28 C
Manila
Martes, Hulyo 8, 2025

Unang wika bilang panturo: Tanggol, hindi tanggal

- Advertisement -
- Advertisement -
Larawan mula sa files ng The Manila Times

NOONG Hunyo 30, nagharap ng isang makasaysayang petisyon sa Korte Suprema ang 55 indibidwal at isang organisasyon ng mga folklorista. Hiniling ng nasabing grupo na ideklarang unconstitutional at walang bisa ang RA 12027, na nagtatanggal sa unang wika ng bata bilang panturo.

Ang mga petisyoner, ang Tanggol Unang Wika Alliance (TUWA), ay may iba-ibang katayuan sa buhay: bata, magulang, katutubo at Bangsamoro, Bingi at linguistic minorities. Ayon sa kanila, nilalabag ng nasabing batas ang kanilang karapatang magpahayag at magtamo ng de-kalidad na edukasyon sa wikang lubos nilang alam. Ito’y mga karapatang ginagarantiyahan ng Konstitusyon, ng lokal na mga batas at internasyonal na mga kasunduan.

Ang hiling ng mga petisyoner sa Korte Suprema: Paglalabas ng Temporary Restaining Order (TRO) o Writ of Preliminary Injunction upang pansamantalang ipatigil ang implementasyon ng RA 12027, na nagsimula na noong Hunyo 2025.

Mga reporma sa edukasyon: RA 12027 at RA 10533

Mga reporma sa edukasyon ang dalawang batas, ang Batas Republika 12027 (Republic Act o RA 12027) at Batas Republika 10533 (RA 10533).


Naunang pinagtibay at ipinatupad noong 2013 ang rebolusyonaryong RA 10533 – rebolusyonaryo dahil binago nito ang wikang panturo mula kindergarten hanggang unang tatlong baitang sa elementarya. Dati, Ingles lamang ang wikang panturo mula elementarya hanggang kolehiyo. Ngunit noong 1970s, nabago ito. Ipinatupad ang edukasyong bilinggwal – Ingles ang panturo sa syensya at matematika samantalang Filipino sa araling panlipunan at iba pang mga sabjek. Hinangad ng naturang patakaran na maging mahusay sa dalawang wika – Ingles at Filipino – ang mga mag-aaral.

Noong 2013, pinalitan ang patakarang ito ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) na nakatakda sa RA 10533. Nangangahulugan ito na mula Kindergarten hanggang Baitang 3, ang wikang panturo ay ang unang wika ng mga bata sa alinmang rehiyon ng bansa siya nakatira. Napatunayan sa maraming pag-aaral na pinakamabisa ang unang wika sa pagtuturo ng pagbasa, pagsulat, pagbilang, pangangatwiran, at mapanuring pag-iisip sa murang gulang pa lamang. Samantala, magiging panturo ang Ingles at Filipino simula sa ikaapat na baitang.

Nakaharap ng maraming problema ang pagpapatupad ng MTB-MLE. Kulang ang badyet, kulang ng kahandaan ang mga guro, kulang ng mga materyal na panturo. Sa kabila niyan, may mga lugar na nagtagumpy sa implementasyon.

Sa halip na tularan ang tagumpay ng ilang rehiyon, isinulong ng mga mambabatas na tanggalin na ang unang wika bilang panturo. Naging batas ang RA 12027 noong Oktubre 10, 2024, nang lumipas ang takdang panahon na hindi ito nilagdaan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

- Advertisement -

Ang nilalaman ng nasabing batas: (1) ipinatitigil ang paggamit ng unang wika (L1) ng bata bilang panturo mula Kindergarten hanggang Baitang 3 (K-3), ibinabalik sa Ingles at Filipino ang mga wikang panturo at ang mga wika ng rehiyon ay magiging pantulong na panturo lamang; (2) maaaring ipairal ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) sa mga klaseng monolinggwal; at (3) sinususugan ang Sek 4 at 5 ng RA 10533, na kilala ring Enhanced Basic Education Act of 2013.

Ang Ingles at Filipino bilang panturo

Masasabing hakbang na pasulong ang edukasyong bilinggwal noong 1970s dahil naipasok na ang wikang pambansa bilang panturo, sa halip na purong Ingles lamang. Lalo pa sanang maitutuloy ang repormang pang-edukasyon sa implementasyon ng MTB-MLE. Sa kasamaang palad, agad na itong kinikitil ng bagong batas, na inumpisahan nang ipatupad ngayong Hunyo 2025.

Sa unang tingin, parang pabor sa Filipino ang RA 12027. Ngunit ang totoo, ang Tagalog/Filipino ay unang wika ng sangkatlo (1/3) lamang ng populasyon. Lalo nang napakakaunti ng mga Pilipino na Ingles ang unang wika. Sa pagbura sa unang wika ng bata bilang panturo, may 70% ng populasyon ang napagkakaitan ng de-kalidad na edukasyon sa wikang lubos nilang alam.

Makikita rin ang labis na pagkiling ng mga awtoridad sa Ingles, sapagkat ipinapantay ito sa Filipino bilang panturo, sa halip na bigyan ng higit na prayoridad ang wikang pambansa. Hindi pa pumapasok sa isip ng mga mambabatas ang katotohanan na bagama’t mahigit sandaang taon nang wikang panturo sa mga Pilipino ang Ingles, hanggang ngayon ay hindi pa ito lubusang natututuhan at nagagamit ng karamihan ng mga mamamayan. Bigo ang Ingles bilang wikang panturo sa mga Pilipino, ngunit lagi at lagi pa rin itong iginigiit ng mga mambabatas at mga opisyal ng edukasyon.

Para sa grupong TUWA, labag sa Konstitusyong 1987 ang RA 12027. Ang kanilang panawagan: Panatilihin, huwag tanggalin, ituloy ang MTB-MLE!

- Advertisement -

Ang unang wika bilang panturo

Laging kulelat ang mga kabataang Pilipino sa lahat ng international assessment na sinalihan ng Pilipinas, tulad ng Programme for International Student Assessment (PISA), Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) at Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM). Sinasabi sa atin ng mga pandaigdigang assessment na ito na malaking disbentaha ang Ingles bilang wikang panturo; masasabi rin kayang isa ito sa mga dahilan kung bakit tayo laging kulelat sa mga pagsusulit?

Samantala, ang mga bansang nangunguna sa internasyonal na mga pagsusulit, tulad ng South Korea, Japan, at Indonesia ay hindi mahusay sa Ingles, ngunit mahusay sa kanilang unang wika, na wikang panturo sa kanila.

Ano-ano ba ang mga bentaha ng paggamit ng unang wika, lalo na sa panimulang edukasyon:

  1. Madaling nauunawaan ng mga bata ang mga aralin. Madali silang natututo ng pagbasa, pagsulat, pagbilang, at pag-iisip nang mapanuri gamit ang wikang kinagisnan nila, gamit sa tahanan at sa komunidad. Hindi na nila kailangan pang pag-aralan muna ang isang dayuhang wika bago nila maintindihan ang mga leksyon.
  2. Nagiging aktibo sa mga talakayan ang mga bata dahil may kalayaan siyang magpahayag sa sariling wika. Kung dayuhang wika ang gamit sa silid-aralan, malamang na mabulol lamang ang batang bago pa lamang nag-aaral ng wikang hindi niya kilala. Sa gayon, pipiliin na lamang niyang manahimik sa klase upang hindi mapagtawanan.
  3. Nalilinang ang karapatan ng mga bata sa indibidwal at kolektibong identidad, lalo na sa mga katutubong mamamayan. Napapalakas ng L1 bilang panturo ang pagmamalaki sa sariling wika at pagkakakilanlan ng mga katutubo. Kung dayuhang wika ang panturo, nangingibabaw ang kaisipan na wala silang alam at walang kontribusyon sa pambansang kaalaman. Ngunit ang totoo, silang nakikipamuhay sa kalikasan ay may mga katutubong kaalaman na nalilimot na ngayon dahil lagi na lamang tayong umaasa at mas pinahahalagahan ang dayuhang kaalaman. Balikan natin ang “storm surge” na kumitil ng marami noong 2013. Inakala ng marami na ito ay bagyo (storm) lamang. Kung ginamit sa mga balita ang katutubong katawagan, halimbawa ay “daluyong” ng mga Tagalog (tiyak na may katumbas ito sa iba pang mga katutubong wika), mas naunawaan sana ang panganib sa isip ng ating mga kababayan.
  4. Natututo ang mga kabataan na unawain at ipagmalaki ang sariling wika at kultura. Alam nila na ang sariling wika at kultura ay may kontribusyon sa pambansang kaalaman.
  5. Kung unang wika ang panturo, walang naiiwan sa edukasyon. Nababawasan ang mga bagsak at drop-out dahil bawat bata ay may pakiramdam na bahagi siya ng klase at hindi naiiwan dahil lamang naiiba ang wika niya. Nawawala ang diskriminasyon na nagaganap kapag dayuhang wika ang panturo na hindi pa niya lubos na mabigkas at maintindihan.

Ano ang benepisyo ng paggamit ng unang wika bilang panturo? Ang pinakaubod nitong kahalagahan ay ang pagbubuo sa mga kabataan ng mapanuring kaisipan sa lahat ng bagay, ng pagiging matalino at malaya at mapaggiit at mulat sa sariling mga karapatan. Hindi madaling mapaniwala sa mga maling impormasyon, hindi nagpapabudol sa matatamis na salita ng mga mapanlinlang.

Karapatan ng mga kabataang Pilipino na mabigyan ng impormasyon at edukasyon sa wikang alam na nila. Ang karapatang pangwika na ito ay protektado ng mga pandaigdigang batas, tulad ng Universal Declaration of Human Rights, Convention on the Rights of the Child, International Convention on the Elimination of all Forms of Racial Discrimination, at Convention Against Discrimination in Education.

Ang RA 12027: Mapanlinlang?

Ayon kay Ricardo Ma Nolasco, convenor ng Tanggol Unang Wika Alliance, ang pagtanggal sa unang wika ng mga bata ay “isang anyo ng pagbura sa kultura.”

Dagdag niya, ang RA 12027 ay:

  1. Mapanlinlang at mapanira sa nakararaming batang Pilipino. Mahigit 60% ng mga mag-aaral sa K-3 ay hindi nagsasalita ng Filipino o Ingles sa bahay; mahirap para sa mga batang bago pa lamang nag-aaral kapag wikang hindi nila alam ang ginamit na panturo.
  2. Pinatatahimik nito ang mga guro at pinahihina ang pamumunong pang-edukasyon sa lokal. Ang Sek. 4 ng RA 12027 ay nagpapataw ng hindi malinaw na parusa sa mga gurong gumagamit ng mother tongue. Naghahatid ito ng takot sa mga guro, lalo na iyong nagtuturo sa mga katutubo at sa mga Batang Bingi na gumagamit ng Filipino Sign Language (FSL).
  3. Taliwas ito sa pananaliksik at pinakamahusay na praktika. Ipinapakita ng mga pandaigdigang pag-aaral, kabilang na ang sa World Bank at UNESCO, na mas mahusay matuto ang mga bata kung sisimulan ang edukasyon gamit ang wikang alam na nila.
  4. Nilalabag nito ang umiiral na mga batas sa Pilipinas at mga internasyonal na kasunduan sa karapatang pantao. Winawasak ng RA 12027 ang mga repormang gaya ng K-12 Law (RA 10533), FSL (RA 11106) at ang prinsipyo ng inklusibong edukasyon.
  5. Nagpapataw ang RA 12027 ng imposibleng pasanin sa mga lokal na wika. Sinasabi ng batas na magagamit ang MTB-MLE sa mga “monolinggwal na klase” ngunit nagtatakda ng di makatwirang kondisyon – ortograpiya, gabay sa gramatika, mga babasahing aprubado at inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), pati na rin kasanayan at paghahanda ng guro sa naturang wika, na hindi ipinapataw sa Ingles at Filipino.

Dagdag ni Nolasco, kung walang agarang aksyon, milyon-milyong bata, lalo na ang mga di Tagalog at Bingi ang mapagkakaitan ng patas at de-kalidad na edukasyon sa wikang alam nila,  “ang wika ng kanilang tahanan, puso, at pagkatao.”

Policy paper tungkol sa RA 12027

Samantala, hindi pagpapatigil sa RA 12027 o pagtanggal nito, kundi malalimang pagsusuri, ang iminumungkahi ng isang propesor sa University of the Philippines – Los Baños. Ayon kay Dr. Antonio Contreras sa kanyang policy paper, “RA 12027 and the Future of Language Policy in Philippine Education: Constitutional Implications of Ending Mandatory Mother Tongue Instruction,” magandang pagkakataon ang RA 12027 para suriing mabuti ang mga patakarang pang-edukasyon, lalo na ang tungkol sa wikang panturo. Iminungkahi niya ang pagbubuo ng isang national language framework, na bubuuin ng DepEd, Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), Commission on Higher Education (CHED), at civil society organizations. Pagtitibayin ng framework na ito na nasa ubod ng pagkakapantay-pantay sa edukasyon ang pagkakaroon ng maraming wika sa ating bansa.

Sinabi pa ni Contreras, “language policy is not simply a question of classroom logistics, it is a question of whose knowledge is secured, whose identities are affirmed, and whose futures are secured.” Ito ang kanyang kongklusyon: kapag hindi maayos ang implementasyon ng RA 12027, maaaring magbunga ito ng “systematic silencing of cultural voices, particularly those of indigenous and minority communities.”

Gusto ba nating mabura ang wika at kultura ng ating mga kapatid na katutubo?

Panghuling tanong: Tanggal na o Tanggol pa?

Ang lahat ng talakay na ito ay humahantong sa ganitong kongklusyon: Tila hindi hangad ng ating mga mambabatas ang lubos na pagkatuto ng nakararaming mamamayan. Magaganap ang makabuluhang pagkatuto ng mga mag-aaral sa wikang lubos nilang nauunawaan, ang wika ng kanilang tahanan, ang kanilang unang wika. Sa panghuli, ang mga batang lubos na nakaunawa sa mga aralin sa silid-aralan ay nagiging mapanuri rin sa labas ng paaralan, hindi lamang sunod-sunuran, hindi lamang bahagi ng murang lakas-paggawa na itatapon sa ibang bansa. Bakit patuloy na ipinagkakait ng ating mga mambabatas at mga awtoridad sa edukasyon ang karapatang pangwika ng bawat isa sa atin, ang matuto sa sarili nating wika? Totoo kaya ang sinabi ni Atty. Magtanggol Gunigundo, ang manananggol ng Tanggol Unang Wika Alliance, na “political dynasties don’t want critically thinking population.”

Sa tanong, kung gayon, ang sagot: Hindi dapat tanggalin, kundi ipagtanggol,  ang unang wika bilang panturo.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -