28.6 C
Manila
Sabado, Oktubre 12, 2024

Pambansang programa para sa ‘social protection’ ng mga batang nanay at kanilang mga anak, nagsimula na

Lungsod ng Ormoc ang pinakaunang tumugon sa pagpapatupad

- Advertisement -
- Advertisement -

Kaugnay sa pambansang pagpapatupad ng programa para sa ‘social protection’ ng mga batang nanay at kanilang mga anak (social protection program for adolescent mothers and their children, o SPPAMC), ipinahayag ng Komisyon sa Populasyon at Pagpapaunlad (POPCOM) na ang Lungsod ng Ormoc ay ang pinakaunang lokal na yunit ng gobyerno (local government unit, o LGU) na magpapatupad ng nasabing proyekto.

Ang positibong layunin ng gobyerno na magbigay ng malawakang proteksyon para sa mga naturang mga miyembro ng lipunan ay inihayag nang lagdaan ni Mayor Richard I. Gomez ang Ormoc City Executive Order (EO) 216 sa pagsisimula ng Nobyembre. Nakasaad dito ang tuluy-tuloy na pagbibigay ng pagkakataong makapag-aral, serbisyong pangkalusugan at iba pang tulong na magsisiguro ng mas magandang kalidad ng buhay, habang ibinababa nito ang paglaganap ng kahirapan at iba pang klase ng kahinaan o “vulnerabilities” para sa kabutihan ng lungsod at mga nakatira doon.

Sa pamamagitan ng EO, kinilala ni Gomez at mga opisyal ng lungsod na isa sa mga panganib sa pag-unlad mga mga kabataan ay ang pagdami ng bilang ng mga nabubuntis sa hanay ng mga batang babae. Ayon sa kanila, ang naturang salot ng lipunan ay seryosong hadlang sa katuparan ng mga hangarin at pangkabuuang potensyal ng kabataan, na siya namang makaka-apekto sa kanilang kakayahan na makapag-ambag sa “socioeconomic” na pag-unlad ng kanilang mga pamilya at komunidad.

Ang EO ay nilagdaan matapos magpasa ang Sangguniang Panlungsod ng isang resolution na nagbibigay kapangyarihan sa “city government” na lumagda sa isang “memorandum of agreement” kasama ang POPCOM, at nagtatalaga ng pondo para sa SPPAMC mula sa LGU.

Pinapurihan ni POPCOM VIII Regional Director Elnora R. Pulma, MMPM ang gobyernong panlungsod sa pagiging pinakaunang LGU sa Pilipinas na makikipag-ugnayan sa ahensya para sa SPPAMC: “Sa pagkilala ng lungsod sa kahalagahan ng programa, naniniwala ako na ang Ormoc—sa mahusay na pamumuno ni Mayor Gomez—ay maghihikayat sa iba pang LGU na ipatupad din ito sa kanilang mga lugar. Makakaasa sila ng buong suporta ng ahensya sa maayos na pagpapatupad nito.”

Mula sa datos noong 2019 ng Civil Registration and Vital Statistics Philippine Statistics Authority, sinabi ng regional director na ang Eastern Visayas ay nakapagtala ng 7,000 bilang ng mga nagbuntis na mga kabataan noong nasabing taon. Di hihigit sa walong batang nanay ang nagsilang noong sila ay 13 taong gulang. Aniya, ang SPPAMC na gagawin sa Ormoc City ay maghihikayat sa mga kabataan na mapagtagumpayan ang kanilang sitwasyon, at maging produktibong mamamayan.

‘Nakikitang katunayan:’ Ikinalugod ni Undersecretary para sa Populasyon at Pagpapaunlad (Population and Development, o POPDEV) Juan Antonio A. Perez III, MD, MPH ang pagpapasimula ng SPPAMC sa Lungsod ng Ormoc, dahil ipinapahayag nito ang malawakan at magkasamang hakbang sa pagtugon ng mga isyu kaugnay sa mga pagbubuntis ng kabataan o “teenage pregnancy.”

“Ang SPPAMC ang nakikitang katunayan na tinitiyak ng pambansang gobyernong na walang maiiwan sa progreso at pag-unlad—kasama na ang halos 200,000 na batang magulang at kanilang mga supling,” paliwanag ng executive director ng POPCOM. “Alam namin na ang kanilang kalagayan ay lubhang makakaapekto sa kanilang kinabukasan at potensyal. Kung walang sapat na programa tulad ng SPPAMC, maaaring malugmok sila sa kahirapang tumatagal nang ilang henerasyon, o ‘intergenerational poverty.’”

 “Sa kabuuan, ang mensahe ng SPPAMC ay: Hindi pa huli ang lahat para sa mga nangangailangan; na ang kanilang gobyerno ay kumikilos upang mabigyan sila ng pag-asa, at maaari silang makabawi upang makamit ang magandang kalidad ng buhay,” dagdag ni Perez.

Aniya, ang isang probisyon sa Republic Act 11518, o ang General Appropriations Act sa Fiscal Year 2021, na nagsasabing ang POPCOM ay magmumungkahi para sa isang “special protection program” para sa mga batang nanay at kanilang mga anak. Bilang katuparan, ginawa ng ahensiya ang SPPAMC base sa na-aprubahan na “Social Protection Operational Framework and Strategy,” na may kasamang paunang pagpapatupad ng minungkahing programa sa mga piling partner na LGUs. Isa ang Ormoc sa mga nauna dito.

Inaasahan ng POPDEV undersecretary ang ibang LGU na susunod sa Ormoc City, dahil nakatanggap na ang POPCOM ng ilang mga “letters of intent” para sa “pilot implementation” ng programa sa kanilang mga lugar. Ang mga ito ay ang Dagupan City (Pangasinan) sa Region I; Lallo at Solana (Cagayan), Maddela at Diffun (Quirino), pati ang Roxas (Isabela) sa Region II; kasama ang Mabalacat City (Pampanga) at Meycauayan (Bulacan) sa Region III.

Sinabi ng pinuno ng POPCOM na ang pagpapatupad ng SPPAMC sa Ormoc ay nagsisilbing panguna sa selebrasyon ng Linggo ng POPDEV mula Nobyembre 23 hanggang 29. Layon nito ang pagbuo ng pundasyon ng mga pamilyang Pilipino para sa pagunlad ng bansa. Ang SPPAMC ay isinasagawa sa buong bansa kasama ang Department of Social Welfare and Development, o DSWD.

Ayon kay Perez, ang hakbang ng LGU ay isang marapat na tugon sa paglagda ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong Hunyo 2021 ng EO 141. Pinapa-una nito sa lahat ng ahensya ng gobyerno at iba pa nitong sangay o “instrumentalities” na gawing pambasang prayoridad ang lahat ng mga gawain na maaaring tumugon sa mga pinagmululan o ugat ng paglaki ng dami ng pagbubuntis ng kabataan o “teenage pregnancy” sa bansa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -