PINURI ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., at itinuturing na malaking tagumpay sa lehislatura ang paglikha ng isang departamento na tututok sa lahat ng pangangailangan ng ating Overseas Filipino Workers (OFW).
Nilagdaan nitong Huwebes (Disyembre 31) ni President Rodrigo Roa Duterte ang Republic Act 11641, o kilala sa tawag na “An Act Creating the Department of Migrant Workers.”
Binati rin ni Marcos Jr. ang Kongreso sa pagtulong kay Pangulong Duterte para maisakatuparan ang kanyang pangako na pangalagaan ang kapakanan ng mga Filipino na nagta-trabaho sa ibang bansa, maging ang mga naiwan nilang pamilya sa Pilipinas.
“After four decades of overseas employment, our modern-day heroes will now have their own home in the bureaucracy,” ani Marcos Jr.
Idinagdag ni Marcos Jr. na maraming mga suliranin ang mga OFW, at ang paglikha ng DMW ay magbibigay ng pag-asa sa kanila para masolusyunan at matugunan ang matagal na nilang problema.
Hinimok naman ni Marcos Jr., ang pamahalaan na dapat ay agad maipatupad ang naturang batas at agad mabuo ang naturang OFW Department sa susunod na taon, lalo na ngayon at patuloy pa rin ang banta ng Covid-19 sa buong mundo.
“This new department serves as President Duterte’s institutional love letter to OFWs around the world and their families here at home,” ani Marcos Jr., sa pahayag.
Ang nasabing batas ay inaatasang magbuo ng bagong government body na magbibigay ng proteksyon sa mga karapatan ng OFW sa buong mundo.
Idinagdag pa ni Marcos Jr., na mayroon nang maituturing na pangalawang tahanan ang mga OFW para sa mas mabilis na tugon sa lahat ng kanilang mga pangangailangan.
Matatandaan na mismong si Pangulong Duterte ang nag-certify ng Migrant Workers Act na kabilang sa mga priority bill ng kaniyang administrasyon nitong nakaraang Marso.
Sa bagong batas na ito, ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ay magiging Department of Migrant Workers. Ang bago nitong mandato ay tutukan ang lahat ng polisiya para ma-protektahan ang kapakanan at interes ng mga OFW.
Ang pangunahing trabaho ng DMW ay ang i-regulate ang recruitment, employment at deployment ng mga OFW. Kasama rin sa mandato nila ang mag-imbestiga at magsampa ng kaso na may kaugnayan sa illegal recruitment at human trafficking ng mga OFW.
Ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) naman ang magiging attached agency ng bagong itatatag na departamento.
Ayon naman kay Marcos Jr., kasabay ng pagbibigay ng proteksyon sa mga OFW, kailangan ding palakasin ang paglikha ng mga trabaho sa bansa.
“Though our economic policy must remain focused on local job generation, we cannot prevent foreign employers from seeking out our workers, because they are truly (among) the best in the world,” ani Marcos Jr.
Binanggit ni Marcos Jr., ang mahalagang konstribusyon ng mga OFW partikular sa ekonomiya ng bansa kaya nararapat lamang umano na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang kanilang kapakanan.
“Our OFWs have contributed significantly and consistently in keeping our economy afloat, even through global crises, when the country continued to thrive even in supposed desperate times,” dagdag pa ni Marcos Jr.
Ayon sa pinakahuling survey noong 2019 ng Philippine Statistics Authority, aabot sa 2.2 milyong Filipino ang kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa.