Pinakilos nila dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at Davao City Mayor Inday Sara Duterte ang kanilang mga volunteers upang makatuwang sa pamamahagi ng relief goods sa mga naapektuhan ng pananalasa ng Super Typhoon Odette.
Ang BBM-Sara UniTeam volunteers ay naghanda ng mga relief pack na naglalaman ng 5kgs ng bigas, ibat-ibang delata tulad ng sardines, corned beef, meatloaf, gatas, at mga kape.
“Ready na yung mga relief goods na ipamimigay namin, mayroon tayong bigas, grocery packs para sa mga nasalanta ng bagyo, nakaalerto na ang mga volunteers ng BBM-Sara UniTeam upang magtungo at ipamahagi ang mga tulong na ito,” sabi ng UniTeam.
Ang UniTeam volunteers ay maglalaan din ng mga relief goods para sa kritikal na mga lugar upang mapadali ang pamamahagi nito.
“Nakamonitor ang aming opisina sa bagyong Odette at tinitignan natin kung ano pa ang mga kakailanganing tulong ng mga nasalanta. Sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan na rin tayo sa mga lokal na pamahalaan upang malaman ang aktwal na kundisyon sa mga lugar na nasalanta,” dagdag ng dalawa.
Ang UniTeam ay naghanda ng 6,000 relief packs para sa probinsya ng Samar, 6,000 para sa probinsya ng Leyte, 2,000 para sa Tacloban, at 6,000 para sa Masbate. Ang mga volunteers ng UniTeam ay abala pa rin sa paghahanda ng mga karagdagang batch ng relief goods para ipamahagi sa iba pang mga lugar na nangangailangan ng tulong.
Nagsumamo rin sina Bongbong at Sara sa ating mga kababayan na patuloy ipagdasal ang kaligtasan ng mga taong naapektuhan ng nasabing Super Typhoon.
“Nakakalungkot dahil ilang araw na lamang ay pasko na at nagkaroon pa ng bagyo. Ganun pa man patuloy lang tayong manalangin sa kaligtasan ng ating mga kababayan lalo na dun sa mga naapektuhan ng bagyo,” sabi ng UniTeam.
Hinikayat din ng BBM-Sara UniTeam ang mga nakatira sa daraanan ng bagyo na sundin ang emergency bulletins ng gobyerno para manatiling ligtas at malayo sa mga panganib na hatid ni Typhoon Odette.
“Para sa ating mga kababayan na nakatira sa mga lugar na babaybayin ng bagyo, sumunod po tayo sa mga abiso ng pamahalaan. Kung kinakailangang lumikas ay gawin na po natin para po makaiwas sa peligro,” sabi pa ng BBM-Sara UniTeam.
Huling namataan ng PAGASA ang sentro ng Bagyong Odette sa baybayin ng P. Garcia sa Bohol nang alas-7:00 ng gabi. Nag-landfall si Typhoon Odette sa ika-anim na pagkakataon sa Bien Unido, Bohol.
Kumikilos si Odette na may lakas ng hanging aabot sa 185 kph at may pagbugsong aabot sa 255 kph at kumikilos pakanluran sa bilis na 30 kph.