34.5 C
Manila
Biyernes, Mayo 2, 2025

Sigaw ng ‘96

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
ALAM natin na ang Sigaw ng 1896 ay ang sigaw ng himagsikan ng Katipunan.
Hindi ito ang sigaw ng pitak na ito ngayon kundi ang hiyaw ng EduAKSYON, isang partylist na ang pangunahing adbokasiya ay pababain ang kurikulum sa kolehiyo sa tatlong taon lamang, dalawang taon sa mga paksang akademiko, isang taon sa OJT.
Iyan ang Sigaw 96: tatlong taong kolehiyo at gradweyt na.
Bakit 96?
Iyan ang bilang ng EduAKSYON sa balota: 96.
Sinabi ng isang paham, kapag nahalal sa puwesto ang isang estupido, ibig lang sabihin, maayos na kinakatawan nito ang sambayanan.
Ito ang nakikita kong malakas na tunguhin ng sektor ng Partylist sa darating na eleksyon. Naglipana ang mga pangalan ng mga tumatakbo, karamihan maliwanag na pang-akit ay hindi ang anumang seryosong pulitikal at panlipunang adhikain kundi ang alindog ng showbiz.
Anong kahalagahan ang ang mapupulot mo, halimbawa, sa isang partylist na ipinangalan sa namatay nang idolong artista at ang titulo ng isa sa pinakasikat niyang pelikula?
O ng isa pa na ipinangalan sa titulo ng isang malaganap na kasalukuyang tumatakbong serye sa telebisyon?
Maliwanag na ito ay hamon sa katinuan ng mga botanteng Pilipino.
Ang partylist ay nilikha upang bigyang boses sa kamara ang mga kung turingan ay “marginalized sectors” ng lipunan, sila na halos mga yagit na lamang kung tutuusin dahil sa kakapusan ng anumang makatuturang representasyon sa pamahalaan.
Maganda ang intensyon. At malinaw na ito ang naging daan ng mga dapat ay mga rebelde upang isulong sa ligal na proseso ang kanilang simulain.
Subalit sa biglang pihit, nabago ang ihip ng hangin. Ang partylist na dapat ay magbigay-boses sa mga kapuspalad ay naging kasangkapan na napakagaang panghawakan ng mga pinagpala na sa yaman ng lipunan.
Nasa rekord na ang pinakamayamang kongresista ay kinatawan ng partylist.
Ang isang partylist ay garapalan nang ipinangalan sa palayaw ng isang napakayaman nang boksingero. Ang isa pa ay ipinagalan sa anting-anting na naging tatak ng isang tanyag at mayamang action star.
Napakalaking kabulastugan ng mga ito. At oras na mahalal, patotoo lamang sa sinabi ng paham sa unahan: totoong kinatawan ng mga botante.
Sa nagdaang ilang eleksyon, sinadya kong huwag bumoto. Tanggap ko na sa sarili na sa Pilipinas, ang numero unong problema sa eleksyon ay hindi ang kung turingan ng marami ay trapo (traditional politician – namimili ng boto) kundi trabo (traditional botante – nagbebenta ng boto). Kung di ko mapigil ang kaestupiduhan ng mga botante, kahit papaano huwag nila akong maging bahagi.
Minsan nga ay nagsagawa ako ng one-man rally sa Comelec upang dramahin ang kabulastugan ng eleksyon; nungka na ito ay lantay na expresyon ng damdamin ng bayan.
Sa eleksyon ngayon, ganun pa rin ang aking paninindigan. Hangga’t walang repormang nagaganap na titiyak na sa mga halalan ay totoong tinig ng sambayanan ang mananaig, mananatiling korap ang pamahalaan.
Matangi na lamang sa isang pangyayari. Nakakati-katihan kong uriratin kung ano ba talaga itong minsang natisod ko sa aking pahina: EduAKSYON, isang tumatakbong partylist. Makaraan ang ilang pananaliksik, naunawaan ko ang adbokasiya nito – may kurot ng nostalgia.
Taong 1963. Nasa third year civil engineering ako noon sa Mapua Institute of Technology (MIT). Hirap na ang aming pamilya na igapang pa ang aking pag-aaral, at ako sa sarili ko ay totoong naghahanap na ng pagkakakitaan ng panustos sa kabuhayan. Wala na akong magawa kundi ang huminto sa pag-aaral at pumalaot sa paghahapbuhay sa iba’t-ibang larangan: naglalako ng insurance, nagbebenta ng encyclopedia…
At ayun, ganap na naunsiyami ang pangarap ng Tatay ko na maging engineer ako.
Kung meron nang partylist na EduAKSYON noon pang 1963, tiyak maiiba ang takbo ng buhay ko.
Adbokasiya ng EduAKSYON na ilimit sa tatlong taon ang regular na kurikulum pangkolehiyo, unang dalawang taon nakalaan sa mga paksang akademiko, ang huling taon sa OJT. Napag-alaman natin na ito na ang nasusunod na kurikulum sa Europa.
Di ko maiwasang isipin na kung ang tatlong-taon na college curriculum ay naipatutupad na noong 1963, disin sana’y naka-gradweyt na ako bago pa sumuko sa hirap ng buhay ang aming pamilya.
Kung bakit tila bilang pag-ulit sa daloy ng tadhana, civil engineering din ang kursong hinabol ng aking bunso sa kolehiyo. At pagkalampas na pagkalampas niya ng third year, tulad ko noong una, gumupo din siya sa pangangailangang tumulong na sa paghahanap ng pang-agdong buhay ng pamilya. Tumigil na siya sa pag-aaral.
Ako at ang aking anak ay buhay na patunay sa adhikaing ipinaglalaban ng EduAKSYON.
May alam akong estudyante ng Education sa University of Rizal System. Consistent top siya sa kanyang class. Subalit ngayong papasok na siya sa Third Year, nagsimula na siyang umaray sa lumalaking gastusin. Nag-iisip na rin siyang maghanapbuhay muna upang makatulong sa kanyang ina sa pag-intindi sa kabuhayan ng pamilya. Libu-libong estudyante ang sakbibi ng magandang pangarap na makagradweyt ng college hanggang magising lamang sa katotohanan na pagsapit pa lang ng Third Year ay hirap ka na, ano pa kung umabot ka ng fourth year.
Para sa marami ng libu-libong iyun na mga mahirap, malamang kesa hindi, sila ay susuko.
Naririto ang pag-asa ng pitak na ito na sana ay nakapag-ambag ito sa adhikain ng sambayanang estudyante’t kanilang mga hikahos na magulang na sila ay makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -