento.
- Tandaan na ang isang penomenon ay maaaring tingnan sa lente ng iba’t ibang larangan o dimensyon: political, economic, financial, geographical, demographic, ecological, cultural, psychological, legal, constitutional, administrative, communicational, linguistic, ethical, gender at maging spiritual.
- Buksan ang isipan sa mga alternatibong papanaw at metodo. Nakatutulong din ang peer learning upang malaman ang state-of-play ng larangan.
- Tiyaking maging magalang at mahinahon sa lahat ng pagkakataon at sa kabila ng pagkakaiba-iba ng pananaw at panig.
- Unawain ang iba’t ibang dimensyon sa pagtuturo kagaya ng content standard, learning delivery, instructional material, educational technology at assessment tool. Mahalaga ang lahat ng ito bilang mga salik upang mas maging epektibo ang peer learning.
- Ilapat at gamitin ang peer learning bilang estratehiya sa paghahanda sa eksaminasyon, pagbuo ng proyekto, pagresolba ng problema at pagsasagawa ng palihan.
- Gumamit ng teknolohiya upang mas maging epektibo at masaklaw ang peer learning.
- Bumuo ng face-to-face o online community of learners (CoL) sa section, campus at sa mas malawak na antas at saklaw upang maging transboundary at intercultural ang peer learning.
Sa pagbubuo(d), ang peer learning ay isang mekanismo upang maging demokratiko ang proseso ng pagkatuto. Nagiging paraan din ito upang ang pagbabahagi ng karunungan sa isa’t isa ay maging batis at bukal ng kolektibong kaalaman. Bibigyang-diin din sa peer learning na ang edukasyon ay kinakapalooban ng mabuting pakikitungo at pakikipagkapwa.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa [email protected]