24.5 C
Manila
Lunes, Hulyo 13, 2026

Pangulong Marcos, ininspeksyon ang patuloy na rehabilitasyon ng Navotas Fish Port Complex

- Advertisement -
- Advertisement -

ININSPEKSYON ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Sabado ang nagpapatuloy na rehabilitasyon ng Navotas Fish Port Complex (NFPC) bilang bahagi ng pagsisikap na gawing mas moderno ang pangunahing fish port ng bansa at mas matatag laban sa madalas na pagbaha.

Sa isinagawang inspeksyon, nakita ni Pangulong Marcos ang pagbaba, paghakot, at bentahan ng mga produktong isda sa Market 1.

Inikot din ng Pangulo ang pasilidad upang suriin ang operasyon nito at ang mga kasalukuyang ginagawang pagpapabuti.

Ipinaliwanag ni Philippine Fisheries Development Authority (PFDA) General Manager Glen Pangapalan sa Pangulo ang operasyon ng fish port at ang nagpapatuloy na rehabilitasyon ng Markets 1 at 2.


Kasama ng Pangulo sina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., Navotas City Lone District Representative Tobias Reynald Tiangco, at Navotas City Mayor John Reynald Tiangco.

Layunin ng pagbisita ni Pangulong Marcos na maipakita ang kanyang patuloy na suporta sa rehabilitasyon at pagpapabuti ng fish port complex upang mapalakas ang imprastraktura ng pangisdaan, mapalawak ang pamilihan ng mga mangingisda, at mabawasan ang gastos sa transportasyon at logistics.

Layunin din ng mga kasalukuyang rehabilitasyon sa NFPC na mabawasan ang madalas na pagbaha sa tuwing high tide at may bagyo upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng fish port kahit may masamang panahon.

Sa pamamagitan ng PFDA, isinasagawa ng pamahalaan ang rehabilitasyon at pagpapabuti ng NFPC upang gawing mas moderno ang pasilidad, mapalakas ang kakayahan nitong maging bagsakan ng dumaraming produktong isda, at mapabilis ang operasyon ng mga fishing vessel.

- Advertisement -

Saklaw ng proyekto ang rehabilitasyon at pagtatayo ng mga market hall, reinforced concrete wharves, drainage at sewerage facilities, reclamation works, shipyard, backup areas, utility facilities, at iba pang kaugnay na imprastraktura ng daungan.

Kapag natapos ang rehabilitasyon, inaasahang magiging mas ligtas, mas malinis, mas mahusay, at mas matatag laban sa epekto ng klima ang mga pasilidad. Maiayos din ang pagbaba, paghawak at pamamahagi ng mga produktong isda, mababawasan ang gastos sa transportasyon at logistics, mapapanatili ang kalidad ng isda, at mababawasan ang pagkasira ng mga ito.

Inaasahan din na makalilikha ang proyekto ng mga trabaho at oportunidad sa kabuhayan para sa mga residente ng Navotas at mga kalapit na komunidad.

Ang NFPC ay isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng mga produktong isda para sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon.

Nagsimula ang pagtatayo ng 49-ektaryang Navotas Fish Port noong 1974 matapos ang paglagda sa kasunduan sa pautang sa Asian Development Bank (ADB) sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. Natapos ang konstruksyon noong 1977 at opisyal itong binuksan noong 1979. Mula noon, ito na ang naging pinakamalaking daungan ng isda sa Pilipinas at isa sa pinakamalaki sa buong Asya.

Patuloy na lumalaki ang operasyon nito sa mga nakaraang taon.

- Advertisement -

Mula sa 196,580 metric tons ng isdang ibinaba noong 2023, umabot ito sa 221,692 metric tons noong 2025.

Tumaas din ang bilang ng mga dumaong na sasakyang-pandagat mula 24,570 noong 2023 hanggang 26,128 noong 2025.

Bago umalis sa fish port, nakipag-usap din si Pangulong Marcos sa mga tindero at mamimili ng isda sa lugar. | PND

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -