25.8 C
Manila
Martes, Disyembre 3, 2024

Bagong luklok na ERC chairperson ikinalugod ni Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Ikinalugod ni Senador Win Gatchalian ang pagkakatalaga sa abogadong si Monalisa Carneo Dimalanta bilang bagong chairperson ng Energy Regulatory Commission o ERC kapalit ni Atty. Agnes Devanadera na nagsilbi sa ahensya ng halos limang taon.

Hinimok ni Gatchalian ang bagong mamumuno sa ERC na ipagpatuloy ang pagsusulong ng mga polisiyang magbibigay proteksyon sa mga konsyumer. Naka ilang beses na ring pinuri ng senador ang Komisyon dahil sa pagpapatupad ng mga programa para sa kapakanan ng mga konsyumer.

Nito lang nakaraang buwan ay ipinag-utos ng ERC sa Meralco na irefund ang may higit na 21 bilyong pisong halaga ng sobra-sobrang nakolekta ng power utility giant mula Hulyo ng 2015 hanggang Hunyo ngayong taon. Ito ay katumbas ng 87 centavos kada kilowatt hour (kWh) na kabawasan sa electricity bill ng mga residential consumers.

“Umaasa ako ng tuloy-tuloy na kolaborasyon ng aking tanggapan at ng ERC sa pamumuno ni Atty. Mona Dimalanta. Siya ay isang magaling na abogado na mayroong teknikal na kapasidad na magsusulong ng mga polisiya ng ahensya lalo na’t may sapat siyang karanasan sa sektor ng enerhiya,” ayon kay Gatchalian.

Katulad ng mambabatas, si Dimalanta ay tagasuporta rin ng renewable energy. Patunay dito ay ang kanyang dating pamumuno ng National Renewable Energy Board (NREB). Aktibo siyang nagsulong ng pagsunod ng bansa sa Renewable Portfolio Standards (RPS) policy ng Renewable Energy Act noong kasagsagan ng kanyang termino sa NREB.

Ilang beses na ring nakatrabaho ng mambabatas si Atty. Dimalanta sa maraming public consultations at committee hearings noong si Gatchalian ay chairman pa ng Senate Energy Committee. Kasama ng senador si Dimalanta sa pagsulong ng maraming panukalang batas na may kinalaman sa renewable energy, halimbawa ang Microgrid Systems Act kung saan si Gatchalian ang pangunahing may akda.

Ang pagiging dalubhasa ni Dimalanta sa larangan ng enerhiya ay nagbigay daan sa kanya upang gawin siyang pangunahing abogado ng ilang malalaking local at foreign companies, ayon kay Gatchalian. Sa katunayan, dagdag pa ni Gatchalian, ang pamumuno ni Dimalanta sa ibang mga energy groups ay naggawad sa kanya ng maraming international at Philippine awards at citations, kabilang na dito ang pagkilala sa kanya bilang “Market Leader” sa larangan ng Energy and Project Development. Noong kasagsagan ng pandemya noong 2020, si Dimalanta ay pinarangalang isa sa mga “Distinguished Representatives for the 3rd Women in Renewables Asia of the Year Award.”

“Si Atty. Mona ay palaging present sa aking mga committee hearings at Technical Working Group discussions noong siya pa ay nasa NREB. Umaasa ako na sa bagong liderato ng ahensiya ay mas marami pa kaming polisiyang maipapatupad na magtataguyod ng kapakanan ng mga konsyumer, magpaparusa sa mga mapang abusong kumpanya, magsusulong ng pag-unlad ng merkado, at magtutulak ng kompetisyon sa lokal na merkado,” sabi pa ng senador.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -