26 C
Manila
Huwebes, Hulyo 10, 2025

Ang mga mamamayan ang magpapasya

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

PAPALAPIT nang papalapit ang pagbubuo ng Ika-20 Kongreso, paklaro nang paklaro naman ang larawan na ang impeachment ni Vice President Sara Duterte ay mauuwi sa wala.

Iyan ang matigas na pahayag ni bagong halal na Senador Rodante Marcoleta sa kanyang palatuntunan sa Net 25, ang network sa radyo at telebisyon ng Iglesia ni Cristo.

“Noon ko pa sinasabi, walang mangyayari sa impeachment na iyan,” pahayag ng papanumpang senador. “Walang mangyayari.”

Hindi na kailangang tukuyin verbatim ang kanyang mga pangangatwiran. Lagi nang mapagmalaki sa kanyang kakayahan bilang abogado, lulunurin ka niya sa legalese upang ipatanggap ang kanyang mga pangangatwiran.

Ang mahalaga lamang sa paninindigan ng senador ay ito: na ngayon pa lang ay buo na sa kanyang isipan na malulusutan ni VP Sara ang impeachment.


Mangyayari nga ba ito?

Ano pa ba ang ipinahihiwatig ng resulta ng botohan sa pagpapabalik ng Articles of Impeachment sa Kamara de Representantes?

18 pabor, kontra 5 na tutol.

Ganung-ganun din tiyak kung dumating na sa aktwal na bilangan ng boto sa kung may sala ba o wala si VP Sara.

- Advertisement -

Pahayag ni Senador Jinggoy Estrada: “Hindi lang majority kundi super majority.”

Mangyari pa, ang tinutukoy ni Jinggoy ay ang isyu tungkol sa kung mananatili bang Senate President si Senator Francis “Chiz” Escudero. Pero iyun na rin ang suma ng kung pag-uusapan ay ang botohan na kung nagkasala ba si Sara sa mga ibinibintang sa kanya:  korapsyon sa mga paggastos ng confidential funds ng Department of Education at ng Office of the Vice President na umaabot sa milyunes at ang mga bantang ipapapatay sina Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Martin Romualdez.

Iyan ang malaking problemang kinakaharap ng prosekusyon sa Sara impeachment. Hindi merito ng kaso ang gumagabay sa pagpapasya ng mga senator-judges kundi kung anu-anong mga pansariling interes.

Sa kaso ng impeachment ng namayapang Chief Justice ng Korte Suprema Renato Corona, ang PDAF na nagkaloob ng tig-P50 milyun sa mga senator judges ay maliwanag na siyang nagpasya sa pinal na desisyon ng kung turingan ko noon ay “Guilty 20” (dahil sa kanilang botong “Guilty”) kontra “Innocent 3” (dahil sa kanilang botong “Innocent”). Ang tatlong inosenteng senador na tumangging tumanggap ng PDAF ay sina Miriam Defensor Santiago, Joker Arroyo at noon ay senador pa lamang na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa impeachment ni VP Sara, mukhang ang kahalintulad na regla (“inosente” kontra “guilty”) ay kabaligtaran ng Corona case na kung ibabase sa resulta ng desisyon na  “remand,” ay “18 Inosente” at “5 Guilty”.

Ayon sa balita, “durog na durog” ang pagkatao ni Chief Justice Corona dahil sa garapal na pambabaluktot sa kanyang dignidad ng “Guilty 20”  at iyun ay kalaunan siya niyang ikinamatay.

- Advertisement -

Kabaligtaran, sa kaso ngayon ni Sara, buhay na buhay siya sa ngayon pa lang ay hatol na ng “Innocent 18” kontra “Guilty 5”.

Pinakahuli sa nagbigay ng pahiwatig sa kung saan papunta ang botohan sa impeachment trial ay ang kailan lamang ay pahayag ni Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri na ang impeachment ni Sara ay isa lamang “witchhunt” (sa literal, paghahanap ng mangkukulam, na isa nga lang na kababalaghan kung kaya hindi totoo). Kaliwa’t kanang batikos ang inabot dito ni Zubiri, partikular mula sa Malakanyang, sa Makabayan block ng mababang kapulungan at sa mga miyembro ng prosekusyon. Nairita ang senador sa  mga pagpuna at nagwika na hindi mahalaga kung ano ang kanyang personal na opinyon sa kaso; ang importante ay MAGSIMULA na ito.

Iyun ang kanyang pinakamagandang pwedeng sabihin. Taliwas sa pamamarali ng mga “marurunong” sa batas, ang impeachment ay hindi numbers game, na tinutukoy ay paramihan ng boto sa dalawampu’t apat na senador (sa kaso nga ni Corona, Guilty 20 kontra Innocent 3, pwera ang senate president na si Senador Juan Ponce Enrile na bilang presiding officer ay walang kapangyarihang bumoto).

Nangyari na noon ang impeachment ni Presidente Joseph Ejercito Estrada. Inilagay sa botohan ang pagbubukas ng selyadong envelope na inaasahang magsisiwalat sa tunay na katauhan ng “Jose Velarde,” may-ari ng maalingasngas na bank account na magiging patunay ng sakdal na corruption laban sa presidente. Sa botohan, nanalo ang kampo ni Erap.

Mangiyak-ngiyak ang tinig ni Supreme Court Chief Justice Hilario Davide nang ipahayag niyang, “The nays have it “

Ibig sabihin, hindi bubuksan ang envelope, hindi mapapatunayan na ang “Jose Velarde” na may-ari ng pinagtatalunang bank account ay si Erap nga, libre na ang presidente sa nakasalang na impeachment.

Kanda pagdiriwang na ang karamihan sa mga senador na kampi kay Erap, lalo na si Senador Tessie Aquino-Oretabna kumendeng-kendeng pa mandin na animo’y Dancing Queen.

So, panalo si Erap sa impeachment trial?

Ganun lumabas.

Subalit may alas pa pala ang mga kontra-Erap: walkout.

Ang walkout ay humantong sa EDSA II – na nagtagumpay na patalsikin si Erap sa pwesto at pahalinhan kay noon ay Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo.

Numbers game nga ang impeachment trial.

At anong numero ang gagapi sa kahindik-hindik na bilang ng sambayanan!

Kita ng kolum na ito na sa botohang magaganap sa impeachment trial ni VP Sara, mananaig ang abswelto sa nasasakdal. Hindi pinagkatagal-tagal ang pagsisimula ng paglilitis kung ang intensyon ay sentensyahan ng guilty ang pangalawang pangulo.

Ang mahalaga ay magsimula lang ito — marinig  ng taumbayan ang talakayan sa mga kasalanang ibinibintang sa Bise Presidente.

Maipalaganap lang ang mga kasalanang iyon, ang usapin ay papatak na sa paghusga, hindi ng two-thirds vote ng mga senator-judges kundi ng sambayanang ngayon pa lang ay pinag-aalab na ng maliwanag na delaying tactics ng mayorya ng mga senador:

“Nananawagan ako sa lahat ng senador na supporter ng pamilya Duterte. Mga p******ina ninyo. Gawin nyo nang legal ang pagnanakaw at korapsyon sa Pilipinas. Wag nyo nang papanagutin si Sara Duterte. Nakakahiya naman sa inyo. Wag kayong mag-alala. Naririto kaming mga taxpayers. Dodoblehin namin ang sipag. Dodoblehin namin ang pagkayod para meron kayong manakaw. Libreng-libre na kayong nakawin ang perang pinagpaguran namin. Wag na kayong mahiya. ”

Sa prosekusyon, iyan ang matapang na hamon ng sambayanan.

Nasa inyo ang paglilinaw sa mga kasalanang ginawa ni VP Sara.

Gawin ninyo ang inyong trabaho.

Bahala na ang sambayanan sa iba pang bagay na dapat gawin.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -