Kinwestyon ni Senador Imee Marcos ang Commission on Elections (Comelec) sa pagbabawal nito sa mga ‘accredited observer’ sa paglilista ng destinasyon at iba pang detalye ng mga balotang nakatakdang ihatid sa buong bansa.
Ani Marcos, chairman ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation, naganap nitong nakaraang Martes ang pagharang ng officer-in-charge ng mga sekyu ng National Printing Office (NPO) sa mga observer na makapasok sa ahensya.
Ito’y kasunod naman ng kumprontasyon noong Lunes sa pagitan ng mga observer at ng isang guwardya ng NPO na nagsabing posibleng ikatanggal niya sa trabaho ang ginagawang paglilista ng grupo sa mga detalye ng pagde-deliber ng mga balota.
“Bakit kailangang isikreto ang mga impormasyon sa paghahatid ng mga balota? May tinatangka bang kalokohang gagawin sa eleksyon?” tanong ni Marcos.
Nito lang nakaraang buwan nagsimulang payagan ang malayang pag-inspeksyon sa paggawa ng mga balota at SD Card kung kailan patapos na ito.
Nadiskubre kasi ng komite ni Marcos nuong Marso na binabawalan ang mga ‘observer’ na makapasok sa NPO compound sa Quezon City at sa technical hub ng Comelec sa Santa Rosa, Laguna.
Binigyang diin din ni Marcos, mismong Comelec na ang gumagawa ng dahilan para mabigo ito sa eleksyon kung tuluyan nitong ililimita ang paggamit ng ‘digital signature’ sa Metro Manila, Cebu, at Davao lamang dahil sa hindi umano makabili ng tamang kable para sa mga vote counting machine.
“Pandemya at problema sa pagbili ang palusot ng Comelec para maisantabi ang inspeksyon at pagtsi-check sa seguridad na itinatakda ng batas. Wala naman inilalatag na nakakakumbinseng remedyo para mahimok na magtiwala ang publiko,” giit ni Marcos.
“Halos isang buwan na lang ang natitira bago mag-Mayo 9, pero nalalagay sa pagdududa ang integridad ng eleksyon dahil sa mga pagkukulang ng Comelec,” dagdag pa ng senador.