AYON sa pinakahuling ulat, pinangalanan ni Julie “Dondon” Patidongan, alyas “Totoy,” ang 10 opisyal ng pulis at personnel na inakusahan niya na sangkot sa pagdukot sa mga nawawalang mga sabungero. Si Patidongan ay isa rin sa mga akusado sa mga nawawalang mga sabungero at serious illegal detention.
Si Patigongan, kasama ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero, ay nagsampa ng kasong administribo sa National Police Commission (Napolcom) laban sa mga sumusunod na mga pulis:
- Police Colonel Jacinto Malinao Jr. (Visayas)
- Police Lieutenant Colonel Ryan Jay Orapa (Highway Patrol Group or HPG)
- Police Major Mark Philip Almedilla (Cavite HPG)
- Police Executive Master Sergeant Aaron Ezrah Cabillan (HPG)
- Police Chief Master Sergeant Arturo dela Cruz Jr. (Cavite HPG)
- Police Staff Master Sergeant (PSMS) Joey Encarnacion (Cavite HPG)
- PSMS Mark Anthony Manrique (HPG)
- PSMS Anderson Abale (Cavite HPG)
- Police Staff Sergeant Alfredo Andres (Cavite HPG, due for retirement)
- Police Corporal Angel Joseph Martin (Cavite HPG)
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Patidongan na binayaran ang mga pulis para patayin ang mga sabongero at dalhin ang kanilang mga labi sa Taal Lake sa Batangas.

Nauna rito, iniulat din kahapon, Hulyo 14, 2025, Lunes, ang tungkol sa isinasagawang retrieval effort ng mga nawawalang sabungero. Limang sako na ang nakuha sa Taal Lake: dalawa ay naglalaman ng mga buto ng mga tao, ang isa ay may mga sunog na labi at ang dalawa ay puno ng mga bato. Natagpuan ang mga sako nang humigit-kumulang 20 metro ang layo sa isang “critical depth,” o central diving (CD) zone kung saan itinutuon ng mga diver ang kanilang paghahanap. Ipinadala na rin sa forensic ang mga natagpuang buto at sunog na labi para kilalanin.
Ang retrieval effort, na isinagawa sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP) at Department of Justice (DOJ), ay inilunsad matapos sabihin ng whistleblower na si Patidongan, na ang mga sabungero ay dinukot, pinatay, at ang kanilang mga katawan ay itinapon sa Taal Lake, halos apat na taon na ang nakararaan.
Idinawit din ni Patidongan ang ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, isang kilalang gaming tycoon at dati niyang boss, bilang mastermind sa kaso. Isinama din niya ang aktres na si Gretchen Barretto sa mga sangkot sa kaso.
Ang mga nawawalang sabungero na hinihinalang aabot sa 31 ay iniulat na dinukot sa pagitan ng Abril 2021 at Enero 2022 sa Batangas, Laguna, Bulacan, Rizal, at Metro Manila.
Isiniwalat ni alyas Totoy ang umano’y madugong operasyon ng pagdukot at pagpatay sa mga sabungero na pinaghihinalaang nandaraya sa online sabong.
Tinukoy din niya ang pagkakasangkot ng isang dating bise alkalde, at isang dating hukom na sangkot umano sa pagpapatahimik sa mga kaso.
Timeline ng kaso
Abril 28, 2021: Unang dokumentadong nawawala
Ang unang dokumentadong pagkawala ay noong Abril 28, 2021, nang dalawang lalaki ang nakitang dala si Michael Bautista at pinusasan sa Santa Cruz, Laguna.
Mayo 11, 2021: Video ng 2 sabungerong nawawala
Isang cellphone video na recorded noong Mayo 11, 2021 ang nagpapakita na dalawang sabungero sa Santa Cruz ang nakita bago sila nawala.
Mayo 2021: Bohol, 5 pa nawala sa Talisay, Batangas
Nawala si Kiel Daniel Bohol, kasama ang limang iba pa noong May 2021 sa Talisay, Batangas .
Enero 13, 2022: Nawala ang 6 na sabungero
Nawala ang anim na tao (James at Marlon Baccay, Rondel Cristorum, Mark Joseph Velasco, Rowel Gomez, at driver John Claude Inonog) matapos magtungo sa Manila Arena patungong Tanay, Rizal .
2022: Senado inimbestigahan ang mga nawawalang sabungero
Inimbestigahan ng Senado sa ilalim ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang mga nawawalang “sabungero,” kabilang ang drivers at kasambahay.
Ayon sa imbestigasyon ng Senado noong 2022 sa ilalim ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ang mga nawawalang indibidwal ay hindi lamang sabungero. Kabilang din dito ang mga driver, tagapagbenta ng pakain sa manok, kasambahay, at kasintahan ng kasambahay.
Inulat ng komite (Report 646) na ang huling lugar kung saan nakita ang karamihan sa kanila ay sa mga cockpit arenas sa Maynila, Laguna, at Batangas — na pinamamahalaan ng kumpanyang Lucky 8 Star Quest Inc., kung saan si Atong Ang ang nagsilbing bise presidente.
Ayon sa Senate Committee Report No. 646: “Ang mga biktima ng pagdukot ay dumalo sa mga sabungan dala ang kanilang mga panabong; matapos ang ilang laban, hinuli sila ng mga security personnel ng arena at pinaghinalaan ng game-fixing. Simula noon, hindi na sila muling nakita.”
Itinaas ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) sa Senado: ₱42.7 bilyong taya sa e‑sabong operation hanggang Pebrero 2022.
Ang huling e‑sabong at isinara noong Mayo 2022.
Hunyo 2025: Alyas ‘Totoy’ nakipag-ugnayan kay Sec Remulla
Noong Hunyo 24, 20925, kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa ulat ng The Manila Times na isang pangunahing witness sa kaso ng mga nawawalang sabungero ang pino-proseso ang proteksyon ng sabungero. Hindi muna pinangalanan ito at inayos na isailalim ito sa Witness Protection Program (WPP). Tinawag lamang niya itong “Totoy.”
Sa ulat noong Hunyo 26, sinabi ng Philippine Coast Guard na mahihirapan silang ma-recover ang mga labi ng mga nawawalang sabungero na sinabi ni “Totoy” na itinapon sa Taal Lake.
Kilala lamang sa tawag na “Totoy,” ayon sa saksi, isang sindikato na nagpapatakno ng online cockfighting ring ang sistimatikong dumukot at pumatay sa mga pinaghihinalaang mga manlolokong sabungero.
Ang mga hit men, ani Remulla, ay binayaran umano ng P500,000 kada target, na kinumpirma ang mga pagbabayad sa pamamagitan ng mga voucher.
“Totoy was a trusted insider. He knew the people, the operations, and he had access to documents. We’re looking at mass murder here,” sabi ni Remulla at kinumpirmang malamang sa itinapon ang mga katawan sa Taal Lake.
Hulyo 2, 2025: Julie “Dondon” Patidongan lumantad
Hulyo 2, 2025 nang lumantad si Julie “Dondon” Patidongan (“Totoy”) at sinimulang ilahad ang kanyang testament sa publiko.
Ibinunyag ni Patidongan kung bakit ipinadukot at pinapatay ang mga sabungero.
Ayon kay Totoy, “Gumagawa kasi sila ng kalokohan, pandaraya sa sabong kaya gusto silang ipaligpit ni Mr. Atong Ang. Dahil ayaw niyang masira ang kanyang online sabong at lumiit ang kanyang kita.”
Ikinuwento ni Patidongan na ang mga katawan ng mga biktima ay umano’y dinala sa Talisay, Batangas at itinapon sa Taal Lake.
“May napanood akong video kung paano sila sinasakal. Pero sinunog ang cellphone ko para mabura ang ebidensya.”
Kinumpirma ng Department of Science and Technology (DOST) na posible pa rin makuha ang mga buto kung tunay ngang itinapon sa lawa ang mga katawan.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum: “Ang buto ay hindi nabubulok. Ang nabubulok lang ay laman. Kung wala nang oxygen, hindi na made-decompose. Mape-preserve ang mga buto, depende sa lokasyon.”
Inirekomenda ni Solidum na gumamit na lang ng underwater camera: “Mas madali iyon kaysa mag-dive. Ang diving ay hindi ligtas. Hindi natin alam ang lalim ng pinagtapunan.”
Gretchen Barreto, itinuro bilang Alpha member ng Pitsmaster Group
Ayon kay Patidongan, isa si Gretchen Barretto sa mga tinatawag na “alpha member” ng Pitmasters Group — isang samahan sa likod ng e-sabong. Hinikayat niya si Barretto na lumantad bilang testigo.
“Alam niya ang operasyon. Dapat siyang magsalita.”
Ngunit ayon kay Atty. Alma Mallonga, abogado ni Barretto: “Habang wala siyang nasaksihan na aktwal na ginawa o sinabi ni Ms. Barretto, ang whistleblower ay walang basehan ngunit ipinapalagay na sangkot siya dahil sa pagiging malapit kay Mr. Atong Ang.”
Dagdag pa ni Mallonga: “Malinaw na si Ms. Barretto ay wala talagang alam tungkol sa mga pagkawala. Isa lamang siyang investor at hindi kasali sa operasyon ng sabong o e-sabong.”
Tinawag pa niya ang akusasyon bilang “Katha lamang. Hindi ebidensya ang haka-haka o tsismis.”
Depensa ni Atong Ang: Paninira at pangungunsensiya lamang
Mariing itinanggi ni Atong Ang ang mga akusasyon. Ayon sa kanya, may motibo si Patidongan na siraan siya para lamang makapangikil.
“Tinuring kitang parang anak ko,” ani Ang kay Patidongan.
Nagsampa si Ang ng kasong kriminal laban kina Patidongan at isa pang whistleblower na si Alan Bantiles (na kilala rin bilang “Brown”).
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Lorna Kapunan,“Lahat ng mga nawawala, na hindi na matagpuan o pinaniniwalaang pinatay, ay nasa ilalim ng direktang pamumuno ni Patidongan.”
Ibinunyag pa ni Kapunan ang umano’y kriminal na rekord ni Patidongan, “Dati siyang empleyado ng security agency pero tinanggal dahil sa sexual harassment. Nag-apply kay Atong Ang bilang security, at kalaunan ay naging farm manager.”
Dagdag pa niya, may mga kaso umano si Patidongan tulad ng: frustrated murder, robbery with intimidation, physical injuries at grave threats mula pa noong 2019.
Remulla: Kailangan ng hustisya
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na ang pagsisiwalat ni Patidongan ay nagbibigay sa kanila ng mahalagang access sa mga rekord ng operasyon.
“Siya ang pinagkakatiwalaan kaya alam niya lahat… Pati sa pagpatay, may voucher pa na binibigay para makasingil ng bayad ang pumatay.”
Kaugnay nito, sinabi rin ni Remulla, “Walang matumal diyan, walang mabilis… Walang instant sa prosecution. Lahat ng ito ay tinatrabaho.”
Dagdag pa niya: “Kailangan nating busugin hindi lang ang ating kuryosidad kundi ang ating pakiramdam ng hustisya.”
15 Pulis, isinailalim sa custody
Ayon pa kay Patidongan, hindi lang mga sibilyan ang sangkot. May mga pulis, dating bise alkalde, at hukom na diumano’y nakipagsabwatan upang patahimikin ang mga kaso.
Kumpirmado ng DOJ na 15 pulis na ang isinailalim sa restricted custody habang iniimbestigahan ang kanilang posibleng partisipasyon.
Ina ng nawawalang sabungero: ‘Sana may hustisya para sa aming mahihirap’
Si Eloisa Bohol, ina ng sabong financier na si Kiel Daniel Bohol, ay kabilang sa mga naghahanap pa rin ng sagot at hustisya. Nawawala si Kiel kasama ang lima pa noong Mayo 2021.
Ayon kay Bohol: “Sabi nga po ng isang senador sa amin, ‘yung kalaban namin mas malaki pa ang pera niya sa pera ng Pilipinas.”
Dagdag niya, “Sana may hustisya para sa aming mahihirap.” May dagdag na ulat ni Lea Manto-Beltran

