24.5 C
Manila
Lunes, Hulyo 13, 2026

Ang senador ay tao, hindi numero 

ULTIMONG BIGWAS 

- Advertisement -
- Advertisement -

“ARTICLE XI, Section 3 (6)

“The Senate shall have the sole power to try and decide all cases of impeachment. When sitting for that purpose, the Senators shall be on oath or affirmation. When the President of the Philippines is on trial, the Chief Justice of the Supreme Court shall preside, but shall not vote. No person shall be convicted without the concurrence of two-thirds of all the Members of the Senate.”

Iyan ang eksaktong sinasabi ng Konstitusyon. Walang labis, walang kulang.

Tagalugin natin sa abot ng ating makakaya.

“Artikulo XI, Seksyon 3 (6)


“Ang Senado ang siyang tanging maykapangyarihang lumitis at magpasya sa lahat nang  kaso ng impeachment. Kung nakaupo sa ganung layunin, ang mga Senador ay dapat na nakapanumpa o napagpasang-ayon. Kung ang Pangulo ng Pilipinas ang siyang nililitis, ang Punong Hukom ng Korte Suprema ang mangungulo, subalit hindi boboto. Walang sinumang tao ang mahahatulang nagkasala nang walang pagsang-ayon ng dalawa-katlo ng lahat ng miyembro ng Senado.”

Iginigiit ni Presiding Senator Judge ng Impeachment Trial Court Francis Escudero na dahil ang “lahat ng miyembro ng Senado ay bumibilang ng 24, 2/3 nito ay 16, kaya 16 ang kailangang boto upang mahatulang nagkasala si Bise Presidente Sara Duterte.

Wasto ba ang pagsasaalang-alang na ito?

Tinukoy ni Escudero ang kalakaran sa pag-apruba ng mga tratadong internasyonal na ang two-thirds ay pamantayang 16 sa kabila ng pagbawas ng kabuoang bilang ng mga senador.

- Advertisement -

Ganun din ang pananaw ni retirado Supreme Court Associate Justice Adolfo Ascuña.

Ang di natin mawari ay ito.

Ano’ ba ang mga senador, tao of numero?

Maliwanag tao.

Bakit magiging 24 pa rin ang bilang ng mga senador na pagkukunan ng 2/3 samantalang ang bilang ng mga taong senador na nakapanunungkulan ay 21 lamang?

Sa argumento ni Senador Escudero, ang 24 ay pamantayang bilang na itinakdang batayan ng pagpapasya sa mga ispisipikong mahahalagang usapin, kabilang na nga rito ang conviction sa impeachment trial.

- Advertisement -

Ang pamantayang bilang na ito sa ganung mga usapin ay hindi nagbabago sa kabila ng  pagbawas sa bilang ng mga senador na nakagaganap sa tungkulin.

Diin ni Escudero, “2/3 ng lahat ng miyembro ng Senado” ang mandato ng Konstitusyon. Iyun ang dapat na masunod.

Kaya sa kabila ng katotohanan na si Ronald “Bato” de la Rosa ay totohanan nang pugante ng batas at sina Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada ay nangakakulong sa kasong plunder, mga miyembro pa rin ng Senado silang maituturing, kabilang sa kwenta ng 2/3 na kailangan upang ma-convict si Bise Presidente Sara.

2/3 o 16 na senador

Aaminin ko, sa praktikal na konsiderasyon, may kahirapang makuha ang ganung bilang upang mahatulang nagkasala si Sara.

Kaya lumalabas na ang pagpipilit na 24 ang bilang ng mga senador na pagkukunan ng 2/3 ay tusong pakana upang iligtas ang Bise Presidente.

Giit ni Escudero, iyon ang sabi ng Konstitusyon.

A, kung ganyan lang ang usapan,  talo na ako.

Ako mismo ang nagpatiuna sa eksaktong mga kataga ng Konstitusyon: “Walang sinumang tao ang mahahatulang nagkasala nang walang pagsang-ayon ng 2/3 ng lahat ng miyembro ng Senado.”

Subalit ito naman ang ipipilit ko. Sinasabi rin ng Konstitusyon ang ganito: ‘Kung nakaupo  sa ganung layunin, ang mga Senador ay dapat na nakapanumpa o napagpasang-ayon.”

Nakaupo ba bilang mga Senator Judges sina Bato, Jinggoy at Marcoleta.

Maliwanag hindi.

Napagpanumpa ba sila?

Hindi rin.

Kung hindi nakaupo bilang mga Senator Judges at kung hindi nakapanumpa sa ganung tungkulin, paano sila mabibilang sa buong kalipunan ng mga Senator Judges? At kung hindi sila mabibilang nang ganon, saan kukunin ang tatlong idaragdag sa 21 na bilang ng mga senador na bumubuo sa Impeachment Trial Court?

Papaanong ang 21 ay magiging 24 at sa ganun ang 2/3 ay manatiling 16 sa halip na 14 lamang?

Sa kaso ng Bise Presidente, ang botong 14 ay dapat na sapat na upang mahatulan siyang nagkasala.

Hindi, e, ipinagpipilitan na ang ang pagkukunan ng 2/3 ay 24 pa rin sa halip na 21 lamang na ayon sa letra ng Konstitusyon “ay nakaupo sa ganung layunin” na mga Senator Judges.

Ano ang ginagawa mo kundi pahirapin ang pag-ipon ng  16 na boto upang mahatulang nagkasala ang Bise Presidente.

At kung hindi maipon ang 16, ano ss kadulu-duluhan ang mangyayari?

Abswelto si Sara.

Unang-una, ang  mga senador ay tao. Bakit mo ipagpipilitan na sila ay numero na hindi nababago?

Sukdulang ang isa ay asta mong kriminal na nagtatago sa batas at ang dalawa ay nakakulong sa bintang na pandarambong.

Sa pagpipilit mo sa 16, huwag na tayong maglukuhan, hindi dahil sa iyon ang mandato ng Konstitusyon kundi dahil sa iyon ang magsasalba sa nilalayon mong iligtas.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -