Naghain si Senador Win Gatchalian ng isang panukalang batas na layong magpataw ng moratorium sa pagbabayad ng renta ng mga residential units sa panahon ng kalamidad at iba pang mga sakuna.
Isinusulong din ni Gatchalian ang moratorium sa pagpapaalis o ‘eviction’ sa panahon ng State of Calamity o Emergency. Sa panahong ito, ang lessor, sublessor, o may-ari ng isang residential unit ay hindi maaaring magpaalis o kaya ay gumawa ng parehong hakbang na ligal upang mabawi ang unit mula sa lessee, sublessee, o mga nagrerenta, maliban na lamang kung ang mga ito ay gumawa ng krimen.
Sa inihain niyang Senate Bill No. 820 o ang Rental Payment and Eviction Moratorium during Disasters and Emergencies Act, layon ni Gatchalian na protektahan ang mga nangangailangan na pamilyang Pilipino at maiwasan ang matinding paghihirap na dulot ng mga kalamidad at mga sakuna. Ani Gatchalian, mas lalong mahihirapan ang mga pamilyang ito kung wala silang lugar na matutuluyan. Sa pamamagitan ng moratorium sa mga bayad sa renta, makakaraos ang mga pamilyang nangangailangan sa kabila ng pinsala ng mga sakuna at kalamidad, paliwanag ni Gatchalian.
“Malaking dagok ang dulot ng mga kalamidad at mga sakuna sa kabuhayan at negosyo ng ating mga kababayan. Kaya naman iminumungkahi natin ang moratorium sa pagbabayad ng renta at moratorium sa pagpapaalis sa mga nagrerenta sa panahon ng kalamidad upang mapagaan ang kanilang mga pasanin at matulungan silang makabangon,” ani Gatchalian.
Ang moratorium sa bayad ng rentang mungkahi ni Gatchalian ay ipapataw sa panahon ng State of Calamity o Emergency sa national o local level batay sa deklarasyon ng Pangulo o ng lokal na pamahalaan. Palalawigin ang naturang moratorium ng tatlumpung (30) araw matapos ang State of Calamity o Emergency. Kung ang State of Calamity o Emergency ay lumampas ng animnapung (60) araw, ang pagkumpleto sa naudlot na bayarin ay huhulugan sa loob ng anim na buwan. Panukala pa ni Gatchalian, walang penalty o interes na ipapataw sa pagkolekta ng mga bayaring ito.
Saklaw ng panukalang moratorium ang mga residential units na nasa ilalim ng lease o sublease agreement, nakasaad man sa kasulatan o hindi.
Ang rental eviction moratorium na ito ay maaari ring ipataw sa mga commercial o office space rental ng mga itinuturing na micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa ilalim ng Magna Carta for MSMEs o ng inamyendahang Republic Act No. 9501.
Ang mga rental at eviction moratorium sa ilalim ng State of Calamity o Emergency ay maaaring sumaklaw sa mga MSMEs ayon sa pagpapasya ng Kalihim ng Department of Trade and Industry.