29.7 C
Manila
Martes, Hunyo 9, 2026

35 namatay sa 7.8 na lindol sa Mindanao; pagtugon sa trahedya agad na ipinatupad

- Advertisement -
- Advertisement -

AYON kay Office of Civil Defense (OCD) Administrator, Undersecretary Harold Cabreros , umabot na sa 35 indibidwal ang bilang ng mga nasawi dulot ng 7.8 na lindol sa MIndanao. Ito ang ulat bandang 8:00pm kagabi, Hunyo 8, 2026.

Larawan mula sa The Manila Times

Umabot sa 31 ang nasawi sa Soccsksargen (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City) region o South-Central Mindanao, habang apat naman ang nasawi sa rehiyon ng Davao.

Sinabi rin ni Cabreros na batay sa isinagawang assessment at pag-iikot kasama ang mga opisyal ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, ang General Santos City ang itinuturing na “hardest hit” na lugar.

Sina Public Works and Highways Secretary Vince Dizon at Office of Civil Defense Administrator Undersecretary Harold Cabreros. Larawan mula sa Facebook page ng OCD

Naitala rin ang 234 sugatan at 12 nawawala, pero nilinaw din ng OCD na patuloy pa ang beripikasyon ng mga ulat.

Mahigit 10,000 pamilya mula sa Sarangani, Sultan Kudarat at iba pang apektadong lugar ang inilikas bilang pag-iingat.


Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naitala ang lindol bandang alas-7:37 kahapon ng umaga kung saan natukoy ang episentro nito sa la­yong 32 kilometro timog-kanluran ng Maasim at may lalim na 33 kilometro.

Naitala ang Intensity 7 sa General Santos City at Intensity 6 sa ilang bahagi ng Sultan Kudarat. Naramdaman din ang pagyanig sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao at ilang lugar sa Visayas.

Cotabato trench

Paliwanag din ng Phivolcs, ang lindol ay bunga ng paggalaw ng Cotabato trench kung saan nahati ang fault line sa Celebes Sea at tumawid sa timog kanluran ng baybayin ng Mindanao kaya nagtaas ng tsunami alert.

- Advertisement -

Ang Cotabato Trench ay isang aktibong subduction zone sa karagatan na matatagpuan sa timog-kanlurang baybayin ng Mindanao, malapit sa Sultan Kudarat partikular sa bayan ng Kalamansig, Palimbang at Lebak, Saranggani at Cotobato.

Matatagpuan ito sa hilagang-silangang bahagi ng Celebes Sea. Dito lumulubog ang karagatan ng Sunda Plate sa ilalim ng Philippine Mobile Belt. Ang banggaan na ito ang nagiging dahilan ng pagiging bulkaniko at pagiging madalas ng lindol sa rehiyon.

Tsunami alert

Pagkatapos ng lindol, pinayuhan ang mga residente sa mga baybaying lugar ng Sarangani, Davao Occidental, South Cotabato, Sultan Kudarat at iba pang lalawigan sa Mindanao na agad lumikas sa mas mataas na lugar matapos maitala ang unang tsunami waves sa Maasim bandang alas-7:42 ng umaga; Kiamba, alas-7:44 ng umaga; Kalamansig, alas-7:59 ng umaga; Mati City, alas-8:19 ng umaga; Zamboanga City, alas-8:32 ng umaga; at Tandag City, alas-8:45 ng umaga.

Naitala sa 1.4 metro ang pinakamataas na taas ng alon sa Kiamba, Sarangani. Ang mga alon na umabot sa 1 metro ay naitala sa mga bahagi ng Sarangani at Sultan Kudarat.

Ang tsunami ay sunod-sunod na malalaking alon sa karagatan na karaniwang likha ng malalakas na lindol mula sa ilalim ng dagat. Ang salitang ito ay nagmula sa wikang Hapon kung saan ang tsu ay nangangahulugang “daungan” at ang nami ay “alon.”

- Advertisement -

Pagguho ng lupa

Dahil sa lakas ng llindol, nagkaroon din landslide o pagguho ng lupa pagkatapos ng lindol na pinakanaranasan sa Gian, Sarangani kung saan 13 katao ang namatay dahil sa mga debris, nalubog na mga bahay sa paanan ng bundok.

Ayon kay Rene Punzalan, chief ng Sarangani Provincial Disaster Risk Reduction and Management, nagkaroon ng landslide “immediately after the earthquake.”

Unang araw ng klase, sinuspinde

Nataon na unang araw ng pasukan ang araw ng lindol. Ayon sa ulat, isang school building ang gumuho sa Matan-ao, Davao del Sur.

Sa Barangay Amas, ang sentro ng North Cotobato provincial government sa Kidapawan City, mabilis na naglabasan ng kanilang mga bahay ang mga residente upang sunduin ang kanilang mga anak na nasa elementary at high school na nadatnan nilang umiiyak sa open ground.

Dahil sa pangyayari, kagyat na sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga klase sa mga naapektuhan ng lindol sa Mindanao.

“Move to higher ground now. Do not wait,” sabi ng pahayag ni Pangulong Marcos. “Your life is more important than anything left behind.”

Kaagad ding inatasan ng Pangulo ang mga ahensya ng pamahalaan upang kumilos kaagad (Basahin ang kaugnay na ulat sa https://www.pinoyperyodiko.com/2026/06/08/balita/pbbm-inatasan-ang-mga-ahensya-ng-gobyerno-na-agarang-tumugon-sa-epekto-ng-lindol-at-banta-ng-tsunami-sa-mindanao/20201/)

Sec Dizon, mga opisyal ng pamahalaan kaagad lumipad sa Mindanao

Kaagad na lumipad papuntang General Santos City si Public Works and Highways Secretary Vince Dizon nitong Lunes ng hapon upang ma-asses ang pinsala na dulot ng tinatayang pinakamalakas na lindol ngayong taon sa bansa.

Kasama ni Dizon ang mga opisyal mula sa OCD, Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Health (DOH).

Ang mga team ay inatasang suriin ang istruktura ng mga pangunahing pampublikong pasilidad, kabilang ang mga ospital, paaralan, gusali ng gobyerno, at iba pang mahahalagang imprastraktura.

Ang mga awtoridad ay magsisikap na matukoy kung ang alinman sa mga istrukturang ito ay nagdudulot ng mga panganib sa kaligtasan ng mga residente at mga frontline worker.

Iniutos din ng pinuno ng DPWH ang agarang pagkukumpuni ng mga nasirang kalsada at tulay upang matiyak ang walang patid na paggalaw ng mga emergency responder at mga suplay ng tulong.

Ang pagpapanumbalik ng mga ruta ng daanan ay isang pangunahing prayoridad habang nagpapatuloy ang mga operasyon ng pagsagip at humanitarian sa mga apektadong komunidad, aniya.

Ayon sa Department of Energy (DOE), humigit-kumulang 864,000 kabahayan ang nawalan ng kuryente dahil sa magnitude 7.8 na lindol.

Nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa National Electrification Administration (NEA) at sa National Power Corp., at nagtalaga na ng mga rapid response team upang suriin ang imprastraktura ng enerhiya at magsikap na maibalik ang kuryente.

Batay sa mga inisyal na ulat mula sa mga kaugnay na ahensya, sinabi ng DOE na naranasan ang mga pagkaantala ng kuryente sa ilang lugar, lalo na sa South Cotabato, Sultan Kudarat, Davao at mga kalapit na lugar. Halaw sa iba’t ibang ulat at sa The Manila Times

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -