29.2 C
Manila
Biyernes, Hunyo 5, 2026

Pahayag ni Labor Sec Laguesma tungkol sa June 2025 Labor Force Survey

- Advertisement -
- Advertisement -

AYON kay Labor Sec. Bienvenido Laguesma, naging maganda ang resulta ng June 2025 Labor Force Survey para sa mga manggagawang Pilipino. Narito ang kabuuan ng kanyang pahayag.

Sa June 2025 Labor Force Survey (LFS) na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA), nagtala ng 526,000 na pagtaas sa labor force participation rate sa taunang batayan. Ito ay nangangahulugan lamang na mas maraming Pilipino ang aktibong naghahanap ng oportunidad sa trabaho. Bukod dito, nagtala rin ng pagtaas sa antas ng empleyo mula sa 96.1% employment rate ng Mayo 2025 at 96.3% ng Hunyo 2025. Ito ay nangangahulugan na 185,000 indibidwal ang nakahanap ng trabaho sa loob ng isang buwan. Nagmumungkahi ito ng lumalakas na merkado ng paggawa dulot ng pag-unlad sa industry sector, partikular sa mga sub-sector tulad ng wholesale at retail trade, fishing at aquaculture, at construction.

Mahalaga ring bigyang-pansin ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho mula 2.03 milyon ng Mayo 2025 hanggang 1.95 milyon ng Hunyo 2025. Gayundin, bumaba ang unemployment rate ng bawat buwan kung saan nakita ang pagbaba mula 3.9% ng Mayo 2025 hanggang 3.7% ng Hunyo 2025. Bukod dito, naobserbahan din ang pagbaba sa bilang ng mga underemployed ng 840,000, mula 6.603 milyon ng Mayo 2025 hanggang 5.763 milyon ng Hunyo 2025. Maari rin itong maiuugnay sa pagtaas ng bilang ng mga full-time employment ng 1.724M bawat buwan at ang pagbaba ng part-time employment ng 878,000 bawat buwan.

Sa ginanap na 2025 State of the Nation Address (SONA), binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang kahalagahan ng disente at may kalidad na trabaho bilang pinaka-epektibong proteksyon laban sa kahirapan at gutom, kung saan kanyang binanggit ang patuloy na pagtaas ng bilang ng nilikhang trabaho sa buong bansa. Inatasan din ng Pangulo ang mga ahensya tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Tourism (DOT), at iba pang mga kaugnay na ahensya na ipagpatuloy ang paghahanap ng mga paraan at paglikha ng mga oportunidad para sa natitirang 4% ng lakas-paggawa na walang trabaho.

Bilang tugon sa pahayag ng Pangulo sa 2025 SONA, patuloy na pinalalakas ng DOLE ang mga programa nito para sa kakayahang makapagtrabaho ng mga kabataan at matatanda at sa pangangasiwa ng empleyo sa pamamagitan ng whole-of-nation approach na itinataguyod ang pagtutulungan, inobasyon, at accessibility. Kabilang sa mga pangunahing inisyatiba ang pagpapalakas ng labor market information system—partikular ang PhilJobNet online portal—upang magbigay ng napapanahon at beripikadong job posting para sa mga kabataan at iba pang mga naghahanap ng trabaho, pati na rin ang pinalakas na pakikipag-ugnayan sa Public Employment Service Offices (PESOs), mga ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at social partner, upang palawakin ang naabot ng mga job fair at serbisyong pang-empleyo sa buong bansa sa pamamagitan ng Trabaho sa Bagong Pilipinas. Aktibo din naming ipinatutupad at pinapalawak ang pre-employment at internship program tulad ng Special Program for the Employment of Students (SPES), Government Internship Program (GIP), at JobStart Philippines, habang sinusuportahan ang kinakailangang career development ng mga estudyante at mga bagong naghahanap ng trabaho.

Batay sa direktiba ng Pangulo, palalawakin at palalakasin ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), isang ahensya sa ilalim ng DOLE, ang scholarship program nito upang tiyakin na bawat pamilyang Pilipino ay may anak na magtatapos ng kurso sa TESDA upang matiyak ang kanilang kakayahang makapagtrabaho.

Muling pinagtitibay ng DOLE ang matatag na pangako nito na isulong ang bisyon ng Pangulo para sa Bagong Pilipinas sa pamamagitan ng paghahatid ng epektibo, tapat, napapanahon at inklusibong serbisyo publiko.

Mabuhay ang Bagong Pilipinas!

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -