Naghain si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na layong paigtingin ang pagsulong at paghahatid ng mga serbisyong pang-mental health sa mga basic education schools ng bansa. Ang panukalang batas ay isa sa mga prayoridad ni Gatchalian ngayong 19th Congress.
Layon ng Senate Bill No 379 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act na tugunan ang mga negatibong epekto ng pagsasara ng mga paaralan sa mental health at socio-emotional development ng mga mag-aaral, mga guro, at mga non-teaching personnel.
Layon din ng panukalang batas na gawing institutionalized ang “Mental Health and Well-Being Program” na magbibigay ng mga mental health services, emotional, developmental, at preventive programs, pati na rin ang iba pang mga support services sa lahat mga pampubliko at pribadong paaralan sa basic education. Layunin din ng panukalang batas ang pagkakaroon ng mga mental health professionals sa mga pampublikong paaralan sa elementary at high school, at mga vocational institutions.
Sa ilalim ng naturang panukalang batas, magkakaroon ng “Mental Health and Well-Being Center” ang bawat pribado at pampublikong paaralan sa bansa. Ang naturang Center ay magiging responsable sa paghahatid ng mental health at iba’t ibang well-being services.
Upang tugunan ang kakulangan ng mga Guidance Counselors sa buong bansa, isinusulong ni Gatchalian ang paglikha ng sapat na bilang ng mga plantilla items para sa posisyon ng Guidance Counselor at Guidance Associate, isang bagong posisyon na nilikha ng panukalang batas. Ang isang Guidance Associate ay dapat nakapagtapos ng Bachelor’s degree sa Guidance and Counseling, Psychology, Social Work, Human Services, at iba pang mga allied disciplines at related courses.
Iminumungkahi din ni Gatchalian na itaas ang Salary Grades (SG) ng Guidance Counselor I sa SG 16 (P38,150) mula SG 11 (P25,439), Guidance Counselor II sa SG 17 (P41,508) mula SG 12 (P27,608), at Guidance Counselor III sa SG 18 (P45,203) mula SG 13 (P29,798).
Batay sa mga pamantayan ng Department of Education (DepEd), kailangan ng bawat paaralan sa bansa ang isang Guidance Counselor kada limang-daang (500) mag-aaral. Ngunit pinuna ni Gatchalian na buhat nitong Hunyo 2022, meron lamang mahigit apat na libong (4,069) Guidance Counselors sa bansa mula sa unang batch ng mga kumuha ng licensure examinations noong 2008. Dahil mahigit dalawampu’t pitong (27.4) milyon ang mga mag-aaral mula elementarya at high school, kulang na kulang ang bilang ng mga Guidance Counselors sa bansa.
“Titiyakin natin na ang ating mga paaralan ay may sapat na bilang ng mga propesyonal at dalubhasa pagdating sa mental health. Napapanahon ito lalo na’t patuloy tayong bumabangon mula sa pinsala ng pandemya, kung saan nakita natin ang matinding pinsala sa mental health ng ating mga guro at mga mag-aaral,” ani Gatchalian.
Dagdag pa ni Gatchalian, suportado ng panukalang batas ang learning recovery plan ng DepEd na layon ding tugunan ang socio-emotional at behavioral recovery ng mga mag-aaral.