Itinutulak ni Senador Imee Marcos ang direktang pagbili ng mga ahensya ng gobyerno sa kanilang mga supplier, bago pa palawigin ang state of public health emergency at bago isagawa ang pagdinig ng kongreso sa 2023 national budget.
“Dapat nang matapos ang serye ng kontrobersyal na pagbili ng mga supply sa bansa na lumabas sa kasagsagan ng pandemya. Katunayan, inireport ng COA (Commission on Audit) na nanumbalik ito ng mahigit pa sa dekada,” ani Marcos.
“Maaari nating pabilisin ang emergency response kung direkta ang pagbili ng mga supply, equipment, at serbisyo. Maiiwasan din ng gobyerno ang doble-dobleng alokasyon at makatitipid pa ng bilyun-bilyong piso para sa pambansang badyet sa susunod na taon,” dagdag pa ni Marcos.
Sa harap nito, muling nanawagan si Marcos na dapat nang lansagin ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) at Philippine International Trading Corporation (PITC) sa kanyang inihain na Senate bills 1122 at 1123, na matatandaang dati na niyang inihirit noong 18th Congress.
“Ang tatay ko (dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.) ang bumuo sa nasabing dalawang ahensya noong dekada ’70. Pero lumipas na ang kanilang gamit, ang naturang mga ahensya pa ang promotor ng mga alingasngas at korapsyon,” ayon sa senador.
Binigyang diin ni Marcos na kung tutuusin, dapat nga sanang pinalakas ang procurement services nga mga ahensya ng gobyerno, alinsunod sa Republic Act 9184 o ng Government Procurement Reform Act (GPRA).
Una nang inaakusahan nitong nakaraang taon ang PS-DBM ng pag-o-overprice ng pagbili sa mga face mask, face shield, at personal protective equipment na nagkakahalagang Php42 billion para sa Department of Health, at nitong nakaraang linggo lamang ang pag-o-overprice ng pagbili ng Php2.4 billion na halaga ng mga laptop ng Department of Education para sa mga guro.
Matatandaang kinwestyon rin ni Marcos kung bakit ibinebenta pa ng PS-DBM ang mga equipment at mga supply sa mga ahensya ng gobyerno na nagbigay ng pondong pambili para sa mga ito.
Kagaya ng PS-DBM, naging imbakan din ang PITC ng “unobligated funds” na hindi na sinosoli sa Bureau of Treasury sa katapusan ng taon, na ginagamit para sa pagbigay ng mga bonus sa mga opisyal ng mga ahensyang pinanggalingan ng pondo.
Iniulat ng COA na halos Php34 billion ang nakatulog lamang na mga pondo sa PITC galing sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, kasama ang dapat ilaan para sa mga firetuck at military supplies na hindi nade-deliver ng anim hanggang walong taon, “kahit pa inirerekomenda ng GPRA na dapat tapusin ang proseso ng pagbili sa loob ng 136 na araw.”
“Orihinal na tungkulin ng PITC na mamagitan sa kalakalan sa pagitan ng socialist at iba pang mga bansang may sentralisado at planadong ekonomiya, gaya ng U.S.S.R at China noong mga panahong yun, pero Cuba lang at North Korea ang nananatili sa CPECs ngayon,” paliwanag ni Marcos.