30.8 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Tulong para sa mga biktima ni “Agaton” inihahanda na ng UniTeam

- Advertisement -
- Advertisement -

AGAD na pinakilos ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang UniTeam’s relief operations team na para sa panandaliang paghahatid ng tulong sa mga biktima ng bagyong Agaton sa Visayas at Mindanao.

Base sa mga huling ulat ay umabot na sa 38, 399 na ang pamilyang apektado mula sa 106 ibat-ibang mga barangay sa Region 10, 11, Caraga at BARMM in Muslim Mindanao.

Naghanda rin ang UniTeam’s legal team ng mga kinakailangang dokumento para humiling na mapagbigyan sila ng Commission on Elections (Comelec) na magkaroon ng relief mission at masigurong hindi sila lumalabag sa mga probisyon ng Omnibus Election Law.

Isa na ang nasawi sa Davao Region dahil sa pagbaha at malakas na ulan dala ng bagyong Agaton sa Visayas at Mindanao at isang tao rin ang napabalitang nawawala sa Region 11.

Sinabi ni Marcos na gustuhin man niya na agad na magpadala ng relief goods sa mga apektadong lugar ay hindi puwede sapagkat kailangan niyang sumunod sa batas ukol sa halalan, na pinipigilan ang mga kandidato na magpadala ng anumang tulong dahil maaari silang maakusahan ng vote buying.

“Humihingi po ako ng pasensya sa ating mga kababayan dahil hindi kami agad makapagpadala ng mga tulong bagamat nakahanda naman tayo, kaya lang ay tali ang ating kamay dahil nga sa mga batas na may kaugnayan sa halalan,” sabi ni Marcos.

“Pero huwag kayong mag-alala, sisiguruhin namin na darating kami agad para magpa-abot ng tulong sa lahat ng mga apektado nating mga kababayan,” dagdag pa niya.

Nailikas naman na ang 23,841 na pamilya, 3, 228 na pamilya at 11, 264 na tao na ngayon ay nanatili sa 52 evacuation centers.

Samantala, nakiusap si Marcos sa kanyang mga supporters sa mga apektadong lugar na isantabi muna ang pangangampanya, at sa halip ay magsagawa na lang relief operations at maghatid ng relief goods sa mga apektadong pamilya.

“Isantabi muna natin ang pulitika, unahin natin ang pangangailangan ng mga tao na naapektuhan ng kalamidad,” sabi ni Marcos habang nanawagan sa kanyang mga supporters na tumulong sa mga biktima ng bagyo.

Kamakailan lang noong nakaraang April 8 at 9 ay nasa lalawigan ng Samar at Leyte si Marcos kung saan nagsagawa siya ng matagumpay na campaign sorties bago dumating ang bagyo sa probinsya.

Kung matatandaan, naghatid din ng maraming tulong ang UniTeam noong Disyembre para sa mga biktima ng super typhoon Odette sa lungsod ng Butuan, Dinagat Islands, Cebu at Southern Leyte.

Naghatid ang UniTeam ng milyong halagang construction materials para sa pagpapagawa ng mga nasirang bahay at libo-libong mga sako ng bigas at maging malinis na tubig para sa mga biktima ng bagyong Odette.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -