28.9 C
Manila
Biyernes, Mayo 23, 2025

Sen Robin: Islamic Burial Act, matindi ang pinagdaanan alang-alang sa mga Muslim

- Advertisement -
- Advertisement -

MAHABA at matinding proseso ang pinagdaanan sa Kongreso ng ngayo’y bagong lagdang Philippine Islamic Burial Act (RA 12160) bago ito naging batas, alang-alang sa mga kapatid nating Muslim, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” Padilla.

Larawan mula sa Facebook page ng Senate of the Philippines

Giit ni Padilla, na nag-sponsor sa Senado ng House Bill 8925 na naging basehan ng batas, dumaan ang panukala sa tamang proseso sa plenaryo, at pati na rin sa karampatang pagdinig.

“Ang RA 12160 ay isang mahalagang bagay para sa mga kapatid nating Muslim, para masunod sa tradisyong Islam sa paglibing sa kanilang mga mahal sa buhay. Hindi matatawaran ang prosesong pinagdaanan nito para maging ganap na batas,” aniya.

Noong Enero 21, inisponsor ni Padilla ang House Bill 8925 sa plenaryo ng Senado, kung saan hiniling niya ang pansin at suporta ng kapwa senador para “maging ganap na batas ang simple ngunit makabuluhang panukalang ito para sa inyong mga kapatid na Muslim.”

Dagdag ni Padilla, ang panukala ay “sumasagisag (din) sa ating pagtataguyod ng isang lipunang gumagalang at nagbibigay ng halaga sa mga yumao.”

Noong Mayo 2024, namuno din si Padilla sa pagdinig tungkol sa naturang panukala bilang tagapangulo ng Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs.

Inaprubahan sa Senado ang panukala, habang pumayag din ang Kamara na i-adopt ang mga pag-amyenda na minungkahi ng mga senador.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -