Kasunod ng muling pagtaas ng presyo ng gasolina ngayong linggo, sinabi ni Senador Win Gatchalian na kailangan na ng masusing pagsisiyasat sa epekto ng tuloy-tuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine sa seguridad ng enerhiya sa bansa at sa presyo nito.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution No. 78 dahil sa tahasang pag-akyat ng presyo ng langis at krudo sa pandaigdigang merkado na nakaapekto sa lokal na presyo. Ayon kay Gatchalian, 22% ang itinaas ng presyo ng gasolina mula Enero hanggang Mayo ng taon o P77.71 kada litro noong Mayo mula P63.58 kada litro noong Enero. Ang presyo naman ng diesel ay tumaas ng 49% o P75.92 kada litro noong Mayo mula P50.95 kada litro noong Enero.
Noong mga panahong iyon, maraming PUV drivers ang hindi bumiyahe at bibihirang bumiyahe na nagdulot ng kawalan ng masasakyan para sa mga commuter, ayon sa senador.
“Kailangang siyasatin nang maigi ang short, medium, at long-term effects ng giyera ng Russia at Ukraine sa ekonomiya ng Pilipinas, partikular na ang suplay ng langis at presyo nito at ang patuloy na pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado,” sabi ni Gatchalian.
Noong nakaraang 18th Congress ay nagsagawa ng pagdinig si Gatchalian, na dating chairman ng Committee on Energy, sa mga posibleng solusyon at programa ng Department of Energy (DOE) at mga government agencies sa epekto ng giyera ng Russia at Ukraine sa suplay at presyo ng langis sa bansa.
“Hindi na kakayanin ng taong bayan ang palagiang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na naging sanhi din ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin,” aniya.