30.3 C
Manila
Sabado, Hunyo 14, 2025

Ang nawawalang panlaping i-

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

KAPAG pasalita, okey lang ang ganitong usapan, pati sa text, SMS, o Messenger:

Pangako sa’yo …

Sama ka samen, kain tau sa labas.

Para saken, tama naman ang sinabi niya.

Tinuring kang tunay na anak, ba’t ito pa ang ginanti mo?


Pero kapag nakasulat na, halimbawa’y sa mga term paper, artikulong pang-journal, balita, o teksbuk, dapat ay mas pormal naman ang gamit. Tingnan ang mga halimbawang ito:

HINATID na sa huling hantungan ang namayapang mang-aawit.

SINARA na ang pagpapatala para sa libreng webinar.

TINULOY pa rin ang demolisyon, at walang nagawa ang mga residente.

- Advertisement -

PINAKILALA ng Comelec Chairman ang mga nagwaging senador.

Ano ang nawawala sa mga halimbawa sa itaas? Ang panimulang panlaping I-. Ang panlaping ito ay hudyat na ang salita ay isang pandiwa.

Ang mga tamang anyo ay: INIHATID, ISINARA, ITINULOY at IPINAKILALA.

Sa mabilis at pasalitang gamit, madalas na hindi binibigkas o nawawala, hindi lamang ang panimulang panlapi, kundi pati ang unang pantig ng isang salita. Makikita ito sa salitang “sa’yo” (sa iyo), “samen”(sa amin) at “saken” (sa akin). Pansinin din na ang I ay bumagsak ang bigkas at naging E. Madalas itong nangyayari sa pagbigkas para maging madulas sa mga dila natin pero naililipat din sa pasulat.

Dahil siguro hindi nadevelop ang mapanuring pag-iisip sa marami sa atin, kaya tumatawid sa pasulat na komunikasyon ang nakagawian sa pasalitang gamit. Nawawala na tuloy sa kamalayan ng marami na hindi na angkop o hindi na tama ang kanilang gamit. Nakakalungkot ito lalo na kapag teksbuk ang pinag-uusapan. Gamit ng mga bata ang teksbuk at nagsisilbing modelo sa kanilang pagsusulat. At lalo pang nakakalungkot kung iisiping karamihan ng nagsusulat ng mga teksbuk, kundi man lahat, ay mga guro!

Mga titser ang sumulat pero kapansin-pansin na tila hindi nila alam ang tamang anyo ng salita.

- Advertisement -

Iba pang mga halimbawa:

PINASA sa ikatlong pagbasa ang panukalang batas. (Ipinasa)

BINALING niya ang paningin sa dako pa roon. (Ibinaling)

TINANONG niya sa titser ang tamang sagot. (Itinanong)

TINULAD sa mga ibon ang kahusayan niya sap ag-awit. (Itinulad)

GINAGALANG na mga panauhin … (Iginagalang)

PINAGTANGGOL ng mga katutubo ang kanilang karapatan sa lupang ninuno. (Ipinagtanggol)

May ganito ring mga halimbawa:

INASA niya sa mga kasama sa proyekto ang magiging wakas ng eksperimento.

INATAS ng Korte Suprema na ibalik ang milyong nakurakot ng mambabatas.

INUTOS ng Pangulo ang kagyat na pagpapatupad ng bagong batas.

Nawawala ang -I- sa mga halimbawang pangungusap. Ang tama ay: INIASA, INIATAS, INIUTOS.

Nakakaligtaan na nga ng mga tagagamit ang panimulang panlaping I-. Kapag nagpatuloy ang ganitong kalakaran, maging sa mga teksbuk, maaaring mabago na rin ang tuntunin sa gramatika.

Overkill

Madalas na nawawala, ngunit kung minsan naman ay idinaragdag, nang wala sa hulog, ang panlaping I-.

Mga halimbawa:

Ang ITINATAWAG na mga kasapi ng kapatiran ay naniniwalang sukdulan ang kabaitan ng Diyos. (TINATAWAG)

IBINATIKOS ng bagong mambabatas ang pahayag ng Ispiker. (BINATIKOS)

ITINATAYANG nagsimula ang ganitong ritwal bago pa dumating ang mga Kastila. (TINATAYANG)

IPINAGTIBAY ng kapulungan ang mungkahi ng nakararami. (PINAGTIBAY)

Maliwanag na maraming nalilito kung kailan dapat may panimulang I-  ang isang salita, at kung kailan wala. Kapag ang panlapi ay I-, may I- sa umpisa ng salita. Kapag ang panlapi ay -AN o -IN, walang I- sa unahan ng salita.

TAWAGIN, BATIKUSIN, TAYAHIN at PAGTIBAYIN ang pawatas (infinitive) ng mga halimbawang nabanggit kaya hindi kailangan ang I-.

Kapag nagsisimula sa H ang salita

Kapag kailangan ang I- sa unahan ng salita, simple lamang ang kailangang gawin. Idagdag lamang ito at magiging wasto na ang anyo ng salita. Pero kapag ang salitang ugat ay nagsisimula sa H, sa ilang pagkakataon, nagkakaroon ng pagbabago sa banghay ng salita.

Mga halimbawa:

HINATID siya ng kanyang ina sa paaralan.

HINUDYAT ng malaking orasan sa sala ang ikasiyam ng gabi.

Nang magsalita si Meyor, agad HININTO ang demolisyon.

Ang sulat ay HINULOG sa koreo.

Masarap ang HINANDA niyang mga putahe.

Hindi niya nasalo ang bolang HINAGIS ko.

HINARANG niya ang sapatos sa pinto para hindi ito maisara.

May ilang salitang ugat na nagsisimula sa H ang ginagamitan ng panlaping I- para maging pandiwa. Ang ilan sa mga ito ay hagis, handa, harang, hatid, hudyat, hinto, hulog, at iba pa. May iba naman na -IN ang panlapi, tulad ng HAMPAS (HAMPASIN), HAMBALOS (HAMBALUSIN), atbp. Mayroon namang pwedeng gamitan ng I- at -IN, tulad ng HARANG. Pwedeng IHARANG (Iharang mo sa gulong ang bato para hindi umandar ang sasakyan). Pwede ring HARANGIN (Harangin natin ang mga botante para hindi sila makaboto sa kalaban natin).

Kapag sa H nagsisimula ang salitang ugat, nagkakaroon ng metatesis sa pagbabanghay ng pandiwa – nagkakaroon ng paglilipat ng tunog. Ganito:

Salitang ugat: hatid. Panlapi: I- = IHATID.

Pangnakaraan: ihinatid

Pangkasalukuyan: ihinahatid

Panghinaharap: ihahatid

Pero nagkakapalit ang H at N, na nagbubunga ng INIHATID/INIHAHATID sa halip na IHINATID/IHINAHATID. Dahil nga karaniwang nawawala sa pagsasalita ang panimulang I-, ang natitira na lamang ay HINATID at HINAHATID. Gayon din ang nangyayari sa iba pang mga salita, tulad ng HUDYAT, HINTO, HULOG, HANDA at HAGIS.

Sa kalaunan, posibleng hindi na matunton ng mga tagagamit ang pormal na anyo ng salita kaya baka maging standard na ang HINATID, HINAGIS, HININTO, HINULOG, HINANDA, atbp.

Ano ang dapat gawin?

Dito na papasok ang pagbabasa at pag-unawa sa binabasa. Nakakalimutan na ng mga kabataan ang pagbabasa ng panitikan. Sa panitikan makakabasa ng mga wastong anyo ng salita. Matututo tayo ng gramatika sa pagbabasa ng panitikan, lalo na iyong klasiko o matatandang maikling kwento, nobela, tula, sanaysay. Sa pagbabasa, maisasaloob (o ma-internalize) natin nang di namamalayan ang wastong gamit at wastong anyo ng mga salita. Matututuhan natin maging ang sarili nating wika sa pamamagitan ng pagbabasa, hindi lamang sa social media o panonood ng tiktok, kundi ang mga pormal na anyo ng sulatin, tulad ng panitikan at mga seryosong artikulong pang-journal. Sa ganitong paraan natin kusang matututuhan kung kailan may I- at kailan walang I- ang isang salita.

Pero kung sadyang standard na ang HINATID, HININTO, HINAGIS, HINULOG, HINANDA, at iba pa, ano pa ang magagawa ng gramaryan kundi itala ang pagbabagong ito at baguhin ang mga tuntunin, kung kinakailangan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -