NAGHAIN ng panukala si Sen. Panfilo “Ping” Lacson para tiyaking patuloy ang pagtakbo ng pamahalaan kahit may sakuna o pambihirang pangyayari kung saan nasawi ang Pangulo at ang kanyang constitutional successors.
Sa panukalang “Presidential Succession Act” ni Lacson, dadagdagan ang mga nasa line of succession bukod sa Bise Presidente, Senate President at House Speaker, na itinakda ng 1987 Constitution sa “line of succession.”
“This bill … seeks to provide an exhaustive line and order of succession in the event of death, permanent disability, removal from office, or resignation of the Acting President to ensure that the office of the President is never vacated even in exceptional circumstances,” ani Lacson sa kanyang panukala.
Dagdag niya, mismong Saligang Batas ang nagmandato sa Kongreso na magpasa ng batas na kilalanin kung sino ang maninilbihan bilang Acting President hanggang mahalal ang bagong Pangulo o Bise Presidente.
Sa panukala ni Lacson – na ihinain sa 18th Congress bilang “Designated Survivor” bill – ang mga sumusunod ay magiging Acting President kung sakaling mamatay o ma-disable ang mga opisyal na nabanggit sa Saligang Batas:
- ang pinaka-senior na senador base sa tagal ng serbisyo sa Senado
- ang pinaka-senior na miyembro ng Kamara base sa tagal ng serbisyo sa Kamara
- miyembro ng Gabinete na itatalaga ng Pangulo
Ayon din sa panukala, bago magkaroon ng pagtitipon na dadaluhan ng Pangulo, Pangalawang Pangulo at ibang mataas na opisyal, itatalaga ng Pangulo ang miyembro ng Gabinete at itatago sa lihim at ligtas na lokasyon.
Babantayan ang “designated survivor” ng Presidential Security Group, at magiging Acting President “in the event of an extraordinary circumstance resulting in the death or permanent disability of the President and other officials.”
Gagampanan ng Acting President ang mga tungkulin na may kinalaman sa araw-araw na operasyon ng gobyerno, hanggang bawiin ang kanyang awtoridad ng nahalal na Pangulo, sa loob ng 90 araw matapos maluklok sa pwesto.