27.7 C
Manila
Biyernes, Hulyo 17, 2026

Ang itim na palamuti sa busilak na dibdib ni Alex Eala  

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG nakaraang linggo ay pinarangalan si Alex Eala sa Palasyo ng Malacañang ng  Presidential Recognition ni Pangulo Ferdinand R. Marcos Jr.. Pagkilala iyun sa layo na ng kanyang narating sa mundo ng tennis. Pinakatampok rito ang pagiging kauna-unahang Pilipino na umabot sa quarter finals ng prestihiyosong The Championships, Wimbledon. Sa round na iyon, tinalo ni Alex ang Reigning Champion na si Iga Swiatek ng Poland. 

Mga larawan mula sa Presidential Communications Office

Sa dinner sa Malakanyang, ordinary attire.  Kadalasang ito ay tatak ng ganung mga okasyong dinadaluhan ng magkakalapit na magkakapalagayang-loob. Ang Pangulo ay nakaputing polo shirt at ganun din si Alex, puting blouse sa itaas ng maong slacks. 

Ang kakaiba at namumukod ay ang malaking bilog na palamuting di mo mawari kung bulaklak o ano na agaw-pansin sa kanyang dibdib dahil sa kaitiman. 

 

Sa ilang mga nalathalang larawan ni Alex na siya ay tampok bilang fashion model, mahihinuha mo na siya ay metikuloso sa usapin ng pananamit. At sa ganung okasyon sa Malakanyang, lahat ng detalye ng kanyang kasuutan ay maaasahan mong sadya at aral. 

Ano ba ang bagay na iyon na agaw-pansin sa kanyang dibdib? Nag-iisang tampok sa puting blusa na dapat ay perpektong katerno ng kay Bongbong kung hindi dahil sa itim na desenyong iyon sa dibdib. 

May ibig ipahiwatig ang dalaga. Kung anuman iyon ay siya lamang ang nakakaalam, subalit tiyak na napakahalaga, bunsod ng isang alalahanin, malalim na naising ibig niyang iparating sa Pangulo, ngunit di mabigkas kaya daanin na lang sa simbolo. 

Kung marahil ay nagawa ng Pangulo na tanungin kung ano ang itim na sagisag na iyun,  maaaring nagawa sana ni Alex ang magpaliwanag, na kung sagisag nga, ano ang isinasalarawan? 

Sa murang edad ni Alex, di pang-karaniwan ang mga iwing gawi na nagpapahiwatig ng kalaliman ng karakter at  pag-uugali.  

Halimbawa, sa isang okasyon ng pag-wawagi sa isang mahalagang tennis match, sa halip na sabihin sa nakagawiang istilo ng marami: “Iniaalay ko ang tagumpay na ito sa aking mga kababayang Pilipino,” ang pahayag niyang hugot mula sa puso ay ito: “We’re all in this together.”  

“Hindi ko lang hirap ito. Hirap nating lahat. Tagumpay nating lahat.” 

Sinong iba pa kundi si Alex lang ang naringgan natin ng ganito: “Home is not a place but people.” 

Ang tahanan ay hindi lugar kundi pamayanan. 

Natatandaan ninyo ang minsang konserto ng Air Supply sa United Arab Emirates. Kung bakit nakakati-katihan ng mang-aawit ang magtanong: “Is anybody here from the Philippines?” 

Hiyawan at lundagan ang libu-libong manonood: lahat Pilipino! 

Kaya saan man lumaban si Alex– mapa Middle East, Europe o Asia,  – lagi nang ang pagbubunyi ay gawa ng kagila-gilalas na sangkatauhan nagwawagayway ng bandilang Pilipino.  

Hindi na pinag-uusapan pa kung siya ay panalo kundi na ang laban niya ay laban ng lahat nang Pilipino. 

“We’re all in this together.” 

Manalo-matalo, lahat sama-sama,  lahat Pilipino. 

Home crowd nga kumbaga. 

Sinasabing sa laban ni Alex kay Iga Swiatek sa Wimbledon, ang presyo ng premium seats ay tumaas hanggang $10,000, samantalang makaraang siya ay matalo ni Jasmine  Paolini sa fourth round at nawala na sa eksena, ang presyo ng ganung ticket ay bumagsak sa $1500. 

At ito ang ikinagulat nang malaki ni Paolini. Kung bakit sa halip na siya ang ipagbunyi ng crowd, ang pinalakpakan ng balana ay ang pamamaalam ni Alex – standing ovation pa mandin. 

Sa murang edad ng dalaga, taglay na niya ang lalim ng pagkatao upang ganap na alamin  ang kapaligirang ginagalawan at tanging sa bisa ng matapat na pag-unawa ay makagawa ng paraan upang mabago ang mundo. 

Sa kanyang pagwawagi laban sa defending champion ng Wimbledon na si Iga Swiatek, ito ang kanyang pahayag: “Maaaring sa mga tulad nina Iga at Serena, ang pagwagi ng grand slam ay hindi na pambihirang bagay, subalit sa katulad ko na lumaki sa Pilipinas… (may impit na hinagpis sa kanyang tinig at maluha-luha, kung kaya hiyawan at palakpakan ang galeriya) Isang apat na taong gulang na bata suot ang mga gusot na medyas at namimintog ang mga pisngi, kalaro-laro ng lolo at kuya tuwing matatapos ang klase… Ito ay napakalaking bagay.” 

Ang batang iyon ay walang humpay sa pagpursigi na mapagbuti nang ganap ang kahusayan sa tennis upang sa sandali ngang iyon ay pagwagian ang laban sa defending champion ng Wimbledon. 

Kumbaga sa simponiya, ang pagwawaging iyon ay siya nang hantungan ng matagumpay na unang hakbang (First Movement sa termino ng simponiya),  at mangyayari na ang mga kailangang paghahanda para sa kasunod na mga hakbang ng simponiya. 

Ano iyon? 

Bata pa, kinakitaan na si Alex  ng malalim na pag-intindi sa lipunang ginagalawan. At ng intelektwal at makasining na paraan ng komunikasyon ng damdamin. 

Hindi kaya ang lalim na ito ang pahiwatig ng nag-iisang bilog na itim na simbolo sa dibdib ng blusang suot sa dinner-parangal sa kanya sa Malakanyang? 

At sa pamantayang ito, hindi maiiwasang maisip ang bahagi ng Lupang Hinirang na  umuugong sa maluwalhating saknong:  

“Ang kislap ng watawat mo’y
Tagumpay na nagniningning
Ang bituin at araw niya Kailanpama’y di magdidilim” 

Nasaan na ang kislap, Ginoong Pangulo? Sobrang dilim na ng araw na ni katiting ng  ginintuang sinag ay wala nang maaaninag. 

Ah,  anong ligaya ko kung ang parangal na ipinagkakaloob ninyo sa akin sa gabing ito ay ibinubuhos ninyo sa pagpanumbalik ng mabunying mga liriko ng Lupang Hinirang: 

Lupa ng araw ng luwalhati’t pagsinta 

Buhay ay langit sa piling mo 

Aming ligaya na ‘pag may mang-aapi 

Ang mamatay nang dahil sa iyo 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -