SA layuning mapalaki ang inuuwing suweldo ng mas maraming manggagawang Pilipino at mabigyan sila ng ginhawa sa patuloy na umakyat na cost of living, isinusulong ni Senator Bam Aquino ang pagsasabatas ng kanyang panukalang magtataas sa taunang income tax exemption threshold mula P250,000 patungong P480,000.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 267, ang panukalang amyenda sa National Internal Revenue Code ay magbibigay ng exemption sa pagbabayad ng income tax sa mga indibidwal na kumikita ng hanggang P480,000 kada taon.
Inihain noong Hulyo 8, 2025, ang panukala ay kabilang sa mga unang bills na isinumite ni Aquino kasunod ng kanyang matagumpay na kampanya, kung saan nanawagan ang mga Pilipino para sa mas mababang presyo at pagtaas sa take-home pay.
“Halos isang taon na itong hindi gumagalaw kaya umaasa tayo na sa pagbukas ng session, maisama ito sa priority legislation para agarang matulungan at mabigyan ng ginawa ang ating mga kababayan at maitaas ang naiuuwi nilang sahod,” wika ni Aquino.
“Napapanahon na upang isabatas ito sa harap ng napakaraming pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo. Napag-iwanan na ang suweldo ng ating manggagawa sa mga pagtaas na ito at nabawasan na rin ang kanilang purchasing power,” paliwanag pa niya.
Ayon kay Aquino, hindi na akma ang kasalukuyang exemption level, na itinakda sa ilalim ng Republic Act No. 10963, o ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, dahil patuloy na pinapababa ng inflation ang purchasing power ng mga manggagawa.
Maliban sa pagpapagaan ng pasaning pinansiyal ng mga pamilyang Pilipino, sinabi ni Aquino na makatutulong ang pinataas na tax exemption threshold para lumaki ang maiuuwing suweldo ng mga manggagawa, na magbibigay sa kanila ng dagdag na perang panggastos sa kanilang pangangailangan, gaya ng pagkain, edukasyon, at kalusugan.
Makatutulong din ito na palakasin ang consumer spending at takbo ng ekonomiya.
Naghain din si Aquino ng iba pang panukalang batas na layong pagaanin ang pasanin ng mga Pilipino sa harap ng tumataas na presyo ng bilihin at serbisyo, produktong petrolyo, at kuryente.
Para mapababa ang bayarin sa kuryente, isinumite ni Aquino ang Senate Bill No. 266, na layong i-exempt sa value-added tax (VAT) ang kuryenteng ibinibenta ng generation, transmission, distribution companies, at electric cooperatives.
Isinusulong din niya ang pagbaba ng VAT mula 12 porsiyento patungong 10 porsiyento sa mga bilihin at serbisyo, kabilang ang produktong petrolyo sa pamamagitan ng kanyang Senate Bill No. 2047.

