MULA sa tatlong taong suspensyon, muling ipinatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) nitong Mayo 26, 2025.

Sa bagong implementasyon, layunin ng MMDA na palakasin ang digital na pagpapatupad ng batas-trapiko sa pamamagitan ng paggamit ng artificial intelligence (AI) na teknolohiya at closed-circuit television (CCTV) cameras.
Ano ang NCAP?
Ang NCAP ay ang pinaikling tawag sa No Contact Apprehension Policy — isang polisiya ng MMDA na nanghuhuli ng mga lumalabag sa batas-trapiko gamit ang teknolohiya gaya ng CCTV (closed-circuit television), digital camera, at iba pang gadgets, sa halip na mga traffic enforcer na pisikal na nasa lansangan.
Ngunit paano nga ba gumagana ang NCAP? Anong mga kalsada ang sakop nito? At ano ang mga dapat malaman ng mga motorista upang maiwasan ang multa?
Paano gumagana ang NCAP: Sistemang high-tech, may human oversight
Ang NCAP ay gumagamit ng mga high-definition CCTVs na nakakalat sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila. Tuwing may lumabag sa batas-trapiko, makikita ito sa CCTV, pagkatapos ay susuriin ito ng mga tauhan ng MMDA sa command center.
Ayon sa MMDA, “Mano-mano po itong susuriin ng mga personnel ng NCAP. Mai-invalidate po ito kung mali ang pagkakahuli lalo na kung mave-verify na nag-give way sa mga emergency vehicles.” Ibig sabihin, kahit AI ang gamit na teknolohiya, tao pa rin ang may final say kung may violation nga ba.
Sa kaso ng mga emergency vehicle, gaya ng ambulansya, bombero, at pulis, malinaw ang panuntunan: hindi ito violation kung nagbigay daan ang motorista.
AI CCTV: Nasaan at paano ginagamit
Ayon kay MMDA Chair Romando Artes, ang mga AI CCTV ay nakalagay lamang sa EDSA, habang ang ibang kalsada ay gumagamit ng regular na CCTV at digital camera. Bukod pa rito, may mga speed guns at handheld cameras ang mga traffic enforcers para sa manwal na dokumentasyon ng mga paglabag.
Ang mga NCAP violation ay iniimbestigahan gamit ang LTO Information Query Facility upang tiyakin kung sino ang nakarehistrong may-ari ng sasakyan. Kapag napatunayang may violation, ang Notice of Violation (NOV) ay ipinapadala sa address ng rehistradong may-ari.
Kung naibenta na ang sasakyan, Paano Ito aayusin?
Kung sakaling nakatanggap ng Notice of Violation para sa sasakyang ibinenta na, kailangang personal na magtungo sa MMDA NCAP office dala ang:
* Notarized Deed of Sale ng sasakyan
* Address ng bagong may-ari
Ito ay upang maalis ang pananagutan ng dating may-ari sa nasabing violation.
Samantala, kapag hindi nabayaran ang violation sa takdang panahon, magkakaroon ng LTO alarm sa rehistrasyon ng sasakyan. Ibig sabihin, hindi ito mare-renew hangga’t hindi nababayaran ang multa at karampatang bayarin.
Pagbabayad ng multa: online at on-site options
Maaring bayaran ang violation sa pamamagitan ng:
* Online payment channel sa pamamagitan ng LandBank
* Personal na pagpunta sa MMDA head office
Para naman sa mga nais i-apela ang violation, maaring maghain ng reklamo sa MMDA Adjudication Department sa online link na ito: [https://bit.ly/3J62YhH](https://bit.ly/3J62YhH).
Pag-iingat sa pekeng link: Babala mula sa MMDA
Nagbabala ang MMDA laban sa mga pekeng website link na nag-aalok ng online violation checker. Ayon sa ahensya, “Ang kumakalat na link ukol sa ‘May Violation Ba?’ na nagsasabing pwede mong check online kung nahuli ka sa No Contact Apprehension Program ay hindi opisyal.”
Sa ngayon, inaayos pa ng MMDA ang opisyal na NCAP website kung saan makikita ang tunay na record ng mga violation.
Unang Araw ng NCAP (Mayo 26, 2025)
Ayon sa datos mula sa MMDA, noong unang araw ng muling implementasyon:
Tinatayang nasa 1,112 traffic violations ang naitala mula alas-6 ng umaga hanggang hatinggabi. Noong araw na iyon, ayon kay MMDA Traffic Enforcement Group director Atty. Vic Nuñez, ang mga pangunahing violations ay:
* Disregard of traffic signs – hindi pagsunod sa mga karatula
* Illegal use of the EDSA busway
* Paglabag sa motorcycle lane
* Disregard of loading and unloading areas – paglabag sa tamang sakayan at babaan
Para sa paghahambing, noong Mayo 19 ng nakaraang taon (wala pang NCAP), umabot sa mahigit 3,900 violations ang naitala.
Ikalawang araw ng NCAP: Mas mababa ang bilang
Sa ikalawang araw ng NCAP (Mayo 27, 2025), umabot sa 952 traffic violations ang naitala, mas mababa kumpara sa unang araw.Patuloy pa rin ang pangangalap ng MMDA ng mga datos sa mga pangunahing lansangan.
Pagsusuri sa mga tauhan ng NCAP: Deaf-mute, pero eksakto ang serbisyo
Isang mahalagang detalye na ibinahagi ni MMDA Chair Romando Artes ay ang pagtatalaga ng mga deaf-mute personnel sa NCAP. Ayon sa kanya, sila ang nagsusuri ng mga violation sa CCTV footage.
Bagama’t may kapansanan sa pandinig at pananalita, sinanay silang mabuti upang maging masinop at patas sa pagrepaso ng bawat huli. Ipinapakita nito na kahit may kapansanan, may malaking ambag sila sa digital enforcement system.
Bisa at batas: Legalidad ng NCAP
Noong Agosto 2022, ang Supreme Court ay naglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa NCAP na ipinatutupad ng ilang local government units (LGUs) sa Metro Manila.
Ang TRO ay resulta ng petisyon mula sa mga transport groups gaya ng Kapit, Pasang Masda, Altodap, at Alliance of Concerned Transport Organizations. Kabilang sa mga lungsod na isinama sa reklamo ang:
* Maynila
* Quezon City
* Valenzuela
* Muntinlupa
* Parañaque
Isa sa mga isyung kinwestyon ng mga grupo ay ang pagpapataw ng multa sa rehistradong may-ari, at hindi sa aktwal na drayber ng sasakyan. Inilarawan nila ang NCAP bilang labag sa Saligang Batas.
Ngunit, nitong Mayo 2025, bahagyang inalis ng Korte Suprema ang TRO, kaya’t pinayagan ang MMDA lamang na ipagpatuloy ang programa.
Mga sakop na kalsada: 10 Radial Roads
Ang NCAP ay ipinatutupad 24/7 sa mga sumusunod na pangunahing kalsada sa Metro Manila:
* EDSA
* Commonwealth Avenue
* Roxas Boulevard
* Taft Avenue
* Aurora Boulevard
Kasama rin ang iba pang pangunahing daanan na hindi pa pinapangalanan ngunit bahagi ng 10 radial roads.