SAAN mo titimbangin si dating Senador Francis Tolentino?
Ibinabandila natin ang katanungang ito sa harap ng pagbabawal ng China na papasukin sa mainland nito, sa Hong Kong at sa Macau ang senador na natalo sa nakaraang halalan.

Sa huling ratsada ng nasabing eleksyon, umalingawngaw sa media ang linyang pangampanya ni Tolentino na niyayakap ang posisyon ni Kalihim sa Depensa Gilberto “Gibo”Teodoro, Philippine Coast Guard Spokesperson Jay Tarriela, at ng US Embassy sa Pilipinas na ang West Philippine Sea ay pag-aari ng Pilipinas. Hindi man kasing-malaganap na naipagdiinan sa media, ito rin ang paninindigan ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) ay nagpahayag na “hindi isusuko ang kahit isang metro pulgada ng teritoryo ng Pilipinas.”
Mga salitang nakapagpapatindig ng balahibo ng sambayanang totoo namang makikipagpatayan upang ipagtanggol ang inang bayan.
Ganyan kalupit ang katapangan ng isang totoong makabayan.
Ang problema nga lang sa pagkakataong ito ay, ang binabangga ng ganung paninindigan ay ang marubdob din na pagiging makabayan ng paninindigang Chino sa karagatang nasasangkot. Angkin ng, China, “Sa amin ang Nanhai (tumutukoy sa kabuuan ng higit na kilalang South China Sea).”
Pero sabi nga ni Bongbong, “Sabi nila, amin ito. E, atin talaga ito.”
Kaya, sabi nga sa Pisika, kapag dalawang matigas na pwersa ang nagbanggaan, isa ang dapat bumigay.
Ano, asahan mong China ang bibigay?
Tingnan mo ang nangyari sa supot na pautot ng India nang magpadala ito sa panunulsol ng Amerika na giyerahin ang Pakistan. Hindi pa man nakakapasok sa hangganan ng Pakistan, ang anim na makapangyarihang gawang-Prancia na Rafale jet fighter ng India ay bagsak na ang mga ito sa ratsada ng mga pangontrang missile na ayon sa mga balita ay kaloob ng China.
Gaano pa kanipis ang pananggol ng Pilipinas kapag nagkataon!
Sa kaso ng maiksing-buhay na giyerang Hindu-Pakistani, unang salpukan pa lang, bahag na ang buntot ng Amerika. Pinilipit nito ang braso ng India na tumigil na muna sa pakikipagdigma sa Pakistan.
Dalawang matigas na pangangatwiran ang sinasangkalan ni Tolentino sa paggiit sa pag-aari ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Una, na ang karagatan ay nasa loob ng 200 nautical miles mula sa kalupaan ng bansa na ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay samakatwid sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilpinas. Ang hindi nito nililinaw ay ang probisyon mismo ng UNCLOS na ang nasabing convention ay kumikilala na ang mga tanggap nang dating hangganang historiko ay hindi nito binabago. At matagal nang panahon bago pa maratipika ang UNCLOS, ay naroroon na ang Nine Dash Line ng China na sumasaklaw sa pinag-aawayang katubigan.
Tungkol dito, katwiran naman ng mga tagasulong ng pag-angkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay ang 2016 desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Hague na ang Nine Dash Line ng China ay ilegal. Totoo ito, pero hindi nangangahulugan na ang pinag-aawayang karagatan ay pag-aari na ng Pilipinas. Nilinaw mismo ng nasabing ruling na ang usapin ng soberanya ay hindi bahagi ng arbitration. Ito ay nilinaw mismo ng Pilipinas sa pleadings nito sa PCA. Kung bakit ang Pilipinas ang nagpipilit pa ngayon na baluktutin ang PCA ruling at ipakahulugang panalo ito para sa Pilipinas at dapat na ipinakikipaglaban ng Pilipinas.
Ang patuloy na propaganda laban sa China kaugnay ng West Philippine Sea ay pawang gawa ng isang dating opisyal ng United States Air Force na si Raymond Powell. Kukunan niya ng satellite images ang mga girian ng China Coast Guard (CCG) at Philippine Coast Guard (PCG), ipopost niya ito sa Twitter na doon naman pipick-upin ito ng mainstream media na magpapasabog sa mga girian bilang pananalakay na ng China. Paulit-ulit na nating pinuna ito, subalit tila kulang pa ang ating pagsisikap dahil nagpapatuloy ang mga naniniwala sa mga kababalaghang likha lamang ni Powell.
Ang mga pahayag ni Tolentino ay pag-ulit lamang sa linyang propaganda na ang layunin ay pag-alabin ang sambayanang Pilipino sa galit laban sa China. Nagsimula ito mula pa sa umpisa ng administrasyon ni Bongbong, na nadagdagan pa ng pagkakaloob sa Amerika ng apat pang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites, ang mga base militar sa loob mismo ng mga kampo ng sandatahang lakas ng Pilipinas. Ang bawat isa sa mga base na ito ay hindi maaaring inspeksyunin ng mga awtoridad ng Pilipinas, na para bang ang nagmamay-ari ng mga ito ay Amerika na. Nakasaad sa kasunduan na bawal ang magdeploy ng sandatang nukleyar sa mga baseng EDCA, subalit dahil nga walang karapatan ang awtoridad ng Pilipinas na mag-inspeksyon dito, hindi matiyak na sumusunod nga ang Amerika sa kasunduang EDCA.
Hindi natin kinukwestyon si Tolentino sa pag-pusturang makabansa. Purihin ang sinumang Pilipino na totoong nagmamahal sa bayan. Subalit iba ang maka-Pilipino sa pagsulong sa paninindigang maka-Amerikano.
Makabayan ba ang ipilit mo na iyo ang West Philippine Sea samantalang sa mahabang nagdaan ay tanggap mo na ito ay sa China?
Sa pangalan na pangalan pa lamang, ang katubigan ay tanggap mo na iyun ay pag-aari ng China: South China Sea. Nagsimulang ikabit sa bahaging iyun ang taguring “West Philippine Sea” noong 2012, nang nakapagsimula nang ilatag ang America’s Pacific Century sa rehiyon alinsunod sa pagbaling ng Amerika mula Gitnang Silangan patungo sa rehiyong Asya-Pasipiko. Ang nasabing pagbaling ay ipinahayag ni Pangulo Barack Obama noon pang 2008. Noong 2012, sa proa ng USS Fitzzgerald na nakadaong sa Manila Bay, ginunita nina US State Secretary Hilary Clinton at DFA Secretary Albert del Rosario ang anibersaryo ng Mutual Defense Treaty (MDT) ng Amerika at Pilipinas, at dito unang ikinabit — ni Clinton — sa pinagtatalunang katubigan ang taguring “West Philippine Sea.”
Ang taguring pinanghahawakan ni Tolentino ay kathang-isip ng Amerika. Kinailangan ito upang isulong sa Asya Pacifico ang America’s Pacific Century.
Hindi ba ginagawa ni Tolentino ang sarili na galamay din ng Amerika sa estratehikong layunin nito na digmain ang China?
Wika ni Tolentino sa hakbang na ginawa ng China laban sa kanya:
“This sanction is a badge of honor and a testament to my unwavering commitment to protect our national interest and our people’s dignity. No foreign power can silence me or weaken my resolve to uphold our sovereignty. I am, and will always be, proud to be a Filipino (Ang parusang ito ay isang badge ng karangalan at testimoniya sa aking di mababaling paninindigang ipagtanggol ang ating pambansang interes at ang dangal ng ating sambayanan. Walang banyagang kapangyarihan ang makapagpapatahimik sa akin o makapagpapahina sa aking panata na pangibabawin ang ating soberanya. Ako ay nagkakapuri at lagi nang magkakapuri na ako ay isang Filipino).”
Bravo!
Maliban sa isang alaala.
Mga taong 2019 noon. Napaniwala ako na marubdob na Filipino nga ang senador, naisipan kong ialok sa kanya ang papel bilang Pangulo Dr. Jose P. Laurel sa pagsasapelikula ng aking aklat na Nation Above Self, dokumentaryo sa hirap ng pagbalikat ni Presidente Laurel sa bansa sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Nakakasa na ang proyekto at naitakda na ang pagsisimula ng shooting, unang araw sa lumang ancestral home ng mga Laurel sa Paco, Manila. Laking kagalakan ko, bagama’t sa aking tahimik na paraan, na sa wakas ay magagawa ko na ang pelikulang inasahan kong siyang tangi kong obra maestrang maipamamana sa mundo bago ako bawian ng buhay: ang buong katotohanan ng malupit na pambobomba ng Amerika sa Maynila, na bagama’t sa buong apat na taon na itinagal ng digmaan (1941-1945), ay nanatili sa kanyang iwing kagandahan bilang Perlas ng Silangan, ay sa pagtupad ni Heneral Douglas MacArthur sa kanyang salitang “I shall return” ay pinulbos ang siyudad ng kanyang walang pakundangang pambobomba, at sa mga guho ng pangwawasak ng mga imprastruktura at dugo ng 200,000 Filipino na nasawi ay naiguhit ang larawan ng Maynila bilang pangalawa sa pinakadurog na siyudad sa mundo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Mantakin mong sa bisperas ng shooting ay magpatawag ng miting si Tolentino at humingi na patampukin si Gobernador Heneral Francis Burton Harrison bilang bayani ng Pilipinas at kung anu-ano pang pagbabago sa iskrip upang pabanguhin ang Amerika?
Itatago ang mga kahayupang gawa ng Amerika sa Pilipinas!
No way, wika ko.
At doon nagwakas ang aking naunsyaming obra maestra.
Tapos ngayon, ipaghahambog mo, Filipino ka.
Iba ang ipaglaban mo ang soberanya ng Pilipinas para lamang isulong ang interes ng Amerika.