29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

School buildings na may higit apat na palapag mungkahi ni Gatchalian laban sa kakulangan ng classrooms

- Advertisement -
- Advertisement -

Upang matugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa buong bansa, pinag-aaralan ni Gatchalian ang paghahain ng panukalang batas na magpapahintulot ng pagpapatayo ng school buildings na may higit apat na palapag.

“Pinag-aaralan natin ang paghahain ng panukalang batas na magpapahintulot ng pagpapatayo ng mga silid-aralan lagpas sa pang apat na palapag ng mga gusali. Meron kasing regulasyon kung saan hanggang pang apat na palapag lamang ang kailangang ipatayong mga silid-aralan upang hindi mahirapang umakyat ang mga mag-aaral sa mga gusaling mas mataas pa,” pahayag ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

“Ngunit kung makakapaglagay tayo ng mga elevator o iba pang mga kagamitan upang iakyat ang mga mag-aaral sa ika-lima o ika-anim na palapag, matutugunan ang problema sa kakulangan ng classrooms lalo na sa mga siyudad,” dagdag ni Gatchalian.

Bagama’t umaabot lamang sa dalawampu (20) hanggang tatlumpu (30) ang bilang ng mga mag-aaral sa mga probinsya at mga rural areas, tinukoy ni Gatchalian ang matagal nang problema sa urban areas kung saan umaabot sa limampu (50) hanggang animnapu (60) ang bilang ng mga mag-aaral.

Dagdag pa ni Gatchalian, hamon para sa pamahalaan ang pagpapatayo ng mga classrooms sa urban areas dahil masyadong mahal ang lupa. Sa mga rural areas naman, mas marami ang lupang maaaring mapagtayuan ng mga silid-aralan.

Nabigyang-diin ang kakulangan ng mga silid-aralan noong magbukas ang School Year 2022-2023, kung saan nagbalik na sa kanilang mga eskwelahan ang marami sa mahigit dalawampu’t walong (28.7) milyong mag-aaral sa bansa. Inaasahang magpapatupad na ang lahat ng mga pampubliko at pribadong mga paaralan ng full face-to-face classes pagdating ng Nobyembre.

Ayon sa Department of Education (DepEd) kakailanganin nila ang mahigit walumpu’t anim (86.5) na bilyong piso para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan sa taong 2023.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -