25.7 C
Manila
Martes, Hulyo 28, 2026

PBBM: Hindi ako Pangulo ng pamilya ko, ako ay Pangulo ng Pilipinas

- Advertisement -
- Advertisement -

“Dumating na tayo sa punto na ayon sa Ombudsman, ay malapit na ang paghain ng patung-patong na kaso laban sa dating Speaker. Masakit man sa akin ito, ngunit kailangan nating gawin ang tama. Hindi ako Pangulo ng aking pamilya, hindi ako Pangulo ng aking kaibigan,” saad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

“Ako ay Pangulo ng Pilipinas, at ang tungkulin ko ay sa inyo, ang aking mga kapwa Pilipino,” pahayag ng Pangulo.

Mga larawan mula sa Presidential Communications Office

Sa unang bahagi pa lamang ng kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, Hulyo 27, 2026, sinabi na ni Pangulong Marcos ang plano ng Ombudsman na sasampahan ng “patung-patong” na kaso ang kanyang pinsang si dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng kontrobersya sa mga flood control projects.

Kabilang si Romualdez sa  mga inakusahang nagpahintulot ng mga insertion sa mga infrastructure project. Nauna nang itinanggi ni Romualdez, ang kinatawan ng Leyte 1st district, ang akusasyon.

Dagdag pa ng Pangulo, “Gayundin, pinigilan natin ang paglabas ng pera ng bayan na ipambabayad pa dapat sa mga depektibo, peke, o guni-guning mga proyekto, at mapupunta lamang sa mga bulsa ng mga tiwaling kontraktor at opisyal.


“Halos 25 bilyong piso ang halaga ng nabawi, “frozen,” at napreserbang mga pera at ari- arian ng mga akusado. Ang mahigit 800 milyong piso dito ay agad nating naibalik sa Treasury.

“Lahat ng mababawi mula sa mga sangkot na tiwali ay agad ibabalik sa kaban ng bayan.

“Ipinapaubaya na natin ang pag-uusig sa Ombudsman at sa ating mga pinalakas na National Prosecution Service.

“Nananalig din tayo sa makatarungang hatol ng hukuman. Makakaasa kayo na ang gulong ng hustisya ay tumatakbo.”

- Advertisement -

Sa ulat ng TV Patrol pagkatapos ng SONA ng Pangulo, sinabi rito ni Romualdez na sang-ayon siya sa kaparaanan ng gobyerno na sampahan siya ng kaso upang umano’y lumabas ang katotohanan base sa mga ebidensya.

Bukod sa ulat na ito, inilahad din ng Pangulo sa pagbubukas ng regular session ng mga Kapulungan ng Kongreso, ang mga nagawa at plano ng kanyang administrasyon kabilang ang ilang panukalang batas para sa Kongreso, at maging ang kanyang posisyon sa mga isyu ng bayan.

Tugon sa problema ng enerhiya ng bansa

Maraming beses pinalakpakan si Pangulong Marcos sa isang oras at 20 minuto nyang talumpati. Pinakamatagal dito nang banggitin niya ang plano niyang pagpapatanggal sa “system loss charge” na singil ng power distribution companies gaya ng Meralco sa bill ng kuryente ng mga mamamayan.

Hiniling niya sa mga mambabatas na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 o Republic Act. No. 9135 (EPIRA) upang maisagawa ito.

“We demand for the immediate amendment of EPIRA,” mariing sabi ng Pangulo.

- Advertisement -

Tinalakay ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maraming suplay ng kuryente na isang indikasyon ng pagiging isang matatag na bansa.

Kaya, aniya, tinututukan ng pamahalaan ang may 200 proyekto na makapagbibigay ng 10,000 megawatts upang suportahan ang mga kabahayan at industriya sa bansa. May 45 rito ang tapos na, 31 ang inaasahang matatapos ngayong taon at 124 ang matatapos sa pagtatapos ng kaniyang termino sa 2028.

Naging posible, aniya ito, dahil sa mas pinadaling patakaran at proseso para sa mga Pilipino at dayuhang mamumuhunan.

Mayroon din aniyang 60 planta na gumagamit ng mga renewable at indigenous sources gaya ng geothermal, solar, hydro, wind at biomass.

Isa na rito ang proyekto ng Malampaya na dumidiskubre ng natural gas mula sa ilalim ng dagat at dinadala ito sa kalupaan upang magamit ng mga gumagawa ng kuryente.

Inihayag ni Pangulong Marcos na nagbabalik ang operasyon ng Malampaya gas field project hanggang 2039.

Aniya, may nadiskubreng 222 bilyong cubic feet na natural gas ang Malampaya.

“To put it in context, 222 cubic feet of natural gas is enough to power 1.6 million households for eight years until 2035,” ayon sa Pangulo.

Ang Malampaya Deep Water Gas-to-Power project ang isa sa pinakamalaki at pinakamahalagang industriya ng Pilipinas sa kasaysayan. Proyekto ito ng pamahalaan at ng pribadong sektor na pinangungunahan ng Department of Energy (DOE) at dinedevelop at pinatatakbo ng Prime Energy bilang kinatawan ng joint venture ng Udenna Corporation at ng Philippine National Oil Company-Exploration Corporation (PNOC)

Bukod dito, sinabi rin ng Pangulo na panahon na upang muling bisitahin ang nuclear energy production upang makatulong na maibaba ang singil ng kuryente sa bansa.

Katwiran niya, ginagamit naman na ang enerhiyang nukleyar sa larangan ng medisina, agrikultra, at sa mga industriya.

Aniya, “titiyakin nating ito ay ligtas” at ipaliliwanag sa publiko ang magandang dulot ng enerhiyang nukleyar.

Hiniling niya rin sa Kongreso na maipasa na ang Sariling Kuryente Act bilang tugon sa kahilingan ng publiko na mapababa ang kanilang gastusin sa kuryente sa pamamagitan ng simple, madali at abot-kayang pagpapakabit ng mga solar panel at battery storage system sa mga bahay.

Pinalawig na tax exemption

Isa pa sa malakas na pinalakpakan sa mga sinabi ng Pangulo ang pagpapalawig ng tax exemption o yung mga hindi na kakaltasan ang sahod ng buwis.

Ayon kay Pangulong Marcos, ibibilang na ang mga empleyadong sumasahod ng P350,000 pababa kada taon.

Samakatwid, sakop nito ang mga sumasahod ng hindi hihigit sa P29,167 kada buwan.

Sa manlulupig, di tayo pasisiil

Ito ang isa pa sa bahagi ng talumpati ng Pangulo na binigyan ng masigabong palakpakan, kung saan hinimok nya ang publiko na papanaigin ang pagkakaisa bilang mga Pilipino sa gitna ng mga banta na lumalapastangan sa dignidad at respeto sa sarili bilang tao.

“Our unity and collective consciousness are challenged now greater than ever before. A common threat lies before us, directed against our dignity and self-respect as a people. Of late, our very humanity has been called into question. Let me remind our friends and our detractors: Filipinos are a noble, kind, gracious, and great race,” pahayag pa ni Marcos.

“We are not greedy. We are not racists. We are not liars. We are respectful, and we are dignified. We are Filipinos, and we do not yield,” dagdag pa niya.

Hindi niya binanggit kung sino ang pinatutungkulan niya rito bagama’t sinundan niya ito ng pagbanggit sa 2016 Arbitral Award kung saan dinesisyunang sakop ng Pilipinas ang mga inaangkin nitong isla sa West Philippine Sea na hindi sinang-ayunan ng China.

Panawagan ng Pangulo: “Mga kapwa ko Pilipino, sa mga ganitong banta sa ating seguridad sa loob at labas ng bansa, tayo ay tumindig ng taas noo at magkapit-bisig. Dahil tayo man ay magkakaiba sa maraming bagay, iisa lang tayong lahi, tayong lahat ay Pilipino, Pilipino sa diwa, Pilipino sa dugo. Manaig nawa ang pagkakaisa at pagmamahal sa inang bayan at sa kapwa Pilipino. Sa bagay na ito, hindi tayo magkakatunggali, tayo ay magkakabigkis tulad ng ating ipinamana sa ating buong kasaysayan. Sa mga pang-aalipusta hindi tayo matitinag, sa manlulupig di tayo pasisiil.”

Kamakailan lamang, kinondena ng pamahalaan ang isang AI-generated video ng China Daily, isang kompanya ng media na pinatatakbo ng pamahalaan ng China, kung saan pinalabas na unggoy ang mga Pilipino.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -