27.3 C
Manila
Biyernes, Hulyo 10, 2026

Panimulang salita ni Sen Bam Aquino sa isinagawang Basic Education Committee hearing on School Safety

- Advertisement -
- Advertisement -

Mga kasama, magandang-magandang umaga uli sa ating lahat.

Maraming salamat sa ating mga bisita mula sa iba’t ibang sektor na kasama natin ngayon  sa iisang layunin: tiyaking ligtas ang bawat paaralan at bawat batang Pilipino.

Kamakailan lamang, nagulat at nalungkot ang ating bansa sa balitang hindi natin  nakasanayan. Sa Tacloban City, mayroong insidente ng pamamaril sa na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong estudyante at pagkasugat sa mahigit 20 bata.

Nagpunta po tayo sa Tacloban upang makiramay sa mga pamilya ng mga biktima at  makausap ang mga naapektuhan ng trahedyang ito. At sa ating pagbisita, nakita natin ang sakit ng mga magulang, ang takot ng mga estudyante, at ang pangamba ng buong komunidad.

Ang masakit po dito, hindi lang po ito kwento ng Tacloban.


Sa nakalipas na buwan, sunod-sunod po iyong ulat ng karahasan sa ating mga paaralan. Nariyan ang stabbing incident sa Negros Occidental. May mga estudyanteng nahuli na may kutsilyo at kahit baril sa loob ng paaralan. May mga kaso ng bullying na nauwi sa karahasan. Ang mga ito at iba pa ay mga insidente na nagpapaalala sa atin na kailangan nating kumilos habang may panahon pa.

Maging ang mga unibersidad ay hindi na rin po ligtas. Kamakailan lamang, nagkaroon ng  insidente sa Ateneo na muling nagpaalala sa atin na walang paaralan—kahit anong antas—ang maaaring maging kampante pagdating sa kaligtasan ng mga estudyante.

Magkakaiba man ang mga pangyayaring ito, iisa po ang mensahe: ang mga paaralan dapat ligtas, ang mga estudyante ay dapat ligtas, at ang School Safety Act ay dapat gawing prayoridad ng ating gobyerno.

Nandito po tayo dahil naniniwala tayo na ang mga paaralan ay dapat maging lugar ng  pagkatuto at hindi ng takot. At lugar kung saan may kumpiyansa ang mga bawat magulang na ligtas na makakauwi ang kanilang mga anak na pumasok sa paaralan.

- Advertisement -

Nandito tayo dahil gusto po nating matiyak na ang mga nangyari sa Tacloban, sa Aurora, at sa iba pang bahagi ng bansa ay hindi na mauulit muli. Nandito tayo dahil panahon nang tanungin ang ating mga sarili: Sapat na ba ang ating mga batas, mga polisiya, mga programa upang mapanatiling ligtas ang ating mga paaralan?

Noong una pong isinulong ang panukalang ito, nakatuon ang School Safety Act sa pagpapatibay ng ating hakbang laban sa bullying. Ang bullying po, according to the EDCOM 2 report, ay one of the top concerns of our schools. Ngunit habang nagbabago ang mga hamong kinakaharap ng ating mga paaralan, nakita nating kailangan ding palawakin ang saklaw ng batas.

Kaya sa panukalang ito, pinalalakas po natin ang on and off-campus security. Pinalalawak po natin ang paggamit ng CCTV at iba pang angkop na security measures. Pinatitibay po natin ang mga emergency response protocols. Pinalalakas po natin ang mental health at psychosocial support para sa ating mga estudyante at mga guro. At mas pinatitibay natin ang koordinasyon ng mga paaralan, lokal na pamahalaan, at mga law enforcement agencies.

Ang school safety ay hindi lamang responsibilidad ng DepEd o ng paaralan. Responsibilidad po ito ng whole-of-nation. Responsibilidad po ito ng buong bansa. Responsibilidad ng mga magulang, ng komunidad. At higit sa lahat, responsibilidad po ng bawat isa sa atin dito.

Sa huli, utang po natin sa ating mga kabataan ang mga paaralang ligtas at nagbibigay ng  pag-asa. Utang po natin sa ating mga guro ang isang ligtas na lugar upang makapagturo. At utang po natin sa bawat magulang ang katiyakang ginagawa natin ang lahat upang maprotektahan ang kanilang mga anak.

Mga kasama, inaasahan po natin na sa usaping ito, walang kulay ng pulitika. Kapag  kaligtasan ng ating mga anak ang nakataya, iisa lamang ang dapat nating layunin: ang matiyak na ang bawat paaralan sa ating bansa ay isang lugar ng pagkatuto, ng pangarap, at ng kaligtasan.

- Advertisement -

Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -