BILANG praktika sa larangan, ang pampublikong pamamahala ay tumutukoy sa pagpapatupad ng mga umiiral na batas at patakaran sa pamahalaan. Sinasaklaw rin nito ang matalino at responsableng pamamahala ng mga pampublikong ahensiya, kawani at rekurso. Bukod sa mga ambag, pangako at potensiyal ng pampublikong pamamahala, may kaakibat din itong mga hamon, usapin at alalahanin. Ang mga sumusunod ay tala ng ilang kaalaman at pananaw ukol sa praktika at etika ng pampublikong pamamahala sa pangkalahatan.
- Ang pampublikong pamamahala ay pagpapatupad sa patakaran ng pamahalaan na sumaksalaw sa iba’t ibang larangan kagaya ng ekonomiya, edukasyon, kalikasan, enerhiya, imprastraktura, transportasyon, kalusugan, sanitasyon, disaster risk reduction management, ugnayang panlabas, kultura, turismo at ugnayan ng mga ito.
- Bahagi rin ng pampublikong pamamahala ang pagbuo ng plano tungong kaunlaran (o development planning). Halaw mula sa mayamang datos ng pampublikong pamamahala, ang ibabalangkas na plano ay dapat nakabatay rin sa siyentipikong pananaliksik, kritikal na pagtatasa (o assessment), at demokratikong konsultasyon. Mahalagang masunod ang mga ito dahil manggagaling sa kaban ng bayan ang gugugulin (o gagastusin) sa bawat plano, patakaran, programa at proyektong ipapatupad.
- Bilang feedback, napakahalaga ng karanasan at repleksyon mula sa pampublikong pamamahala upang gabayan at paunlarin ang pagbuo ng batas at patakaran. Sa pamamagitan nito ay mas magiging mahigpit, makabuluhan at diyalohikal ang relasyon ng patakaran sa praktika (policy-practice nexus).
- Tulad ng nabanggit, ang mga datos, karanasan, pagsusuri, repleksyon at ulat na mahahalaw mula sa pampublikong pamamahala ay maaaring mapakinabangan bilang input sa pananaliksik (public administration and development research). Ang resulta at rekomendasyon mula sa mga pagsisiyasat na ito ay magagamit naman sa pagbuo ng mga bagong pampublikong patakaran na mas tutugon sa pangangailangan ng mamamayan (research-informed/evidence-based policymaking and public service).
- Mahalaga ang papel ng pampublikong pamamahala upang makita, maidokumento, masuri, mapag-isipan at hamunin ang mga umiiral na patakaran. Bilang mga ‘street-level bureaucrat,’ ang mga pangkaraniwang kawani ng pamahalaan sa sangay ng ehekutibo ang may tuwirang interaksyon sa mamamayan kaya mas nauunawaan nila ang mga idinudulog na problema at alalahanin ng sambayanan. Bunga nito ay nasa perpektong posisyon sila upang makapagmungkahi, makapaglatag at makapagsulong ng pagbabago.
- Alinsunod sa New Public Service (NPS) framework, dapat maunawaan ang mahalagang papel ng mga komunidad at panlipunang sibil sa pamamalakad at pagpapaunlad ng bansa. Importante ang ganitong multisectoral, multi-actor at interprofessional na dulog sa pamamahala upang maging demokratiko ang pagpaplano, pagpapatupad at ebalwasyon ng adyendang pangkaunlaran.
- Bilang pamantayan, mahalagang konsiderasyon ang mga sumusunod sa pamamahala ng mga pampublikong ahensiya: efficiency, effectiveness, economy, equity, ecology at ethics. Bilang tapat at responsableng pagpapatupad ng patakaran, inaasahang nauunawaan ng kinauukulan ang limitadong rekurso, pangkalahatang latag ng mga layunin, demokratikong konsiderayon, likas-kayang pamamahala ng kalikasan at etikal na panuntunan sa lahat ng magiging desisyon at aksyon sa pampublikong sektor.
- Ang pampublikong pamamahala ay dapat nakabatay sa prinsipyo ng etikal na pamumuno at pagpapatupad. Ito ay inaasahang sinasalamin kung paano binubuo ang patakaran, binabalangkas ang istuktura ng organisasyon, pinapadaloy ang proseso, pinapatakbo ang opisina, ginugugol ang pondo, ginagamit ang rekurso at pinapanagot ang mga may paglabag.
- Sentral na konsiderasyon sa pampublikong pamamahala ang pampublikong interes. Ito dapat ang nangingibabaw sa lahat ng pagkakataon at hindi ang pansariling interes ng iilang makapangyarihan. Hindi dapat ginagawang negosyo o kaharian ang opisina at posisyon sa gobyerno. Magiging bulnerable sa korupsyon, suhulan at katiwalaan ang pamahalaan kung makasarili, pakahig at kapit-tuko sa posisyon ang mga kinauukulan. Balakid sa pampublikong pamamahala ang panghihimasok ng maduming politika ng personalidad at palakasan na nagreresulta sa pagkabansot at pagkahadlang ng mga nais ipatupad na reporma at pagbabago.
- Ang proseso ng pagpili ng pinuno at kawani ay dapat nakabatay sa etikal na sistema ng pagrerekruta at paghirang (o recruitment and appointment). Sa isang demokratikong sistema, walang puwang ang tinatawag na palakasan system, padrino system o spoils system. May biro nga sa larangan na kaya raw diumano natanggap sa trabaho ang isang aplikante ay dahil may MBA siya na ang ibig sabihin ay “may backer ako” (spoils system) at hindi dahil sa kwalipikasyon na MBA o Master of Business Administration (merit system). Mahalagang nakabatay sa kahusayan at etikal na panuntunan ang patakaran sa pagrerekruta dahil una ay may implikasyon ito sa kalidad ng serbiyo at ikalawa ay mula sa buwis ng mga mamamayan nanggagaling ang pasahod.
- Ang mga kawani sa pampublikong sektor ay may napakahalagang papel na ginagampanan sa mabuting pamamahala at pambansang kaunlaran. Bilang bahagi ng kanilang patuloy na pag-unlad bilang sektor, kailangang sumailalim sila sa regular na performance review, dagdag pasahod at insentibo at pantay-pantay na pagkakataon na makapag-aral at makapagsanay. Alinsunod sa prinsipyo ng political impartiality, ang katapatan dapat ng mga kawani ay sa bansa at mga mamamayan nito, at hindi sa mga politiko at paksyon sa politika.
- Patuloy rin dapat nililinang ang kasanayan ng mga kawani upang higit na mapaghusay ang serbisyo publiko. Kasama sa mga pagsasanay na ito ang quality assurance, financial management, stakeholder engagement, media and information literacy, AI ethics and literacy, ethical leadership, communication competence, sustainability consciousness, gender mainstreaming, intercultural competence, diversity management at iba pa.
- Bilang mga duty bearer, mataas ang ekspektasyon sa mga kinauukulan sa kanilang pagbibigay serbisyo sa publiko. Kinakikitaan dapat sila ng husay, talino, malasakit, bilis, katapatan at pananagutan. Tandaan na maraming maralita ang umaasa sa serbisyong hatid ng pamahalaan. Ang pagkakaroon ng maling tao sa posisyon ay pagkakait sa mamamayan, lalo na sa mga mahihirap, ng mataas na kalidad ng serbisyo na dapat nilang tinatamasa. Walang puwang sa pamunuan at serbisyo publiko ang ill-qualified at ill-intentioned dahil banta sila sa kaunlaran at mas lalo nilang palalalain ang kahirapan sa bansa. Pag-ingatan dapat ang kaban ng bayan mula sa mga bantay-salakay.
- Kritikal ang paglikha at pamamahala ng pondo sa pampublikong pamamahala. Hindi lalarga ang anumang programa at proyekto kung wala ang elementong ito. Ang matalino at responsableng pagbubuwis, pagbabadyet, paggugol (expenditure), pag-utang, pag-audit at pagpapanagot ay kapwa mahahalaga upang walang maaksayang pondo sa korapsyon, katiwalian at bulagsak na pamamahala. Dapat tandaan na kasing halaga ng teknikal na kasanayan ang etikal na paglilingkod.
- Bilang tagapagtaguyod ng pampublikong interes, kritikal ang papel ng pampublikong pamamahala na proteksyonan ang kapakanan ng mamamayan sa pamamagitan ng makatarungang pagpapatupad ng batas sa pagbubuwis, empleyo at kalikasan (taxation, labor and environmental laws). Sa pamamagitan ng etikal na pampublikong pamamahala ay matutugunan ang mga kaakibat na problema kagaya ng sabwatan sa pagitan ng mga regulatory agency at malalaking negosyo (regulatory capture), pagkulimbat sa kaban ng bayan (corruption), paglabag sa karapatang pantao ng mga manggagawa (labor rights violation), at pandarambong sa kalikasan (environmental plunder).
- Ginagabayan dapat ang pampublikong pamamahala ng mga batayang prinsipyo ng mabuting pamamahala (good governance) tulad ng pagpapanaig ng batas (rule of law), tamang kaparaanan ng batas (due process), pananagutan (accountability), pagiging bukas, tapat at malinaw (open and transparent), pagiging episyente (efficiency), at katarungan (justice and fairness). Ito ay nakaangkla sa batayang panuntunan na ang pampublikong pamamahala ay usapin ng moralidad at panlipunang hustisya.
- Dapat ay may maaasahan na check and balance at oversight mechanisms na umiiral sa pamahalaan upang matiyak na walang pagmamalabis sa poder. Gayundin, dapat ay may maaasahang tapat na mekanismo na titiyak sa pag-oversee sa oversight mechanism.
- Nananatiling hamon sa pampublikong pamamahala ang mga isyu ng bureaucratic red tape at bureaupathology. Ang bureaucratic red tape ay tumutukoy sa labis na mahaba, masalimuot, paligoy-ligoy, paulit-ulit, at matrabahong proseso sa loob ng mga ahensiya na nagiging sanhi ng pagkaantala at pagkompromiso sa kalidad ng serbisyo publiko. Samantala, ang bureaupathology naman ay tumutukoy sa makitid at literal na interpretasyon at pagpapatupad ng mga batas na nagiging hadlang sa tunay na layunin ng mga ito at nagreresulta sa pagkaantala ng serbisyo, at demoralisasyon ng mga manggagawa at mamamayan.
- Kritikal din ang papel ng modernong teknolohiya sa pamamahala. Dapat maging matalino at etikal ang paggamit ng teknolohiya upang hindi ito makasagabal sa mabuting pamamahala. Mahalaga ring maunawaan ang siyentipiko, teknikal at panlipunang dimensyon ng teknolohiya. Dapat ay may malinaw na framework at policy na gagabay sa development, deployment at adoption ng teknolohiya upang maiwasan ang cultural at administrative lag o ang makupad na pag-angkop sa mabilis na materyal at teknolohikal na pagbabago sa larangan at lipunan (halimbawa: artificial intelligence).
- Mahalaga ring bigyang-diin na ang reporma ay kapwa tumutukoy sa substantive (nilalaman ng batas at patakaran) at procedural dimensions (proseso at kaparaanan sa pagpapatupad). Balewala ang substantive reform kung ang sistema at metodo ng aktwal na pagpapatupad ay magulo, malabo, mabagal, hindi episyente at walang pananagutan.
Bilang pagbubuo(d), ang public administration, samakatwid, ay kinakapalooban ng 12 Ps o ng people, philosophy, purpose, policy, plan, practice, process, procedure, politics, performance, partnership at professionalism. Komplementaryong nag-aambag ang bawat elemento para sa katuparan ng dakilang layunin ng pampublikong pamamahala at ito ay ang kaunlaran ng lahat (development of all). Magkakaroon lamang ito ng buong kaganapan kung nakikisangkot (participative), mapanuri (critical) at mapangmatyag (vigilant) ang mga mamamayan. Masyadong mahalaga ang pampublikong pamamahala para ipaubaya lamang sa iilan.
Para sa inyong reaksyon at pagbabahagi, maaari ring umugnay sa [email protected]