26.1 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Talamak na mga kaso ng mga nagmamaneho ng lasing, ikinaalarma ni Sen Raffy

- Advertisement -
- Advertisement -

IKINABAHALA ni Senate Committee on Public Services Chairman Sen. Idol Raffy Tulfo ang naitalang 1,555 road crash incidents ng Department of Health (DOH) Online National Electronic Injury Surveillance System (ONEISS)  nito lamang Semana Santa mula Marso 29 – Abril 5.

Ayon pa sa datos ng DOH, 255.8% ang itinaas ng bilang ng drunk driving cases kumpara sa naitala noong nakaraang taon.

Ito ay sa kabila ng paulit-ulit na paalala ni Sen. Tulfo sa Philippine National Police (PNP), Land Transportation Office (LTO), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa nagdaang hearings ng kanyang komite ukol sa kahalagahan ng paggamit ng law enforcement agencies lalo na ng pulisya ng de-kalidad at fully functional na breath analyzers upang matukoy agad sa kalsada ang mga pinaghihinalaang drunk drivers.

Kung matatandaan, kinuwestiyon ni Sen. Idol ang PNP sa kanilang budget hearing noong November 17, 2023 kung bakit 17 units ng breathalyzers lang ang meron sila sa kabuuang 330 million pesos na binili ng gobyerno para sa PNP noong 2020 kalakip ang mga speed gun — bagay na itinanggi ng PNP na may natanggap sila mula rito.

At noong Agosto 21, 2024 naman ay isiniwalat ni Sen. Tulfo sa hearing ng nasabing komite ang pag-flag ng Commission on Audit (COA) dahil wala ni isang breathalyzer ang napakinabangan ng LTO mula sa binili nitong 51 million pesos-worth ng 756 na breathalyzers dahil kung hindi sira, palpak o dili kaya ay hindi calibrated ang mga ito!

Kaya nakipag-ugnayan muli si Sen. Raffy at ang kanyang tanggapan sa mga nasabing ahensya para kumuha ng update sa status ng mga breathalyzers.

Sa ginawang pagsisiyasat pa ng Senate team ni Sen. Raffy, napag-alamang dalawang beses bumili ng breathalyzers ang LTO sa supplier na 3R Metalcraft noong 2015 at 2016. Pero ayon sa dating hepe ng LTO na si Vigor Mendoza II, 500 units dito ay damaged at hindi na makukumpuni pa. Ang mas masaklap, nagsara rin daw agad ang kumpanya matapos mabili ng gobyerno sa kanila ang breathalyzer units.

Sa ulat na ipinadala ni LTO Executive Director Martin Ontog sa tanggapan ni Sen. Tulfo, ipinaliwanag nitong bumili ang LTO ng 150 breathalyzer units sa kumpanyang Philippine Blue  Cross Biotech Corporation noong 2015, 485 units noong 2017 sa 3R Metal at 121 units muli mula sa 3R noong 2017. 437 dito ang tuluyan nang idinispose ng LTO dahil hindi na raw economical at beyond repair na ang mga units samantalang 100 naman ang unserviceable o hindi nagagamit.

Dagdag pa sa ulat na ito, minarapat daw bumili ng LTO ng panibagong 400 units noong 2025 sa kumpanyang System Technik Machineries and Products Corporation sa halagang halos 13 million pesos kung saan 362 units na raw ang distributed nationwide at 38 ang nasa buffer stock na nasa kustodiya ng kanilang Property Section. Kung susumahin, ayon pa rin sa ulat, 581 units daw ngayon ang nagagamit na breathalyzers nationwide.

Ngunit hindi pa rin nito lubusang nasasagot ang katanungan ni Idol kung ano nang nangyari sa warranty o insurance na dapat sanang responsibilidad ng kumpanyang 3R Metal Craft sa mga depektibo at hindi calibrated units na ibinigay nito.

Tanong pa ni Idol, nasaan ang mga kasong dapat isinampa ng LTO laban sa palpak na supplier? Sa puntong ito ay nangako si Sen. Raffy na magkakasa agad siya ng imbestigasyon sa Senado upang mapanagot at maparusahan ang mga mapapatunayang may kapabayaan sa mga depektibong breathalyzers.

Sa panayam ng tanggapan ni Sen. Tulfo kay PLTCOL. Chitadel Gaoiran ng PNP HPG, nanindigan silang wala ni isang breath analyzer device ang ibinigay sa kanila ng LTO at kung mabibigyan man daw ay siguradong malaking tulong daw ang mga ito para sa kanilang mga kawani.

Sa pakikipag-usap naman ng opisina ni Sen. Tulfo kay MMDA Director Victor Nuñez, sinabi nitong limitado lang ang nakuha nilang breathalyzers mula sa LTO. Dagdag pa ng director, nagkaroon na raw sila ngayon ng Memorandum of Agreement  katuwang ang LTO kung saan magcoconcentrate ang kanilang mga kawani sa pagbabantay sa daan lalo na tuwing madaling araw at magtatalaga rin ang LTO base sa MOA ng mga personnel na aktibong magsasagawa ng breathalyzer tests sa mga masisitang drivers sa madaling araw.

Inirekomenda ni Sen. Tulfo sa nasabing mga ahensya na magkaroon ng random checks sa mga motorista hindi lang tuwing holidays kundi dapat ay pati na rin sa ordinaryong mga araw.

Iminungkahi rin ni Sen. Idol na pag-aralan ng law enforcement agencies ang pagpoposte ng kanilang personnel na may breathalyzers malapit sa mga inuman o club at mga katabing parking lots nito at magsagawa ng breathalyzer tests sa mga indibidwal doon para maiwasan ang disgrasya.

Sa kabilang banda, isa sa mga pangunahing problema na nasita ni Sen. Raffy ay kailangan pang i-deputize at mag-undergo sa training ng LTO ang mga PNP at MMDA personnel para sila ay lehitimong makapanghuli ng drivers na lumalabag sa batas trapiko partikular na ang drunk driving.

Upang masolusyunan ang suliranin, binigyang-diin ni Idol na panahon na para maisabatas ang inihain niyang Senate Bill No. 2023 noong April 6 na naglalayong amyendahan ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 na bukod sa magpapataw ng mas mabigat na parusa sa drunk driving ay tuluyan nang sisibakin ang deputization process at gagawin nang pantay ang kapangyarihan ng LTO, MMDA at PNP sa panghuhuli sa mga lumalabag sa batas trapiko.

Bukod pa rito, tiniyak din ni Sen. Tulfo sa ilalim ng SBN 2023 ay kanya-kanya na ng pagbili ang LTO, MMDA at PNP ng kani-kanilang breathalyzers dahil magkakaroon din sila ng mga sariling pondo para sa mga ito.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -