29.6 C
Manila
Huwebes, Nobyembre 14, 2024

DOST, inihahanda na ang CAMANAVA sa banta ng pagbaha

- Advertisement -
- Advertisement -

Ngayong naideklara na ng DOST-PAGASA ang opisyal na pagsisimula ng tag-ulan sa Pilipinas ay may banta na naman ng matitinding pagbaha na pinalalala ng problema sa basura. Takot at pangamba na naman ang nararamdaman ng mga kababayan nating nakatira sa mabababang lugar sa Metro Manila kabilang na ang lungsod ng Malabon.

Kaya naman bilang paghahanda rito, nagsanib-pwersa ang Department of Science and Technology (DOST) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang mabiyayaan ang lokal na pamahalaang lungsod ng Malabon ng Automatic Trash Rake o ATR technology na tutulong sa isinasagawa nang programa para sa solid waste management ng lungsod upang maibsan ang problema sa basura na siyang isa sa itinuturong dahilan ng mabilis na pagbaha sa lungsod.

Ang naturang proyekto ay nabuo noong 2018 matapos ang ilang konsultasyon na isinagawa sa mga lokal na pamahalaan na matatagpuan sa CAMANAVA na binubuo ng Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela. Ang mga naturang lugar ay pawang laging biktima ng labis na pagbaha kapag nasasabay pa sa pagtaas ng lebel ng tubig sa dagat at pag-apaw ng mga kalapit na ilog at dike dulot ng malakas na ulan na pinalalala pa ng natural nitong topograpiya at mga baradong daluyan ng tubig dahil naman sa dami ng basura.

Isa ang Malabon-Navotas-Tullahan-Tinajeros o MANATUTI river system na konektado sa Letre Creek na napupuno ng basura taon-taon.

Sa Malabon nga lang ay aabot sa pito hanggang walong tonelada ng basura ang nakokolekta kada buwan, na ngayon ay napababa na dahil sa mga inisyatibong isinasagawa ng lungsod katuwang ang isang non-government organization upang mahikayat ang mga residente ng lungsod na makibahagi sa mga programa tulad ng sa epektibong paghihiwalay at pagreresiklo ng basura.

Sa mga nakalipas na taon, tinatayang aabot sa 0.56 kg o kalahating kilo ng basura kada tao ang nadadagdag sa suliranin sa basura kada araw ng lungsod na may 400,000 residente.

Kaya naman, ang ATR na dinesenyo ng DOST-Metals Industry Research and Development Center (DOST-MIRDC) ay ikinabit sa Letre Creek sa Paterio Aquino Avenue at nakaposisyon upang makakolekta ng tinatayang aabot sa 43.5 cu/m ng basura sa isang buwan o 5 cu/m sa isang walong oras nitong operasyon.

Ang naturang makina ay tumatakbo sa tulong ng isang 10-hp diesel engine na may anim na set ng kalaykay o rake na may lapad na anim na metro. Sa tulong ng ATR ay mas madali nang makuha ang mga basura sa naturang creek dahil de-makina na at hindi na mano-mano ang pagsala at pagkolekta sa mga basura. Higit na magiging magaan na rin ang daloy ng tubig sa ilog at karatig-lungsod dahil tiyak na mababawasan na ang mga basurang bumabara sa daluyan ng mga tubig na siyang nagiging sanhi ng matinding pagbaha sa lugar.

Sa kanyang mensahe, hinikayat ni DOST Sec. Fortunato T. de la Peña ang mga lokal na pamahalaan at iba pang stakeholder na simulan na ang paglalatag ng balangkas upang makakuha at makagamit ng enerhiya mula sa mga basura. Sinabi niyang mayroon nang teknolohiya para rito ngunit kulang ng polisiya para tuluyan na itong maisagawa.

Una rito ay may naikabit na rin ang ATR sa Balingasa Creek sa G. Araneta Avenue, Quezon City noong 2014 at may nakalinya na ring dalawa pang lokasyon sa Metro Manila na paglalagyan ng ATR sa mga susunod na taon na ang detalye ay kasalukuyang inaayos na ng DENR. (Impormasyon mula kay Joy M. Lazcano, DOST-STII)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -