PINAIIMBESTIGAHAN na ni Senador Bam Aquino sa awtoridad ang scam video na ginawa gamit ang artificial intelligence (AI) kung saan makikita siyang nanghihikayat sa publiko na mag-invest sa umano’y proyektong suportado ng gobyerno.

Makikita sa AI-generated na video, na kumakalat ngayon sa social media, ang isang kilalang babaeng news anchor na nag-uulat tungkol sa umano’y pag-endorso ng senador sa isang “national platform for inclusive financial growth” na nagsasabing maaaring kumita ng hanggang ₱175,000 kada linggo gamit ang paunang puhunan na ₱15,000.
“Walang katotohanan ang kumakalat na AI video kung saan ini-endorso ko ang isang programa kung saan maaaring kumita nang malaki ang ating mga kababayan kapalit ng investment,” wika ni Aquino.
“Nananawagan ako sa ating awtoridad na imbestigahan at alamin ang mga nasa likod ng AI video na ito at papanagutin sila sa kanilang ginawa,” dagdag pa niya.
Hinimok din ng senador ang mga social media platform na tanggalin ang naturang pekeng content upang hindi na makapambiktima pa.
Upang mapigilan ang pagkalat ng mga scam gamit ang AI-generated videos, sinabi ni Aquino na balak niyang maghain ng panukalang batas na magbabawal sa paggamit ng mukha at imahe ng ibang tao sa mga deepfake na layong manlinlang o mandaya ng publiko.
“Kailangang mapatawan ng karampatang parusa ang mga gumagawa ng ganito para manloko ng kapwa. Tuldukan na natin ang ganitong gawain dahil kadalasan ng mga nabibiktima rito ay mga kababayan natin na pinaghirapan ang naipong pera,” paliwanag ni Aquino.



