26.1 C
Manila
Linggo, Oktubre 6, 2024

Filipino Values Month: Maayos na pagtuturo ng GMRC pinatitiyak ni Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Sa pagdiriwang ng Filipino Values Month, hinihimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na tiyakin ang maayos at tamang pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) at Values Education sa mga paaralan sa bansa.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11476 o ang GMRC and Values Education Act, na inisponsor ni Gatchalian noong 18th Congress, ginawang institutionalized ang pagtuturo ng GMRC at Values Education sa K to 12 Curriculum.

At ngayong umarangkada na ang 100% face-to-face classes, nakikita ni Gatchalian ang oportunidad para sa mas maigting na pagpapatupad ng character-building activities na mandato ng naturang batas. Naisabatas ang GMRC and Values Education Act noong Hunyo 2020 na kasagsagan ng pandemya.

Dagdag pa ni Gatchalian, ang values education at character-building activities ay makakatulong upang matugunan ang lantarang mga insidente ng bullying sa mga paaralan.

Matatandaang lumabas sa resulta ng 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) na 65 porsyento ng mga kalahok ang nakaranas ng ilang insidente ng bullying sa loob ng isang buwan. Mas mataas ito sa average na 25 porsyento na naitala sa halos walumpu o 79 na bansang lumahok sa pag-aaral.

Lumabas din sa resulta ng PISA na mataas ang posibilidad para sa bully at ang kanilang mga biktima na hindi pumasok sa kanilang mga klase, magkaroon ng mas mababang mga marka, at mag drop out sa kanilang mga paaralan.

“Upang matiyak natin na ang ating mga kabataan ay magiging mabuting mamamayan, kailangang tiyakin natin ang maayos na pagtuturo ng GMRC at Values Education. Napapanahon din ang pagpapaigting sa pagtuturo ng GMRC at Values Education lalo na’t bumalik na ang ating mga mag-aaral sa face-to-face classes. Matapos ang dalawang taon ng distance learning, sa wakas ay mas mapapalalim na ang karanasan ng ating mga kabataan pagdating sa GMRC at Values Education” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

Sa ilalim ng batas, pinalitan ng GMRC ang Edukasyon sa Pagpapakatao (ESP) para sa Grade 1 hanggang Grade 6, habang Values Education naman ang itinuturo sa Grade 7 hanggang 10. Mandato rin ang integration ng Values Education sa mga kasalukuyang subject na itinuturo sa Grade 11 hanggang Grade 12.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -