GANITO inilarawan ni Senator Imee Marcos ang National Rice Awareness Month ngayong Nobyembre. Ayon sa senadora, hindi raw malinaw kung ito ay selebrasyon o “parte ng Halloween,” sapagkat kagimbal-gimbal at nakakatakot umano ang kalagayan ng mga magsasaka sa bansa.
“Dati ang sigaw ng mga magsasaka sa akin: ‘Patulong naman po sa pagbenta ng palay!’ Ngayon, ang hinaing na nila ay: ‘Tulong po sa pagbebenta ng lupa!’ Dahil kahit anong subok, lugi pa rin sila,” ayon kay Marcos.
Matatandaang noong ika-6 ng Disyembre ng nakaraang taon, naamyendahan na ang Agricultural Tariffication Act, na isa si Senadora Imee sa mga may-akda. Ayon sa kanya, hindi naging maayos ang implementasyon nito kaya’t nararapat at napapanahon ang totoong pagbabago.
“Kailangang amyendahan ulit ‘yan dahil ang mga middlemen at traders lang ang nakikinabang sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF)! Ang kailangan ng ating mga magsasaka ay direktang tulong, hindi kung anu-anong proyekto!” patutsada ng senadora.
“Kailangan nating tingnang mabuti ang aking isinusulong na Minimum Wage for Farmers dahil naniniwala akong ito ang tunay na kailangan ng ating mga magsasaka,” dagdag pa niya.
Hindi maikakaila na nakatuon si Senator Imee sa pagtulong sa mga magsasaka at sa pagsasaayos ng istruktura ng agrikultura sa bansa. Bukod sa panukalang magbibigay ng buwanang sweldo sa mga magsasaka, siya rin ang may-akda ng New Agrarian Emancipation Act na nagpalaya sa mga magsasaka mula sa pagkakautang sa lupa at nagbigay ng libreng titulo sa kanila. Siya rin ang nag-akda ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na layong parusahan ang mga gahaman na nagmamanipula ng presyo. Patuloy din niyang isinusulong ang pagpasa ng Young Farmers Challenge Act pati ang pag-amyenda sa Cooperative Code na lubos na makatutulong sa mga magsasakang Pilipino.
“Ang sabi, ‘Be RICEponsible’ daw. Pero tama na ang pagiging RICElient! Panahon nang tapusin ang lagim na dinaranas ng ating mga magsasaka,” pagwawakas ni Marcos.



