30 C
Manila
Biyernes, Mayo 23, 2025

Ilang tanong kaugnay ng unang wika bilang panturo

- Advertisement -
- Advertisement -

MAY ilang tanong kaugnay ng unang wika bilang panturo. Sisikapin nating sagutin ang mga ito.

1. Magagamit ba ang unang wika bilang panturo?

Kung ang mga guro at ang mga eksperto sa edukasyon  ang tatanungin, ang sagot ay tumataginting na OO. Pero kung mga mambabatas ang tatanungin, HINDI ang kanilang sagot. Bakit kaya?

2. Pwede rin bang panturo kahit anong wika, kahit iyong mga wikang sa malalayo at liblib na lugar sinasalita?

Ang sagot ay OO. Basta’t ito ang wikang ginagamit sa lugar at ito rin ang unang wika ng mga batang naninirahan sa lugar na iyon. Kahit sa tingin ng mga tagalabas ay hindi ito pa maunlad  ang isang wika dahil parang kapos ang bokabularyo, maaari pa rin itong maging tagapagpadaloy ng kaalaman mula sa mga nakatatanda tungo sa mga nakababata, mula sa guro tungo sa mga mag-aaral.  Alin mang wika ay sapat para sa mga tagapagsalita nito. Maaari namang maghiram ng bokabularyo kung kinakailangan, basta’t ang mga konsepto ay ipinapaliwanag sa unang wika ng mga bata.


3. Ano ba ang kahulugan ng unang wika?

Ayon sa UNESCO, ang unang wika ay (1) ang wikang unang natutuhan ng isang bata; (2) taal na sinasalita; (3)  pinakaalam ng mga tagapagsalita nito; at (4) laging ginagamit ng mga tagapagsalita nito. Ang iba pang mga wika na hindi unang wika ay tinatawag na pangalawang wika. Sa Ingles, tinatawag itong L1 at L2. Sa Pilipinas, ang unang wika ay maaaring Tagalog/Filipino, Ilokano, Kapampapangan, Waray, at iba pang mga wika. Maaari ring Ingles kung ito ang unang natutuhan ng isang bata.

4. Bakit importante na ang unang wika ng mga bata ang gamiting panturo sa panimulang pag-aaral?

Makabubuti sa mga batang nagsisimula pa lamang mag-aral ang maturuan sila sa kanilang unang wika, na kadalasang ang wikang gamit nila sa bahay at pinakaalam nilang gamitin. Una, dahil ito ang gamit nila sa umpisa pa lang, madali nilang maiintindihan ang mga konseptong ipinapaliwanag ng kanilang mga titser.  Kung dayuhang wika ang gamit sa loob ng silid-aralan, ang dayuhang wikang ito ay sagabal o hadlang sa pagkatuto dahil kailangan pa muna nilang unawain ang wikang ito bago maintindihan ang mga bagay na itinuturo sa kanila. Pangalawa, madali silang makakasagot sa mga tanong ng mga titser sa bahaging tanong-sagot na karaniwang paraan ng pagtuturo. May tiwala sila sa sarili sa pagsagot at sa pagsasabi ng alam nila at nasa isip nila dahil nga ang gamit nila ay sariling wika na natutuhan mulang pagkasanggol. Ang pagkatuto, samakatwid, ay mas magaan dahil magsisimula sa alam na nila at hindi sa hindi pa nila alam. Pangatlo, pati mga titser ay hindi mahihirapan sa pagpapaliwanag dahil alam nilang agad silang naiintindihan ng mga bata. Mas madali rin ang pagtaya sa mga kakayahan at natutuhan ng mga bata para matukoy agad kung alin pa ang dapat pagtuunan ng pansin o mga bagay na nahihirapan sa pag-intindi ang mga bata.

- Advertisement -

5. May mga pag-aaral na bang makapagpapatunay na mas mainam gamitin ang mga wika sa Pilipinas bilang panturo kaysa dayuhang wika?

Mayroon na, kahit noong mga unang taon pa lamang ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas ay may isinagawa nang pag-aaral na nagsasabing ang katutubong wika ang mas angkop gamiting panturo. Maging noong mga taon na nasa ilalim pa tayo ng mga Espanyol, may mga kautusan na ang Hari ng Espanya na nagsabing gamiting panturo ang mga katutubong wika sa Pilipinas – ngunit hindi ito sinunod ng mga prayle. Samantala, Ingles ang tanging wikang panturo mula elementarya hanggang kolehiyo.

Noong SY 2007-2008, ang Lubuagan Kalinga First Language Experiment ay isinagawa sa pagtutulungan ng Summer Institute of Linguistics, DepEd, at pamahalaang lokal. Pinatunayan nito na mas mabisang panturo ang unang wika kaysa Ingles. Nakapagpakita ng mas mataas na kahusayan sa nilalaman ng kurikulum ang mga estudyanteng tinuruan sa katutubong wika kaysa sa control group na Ingles ang panturo. Ang mga estudyante ay nasa Baitang 1, 2 at 3. Hindi naging sagabal sa pagkatuto ng Ingles at Filipino ang pag-aaral sa unang wika at mas madali nilang natutuhan ang nilalaman ng kurikulum. Sinusuportahan ng pag-aaral na ito ang mga natuklasan sa ibang mga bansa tulad ng Mali na French ang dayuhang wika at Zambia na Ingles naman.

Naging matibay na argumento ang pag-aaral na ito para ipatupad ang Mother Tongue-Based Muti-Language Education (MTB-MLE) sa Pilipinas noong 2012. Pinalitan nito ang patakaran sa edukasyong bilinggwal na ipinatupad mula 1974. Sa patakarangnabanggit, dalawang wika ang panturo – Pilipino/Filipino sa Araling Panlipunan at iba pang mga sabjek samantalang Ingles sa siyensya at matematika. Layon nito na maging mahusay ang mga estudyante kapwa sa Ingles at Filipino, ngunit hindi ito natamo ang kahusayang ito. Gayon man, masasabing hakbang na pasulong na ito. Nagkaroon na ng puwang ang wikang pambansa bilang panturo. Nang mga panahong iyon, Ingles ang tanging wikang panturo sa lahat ng antas sa lahat ng paaralan. Sa Konstitusyong 1987, itinakda ang Ingles at Filipino bilang mga wikang panturo, gayon din ang mga wikang rehiyonal bilang pantulong sa pagtuturo. Ang totoo naman, gamit na ng mga titser ang mga katutubong wika upang makatulong sa pagpapaliwanag ng mga aralin.

Ipinalit sa edukasyong bilinggwal ang MTB-MLE, na maganda na sanang hakbang na pasulong. Totoo na maraming problemang nakaharap sa pagpapatupad nito, gaya rin naman ng ibang mga bagong patakaran. Pero sa halip na harapin at lutasin ang mga problemang ito, isinantabi ang patakaran sa bisa ng RA 12027. Ipinatitigil ng nasabing batas ang paggamit ng unang wika bilang panturo sa unang tatlong baitang, wikang pantulong na lamang ang mga wikang rehiyonal sa halip na panturo, at Ingles at Filipino na lamang ang mga wikang panturo. Sa kalaunan siguro, pati Filipino ay aalisin na rin para balik sa panahong kolonyal na Ingles lamang ang wikang panturo.

Kung gayon, napagkakaitan ang mga batang bago pa lamang nag-aaral ng kanilang karapatang pangwika – karapatan ng bawat isa na makapagpahayag ng saloobin at kaalaman sa kanyang unang wika dahil ito ang tagapagpahayag ng kanyang kaakuhan, at karapatang matuto sa sariling wika. Bukod pa, ang mga batang bago pa lamang nag-aaral ay nababawasan ang kumpiyansa sa sarili dahil kailangan niyang magsalita sa isang wikang hindi pa niya gaanong alam. Samakatwid, ,hindi lubos ang natatamong pagkatuto.

- Advertisement -

6. Bakit kaya iginigiit ng mga mambabatas ang idea na Ingles ang pinakaangkop na wikang panturo?

Sabi nila, iniiisip nila ang pinakamabuti para sa mga mamamayan. Ang totoo, malakas pa rin ang kaisipang alipin sa ating bayan. Isa sa mabubuting bunga ng paggamit ng unang wika sa panimulang pag-aaral ay ang maagang pagka-develop ng mapanuring pag-iisip. Maagang natututo ang bata na maging mapanuri at matukoy kung alin ang mabuti sa kanya at sa komunidad. Natututuhan din niyang pahalagahan ang kaalamang natamo sa kaligiran at ipagmalaki ito bilang tanda ng kaakuhan. Sa kasalukuyan, dahil dayuhang wika ang namamayaning wikang panturo, hindi tayo lubos na natututo ng dapat nating matutuhan. Siguro, tama ang sinabi ng iba, na hindi hahayaan ng mga panginoon na matutuhan ng mga alipin kung paano tatanggalin ang kanilang mga tanikala.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -