ANG mga espasyong gawa ng tao — gaya ng bahay at opisina — ay maaaring makaapekto sa ating kalusugan sa pamamagitan ng microbiome, o mga komunidad ng mikrobyo tulad ng bacteria at virus. Matagal na rin nating naaapektuhan ang mga mikrobyo nang hindi natin namamalayan sa paraan ng pagdidisenyo ng mga gusali at espasyo. Pero kung may sapat tayong kaalaman, maaari nating sadyaing iayon ang mga microbial communities na ito para sa mas mabuting kalusugan — isang ideyang kasalukuyang sinusuri ng mga Pilipinong mananaliksik sa isang bagong pag-aaral.

Pagtutulungan ng iba’t ibang disiplina
Si Ma. Beatrice Villoria ng De La Salle–College of Saint Benilde, na ang thesis ang naging pundasyon ng pananaliksik, ay nakipagtulungan kina Vina Argayosa ng University of the Philippines – Diliman College of Science, Natural Sciences Research Institute (UPD-CS NSRI); Angelo Rosalinas ng Ove Arup & Partners Hong Kong Limited – Philippines Branch; Daniel Nichol Valerio ng De La Salle University; Christian Lyle La Madrid ng LLUID; at Michael Xavier Ticzon ng Fundamental Design Experts—mga propesyonal mula sa iba’t ibang larangan — upang bumuo ng isang conceptual framework na nagsasalin ng microbial research sa mga praktikal na gamit sa disenyo ng mga urbanong espasyo.
Napag-alaman sa pag-aaral na malaki ang epekto ng bentilasyon at dami ng tao sa isang lugar pagdating sa dami ng bacteria sa loob. Isang grupo ng mga arkitekto, microbiologist, at engineers — pinangunahan ni Villoria, isang architecture graduate — ang bumuo ng framework kung paano puwedeng gawin ang microbial research para makalikha ng datos na magagamit ng mga arkitekto at ibang designers sa pagde-design ng mga gusali, gaya ng mga eksperimento sa pag-aaral na ito.
“Sa thesis ko nagsimula ‘to. Naghahanap ako noon ng microbiologist na pwedeng makatrabaho sa idea na ‘to, at buti na lang pumayag si Ma’am Argayosa — nagbunga rin talaga yung effort,” kwento ni Villoria. “Malaking tulong talaga kapag nagtutulungan ang iba’t ibang larang, lalo na sa panahon ngayon na mabilis magbago ang lipunan. Sa ngayon, nakipag-collaborate na ako sa mga galing sa architecture, microbiology, at engineering. Siguradong may iba pang disiplina na kailangan pa naming makatrabaho para mas mapalawak pa ang study na ito.”
Paglalapat sa kasalukuyang building code
Ang mga building code, tulad ng National Building Code of the Philippines, ay nagsisilbing gabay sa disenyo at konstruksyon ng mga gusali sa isang bansa. Karaniwan, isinasaalang-alang na rito ang klima, kondisyon ng lugar, sukat ng katawan ng tao, at iba pa. Pero hanggang ngayon, hindi pa talaga napag-aaralan kung paano nakaaapekto ang mga design standard ng building codes sa presensya ng mga mikrobyo sa loob ng mga espasyo.
Gamit ang National Building Code of the Philippines, lalo na ang guidelines nito para sa minimum habitable room, isinagawa ng mga mananaliksik ang kanilang pag-aaral. Tatlong eksperimento ang ginawa sa Metro Manila gamit ang passive air sampling — isang paraan ng pagkuha ng bacteria at fungi sa hangin — para sukatin kung gaano karami ang bacteria at fungi sa ilalim ng iba’t ibang kondisyon: bentilasyon, laki ng bintana, at dami ng taong nasa loob. Ginamit ang mga resulta para bumuo ng konsepto ng isang indoor space na isinasaalang-alang ang presensya ng microbes.
“Paano nga ba natin masusukat kung gaano karaming microbes ang ‘healthy’ sa isang gusali o espasyo? Magandang ma-define talaga ‘yan. Sa mga ospital at manufacturing sites, may sinusunod silang standards kung gaano karaming microbes lang ang dapat meron. Pero ngayon, parang sinusubukan na rin nating pag-aralan ang pang-araw-araw nating buhay sa mas masusing paraan — lalo na habang mas nagiging urbanized ang mga lugar,” paliwanag ni Argayosa.
Lokal na pag-aaral na may global na gamit
Kahit sa Pilipinas ginawa ang pag-aaral, puwede pa rin itong i-apply sa ibang bansa. Iba-iba ang building codes at regulations ng bawat lugar, kaya puwedeng i-adjust ang framework depende sa konteksto nito — gaya ng temperatura at humidity ng bansa. “May kanya-kanyang design standards ang bawat bansa na akma sa pangangailangan nila. Sa atin, halimbawa, tropical ang klima kaya iba ang epekto sa humidity at temperature, na siyang nakaapekto rin sa uri ng microbes na tumutubo dito,” paliwanag ni Villoria. Dagdag pa niya, sana’y magamit din ang findings ng kanilang pag-aaral bilang reference sa mga global effort na gustong pagandahin ang kalusugan ng indoor environments.

Tuloy-tuloy ang paghasa sa framework
Hindi dito natatapos ang pag-aaral gamit ang conceptual framework para sa minimum habitable room. Sa halip, hinihikayat ng grupo ang iba’t ibang researchers mula sa iba’t ibang larangan na palawakin pa ito gamit ang data at gamitin din sa ibang uri ng kwarto o espasyo. “Kung mas naiintindihan ng mga tao yung pattern ng relasyon ng built environment at ng microbes, mas makakagawa tayo ng mas maayos na interventions sa hinaharap,’” paliwanag ni Villoria. “Kailangan nating magsimula sa maliit — parang micro level — para unti-unting makabuo ng data at patterns. Pwede pang i-update at i-scale up ang conceptual framework na ’to, hanggang magamit na siya sa mas malalaking saklaw gaya ng city zoning, na may mas malaking epekto sa mas maraming tao.”
“Hindi natin namamalayan, pero napapaligiran talaga tayo ng microbes. Marami nito sa katawan natin, at meron din sa paligid natin,” paliwanag ni Argayosa. “Malaking bagay na ‘yung maging aware tayo na may mga microbes sa paligid natin. Kaya nga ito ang naging tanong ng study: may magagawa ba tayo pagdating sa design ng mga building natin? At kung meron, ano kaya ang epekto nito?”
Ang pag-aaral na may pamagat na “Integrating building code to microbial count studies in urban built spaces with ventilation and human presence: a model,” ay na-publish sa Frontiers in Built Environment, isang journal na nakatutok sa pag-develop ng sustainable na mga pamamaraan para sa design at management ng matitibay at maaasahang buildings at infrastructure.