NAGTULUNGAN ang pamahalaan at pribadong sektor upang palakasin ang imbentaryo at tiniyak ng Department of Energy (DOE) sa publiko ang sapat na suplay ng liquefied petroleum gas (LPG).
Sa isang press briefing sa Malacañang nitong Biyernes, sinabi ni DOE Secretary Sharon Garin na mayroong isang buwang imbentaryo ng LPG ang bansa, bagama’t inamin niyang may pagtaas sa presyo.
“Hindi pa naman, hindi po,” sagot ni Garin nang tanungin tungkol sa posibilidad na maubusan ng LPG stock ang bansa.
“Pero tumaas po iyong presyo, naging mahal talaga siya. Sa tingin ko ang P1,100 naging P1,500 yata. Sobrang laki ng increase ng LPG, pero mananatili iyon sa loob ng isang buwan. Isang beses lang po sa isang buwan nagbabago ang presyo ng LPG.”
Nanawagan ang kalihim ng enerhiya sa publiko na bantayan ang presyo ng LPG at iulat sa mga awtoridad ang mga tindahan ng LPG na gumagawa ng araw-araw na pagbabago sa presyo.
Ipinaliwanag ni Garin na nang magkaroon ng problema ang mga lokal na supplier dahil sa sigalot sa Gitnang Silangan, naghanap ang mga kumpanya ng alternatibong pinagmumulan gaya ng China at Hong Kong.
“So naghanap sila hanggang Australia, US at ngayon po nakakuha na sila, may supply na sila, pero hindi pa ganoon kakomportable iyong bilang,” ani Garin. “Kahit na dapat 15 araw lang iyon, pero ngayon po, nasa 32 araw na sila.”
Matapos ang mga pag-uusap sa pamahalaan, sinabi ni Garin na nagkasundo ang Philippine National Oil Company (PNOC) at mga pribadong kumpanya na magsanib-puwersa upang bumili ng isang barkong kargado ng LPG para palakasin ang lokal na suplay.
Sinabi ni Garin na tinatapos na ng pamahalaan at pribadong sektor ang kontrata sa bagong suppliers.
“Hindi ko lang alam kung anong bansa ang nakontak para sa kontrata ng PNOC, pero iyon ang gagawin namin sa DOE, bibili kami kasama ang ating mga kumpanya para sa LPG,” ayon kay Garin.



