KASABAY nang paggiit na ang susi sa tagumpay ng mga atleta sa bansa ay ang buong suporta ng pamahalaan at mga pribadong sektor, nanawagan naman si presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa mga lider ng sektor ng palakasan na iwasan ang pulitika sa kanilang hanay na sa halip na makatulong ay nakaka-apekto at nakaka-diskaril lamang sa pagsasanay ng mga atleta ng bansa.
“Dapat ang athlete walang ibang iniisip iyan, kundi mag-ensayo at magpalakas. Magpahinga ng mabuti, kumain ng tama, iyon lang dapat ang kanilang iniisip because that’s the only way to win championships, and the only way to win tournaments is to do that, and to be very professional about (their craft),” ayon kay Bongbong.
Kasabay nito, tiniyak din ng dating senador na bubuhusan niya ng suporta ang isports sakaling palarin siya sa darating na halalan kasama ang kanyang running mate na si Davao Mayor Sara Duterte.
Pinapurihan din ni Bongbong ang mga kasalukuyang atleta ng bansa sa maganda nilang ipinakita sa iba’t ibang paligsahan sa mundo sa kabila ng mga mabibigat na pagsubok kaya nararapat lamang umano silang suportahan ng buo ng pamahalaan.
“Panahon na upang bigyan muli sila (mga atleta) ng sapat na malasakit at suporta! Sa inyong pagwagayway ng bandilang Pilipino, kasama niyo kami (ni Inday Sara) mula pagsasanay hanggang sa pagkapanalo,” giit ni Bongbong.
Umaasa si Bongbong na hindi na mauulit ang katulad na kontrobersya sa bansa matapos mapag-desisyunan ng Philippine Athletic Track and Field Association (PATAFA) na tanggalin sa national team roster ang top pole vaulter na si Ernest John ‘Ej’ Obiena.
Si Obiena na kasalukuyang ikatlo na best pole vaulter sa mundo ay inakusahan ng Patafa na hindi ginastos ng tama ang kanyang training allowance sa kabila ng mariing pagtanggi at paglalabas ng mga dokumento ni Obiena na hindi totoo ang paratang ng Patafa. Maging ang coach ni Obiena na si Vitaly Petrov ay nagbigay ng testimonya sa panig ng pole vaulter.
Nakakuha naman ng kakampi si Obiena sa Philippine Olympic Committee, na idineklara si Patafa Pres. Philip Ella Juico na persona non grata dahil umano sa patuloy na pangha-harass nito sa atleta sa halip na suportahan ito.
Aminadong dismayado sa mga kaganapan, ayon sa standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ay napapanahon na umano na alisin na ang pulitika sa mundo ng palakasan.
“If we want to move forward we need to fix the system. Kung minsan kasi na pulitika ang sports eh,” ani Marcos.
Iginiit pa ni Bongbong na ang suporta ng pamahalaan ay malaki ang kaugnayan sa magiging performance ng mga atleta sa iba’t ibang kompetisyon sa mundo kaya nararapat lamang na hindi naiipit ang mga ito sa pulitika habang nag-eensayo at naghahanda.
Sa panayam sa Power Play ni Nolie Eala noong Disyembre 18, sinabi ni Bongbong na merong ilang mga opisyal na pinupulitika ang palakasan kaya naapektuhan din ang performance ng mga atleta.
Sa kanyang official Facebook account, inalala rin ni Bongbong kung paano matagumpay na ipinatupad ang ‘Gintong Alay’ na umani ng mga parangal sa mga palakasan sa mundo. Matatandaan na ang ‘Gintong Alay’ ay programa sa sports ng pamahalaan noong panahon ng kanyang ama na si Ferdinand E. Marcos Sr.
“Hindi lingid sa lahat na sportsman at fan ang aking ama ng iba’t ibang patimpalak sa palakasan. Kaya naman isinulong niya ang pagbuo ng iba’t ibang programa na susuporta at tutugon sa pangangailangan ng ating mga atleta, kabilang na dito ang Gintong Alay program,” ayon pa kay Bongbong.