32.1 C
Manila
Lunes, Hunyo 8, 2026

PBBM, inatasan ang mga ahensya ng gobyerno na agarang tumugon sa epekto ng lindol at banta ng tsunami sa Mindanao

- Advertisement -
- Advertisement -

INUTUSAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng kaukulang ahensya ng pamahalaan na agad kumilos kasunod ng malakas na lindol na tumama sa karagatan malapit sa Sarangani nitong Lunes ng umaga at ng ipinalabas na tsunami warning sa ilang baybaying lalawigan sa Mindanao.

Kabilang sa mga lugar na sakop ng tsunami warning ang General Santos City, Sarangani, Davao Occidental, Tawi-tawi, Sulu Basilan, Zamboanga Del Sur, Zamboanga Sibugay, Sultan Kudarat at South Cotabato.

Ayon sa Pangulo, “A strong earthquake has struck off the coast of Sarangani this morning, and a tsunami warning is now in effect across several coastal provinces in Mindanao.”

(Isang malakas na lindol ang tumama sa karagatan malapit sa Sarangani ngayong umaga, at may umiiral na ngayong tsunami warning sa ilang baybaying lalawigan sa Mindanao.)

“I have directed all relevant government agencies to act immediately, ” utos ng Punong Ehekutibo.

(Inatasan ko ang lahat ng kaukulang ahensya ng pamahalaan na agad kumilos.)

Sinabi ng Pangulo na kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Office of Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang pangunahan ang disaster response at mahigpit na bantayan ang sitwasyon sa mga apektadong lugar.

Inatasan din ng Pangulo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maghanda ng mga relief goods at tiyaking nakahanda at maayos ang operasyon ng mga evacuation center.

Samantala, nakaantabay naman ang Department of Public Works and Highways (DPWH) upang magsagawa ng pagsusuri sa mga kalsada, tulay, at iba pang mahahalagang imprastraktura, gayundin upang tiyaking malinis at madadaanan ang mga rutang kakailanganin para sa rescue at relief operations.

Iniutos din ni Pangulong Marcos ang pagsususpinde ng klase sa lahat ng antas sa mga apektadong lugar sa Mindanao hanggang sa magpalabas ng panibagong abiso.

“The safety of our children comes first, ” wika ng Pangulo.

(Ang kaligtasan ng ating mga anak ang pinakamahalaga.)

Makikipag-ugnayan naman ang Department of Education (DepEd) sa mga lokal na pamahalaan hinggil sa pagpapatupad ng suspensyon ng klase.

Nanawagan din ang Pangulo sa mga residenteng nasa mga lalawigang sakop ng tsunami warning na agad sundin ang mga babala ng mga awtoridad.

“To our kababayans in the affected provinces, please heed the tsunami warning. Move to higher ground now. Do not wait, “panawagan ng Pangulo sa mga residente.

(Sa ating mga kababayan sa mga apektadong lalawigan, pakinggan at sundin po ninyo ang tsunami warning. Lumikas na agad sa mas mataas na lugar. Huwag nang maghintay.)

Binigyang-diin din ng Pangulo ang kaligtasan ng buhay ang dapat unahin.

“Your life is more important than anything left behind,” wika ng Pangulo.

(Mas mahalaga ang inyong buhay kaysa sa anumang maiiwan ninyo.)

Tiniyak din ni Pangulong Marcos na kumikilos na ang pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong komunidad.

“The national government is moving and we will not leave Mindanao behind,” sabi ng Pangulo.

(Kumikilos na ang pambansang pamahalaan at hindi namin pababayaan ang Mindanao.)

Dagdag pa ng Pangulo, patuloy siyang nakikipag-ugnayan sa mga regional office at mga lokal na opisyal upang masubaybayan ang sitwasyon sa lugar.

“I am in constant communication with our regional offices and local chief executives on the ground,” diin ng Pangulo.

(Patuloy akong nakikipag-ugnayan sa ating mga regional office at mga lokal na punong ehekutibo sa mga apektadong lugar.)

Magbibigay pa ng karagdagang impormasyon ang pamahalaan habang nagpapatuloy ang monitoring at pagtugon sa sitwasyon. | PND

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -