LUNGSOD QUEZON, Kalakhang Maynila — Handang-handa na ang pagdiriwang ng Urban Poor Solidarity Week (UPSW) na tatanghalin sa Mandaluyong City at isasagawa ang limang aktibidad para sa mga lalahok sa selebrasyon na kinabibilangan ng mga akreditong urban poor organizations (UPOs) at gayun din ng ibang mga stakeholder at kabahagi mula sa pamahalaang nasyonal at pribadong sektor.
Pangungunahan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa ilalim ng bagong administrasyon na pinamumunuan ni Undersecretary Elpidio Jordan Jr., ang layunin sa isang-linggong pagdiriwang na maisulong ang mas malalim na pag-unawa sa mga usapin at problema sa urbanisasyon, kahirapan at iba pang bagay na may kinalaman sa nasabing mga isyu.
Hinayag ni Usec. Jordan na ang UPSW ngayong taon ay inaasahang magbubunsod ng mas matibay na pagkakaisa, masusing diyalogo at mas malawak na kooperasyon sa hanay ng mga ahensya ng pamahalaan at mga non-government organizations (NGOs) at komunidad ng maralitang tagalungsod sa buong kapuluan na pagtutuunan ng pansin ang mga polisiya at programa na kaakibat sa poverty alleviation program ng administrasyong Marcos sa ilalim ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Inaasahan din na ang pangunahing aktibidad nito ay magsusulong ng layunin ng UPSW na maipatupad ang ilang mga prayoridad ng PCUP, kabilang na ang programang ‘Piso Ko, Bahay Mo’ na makapagbibigay ng pabahay sa mga pamilya ng mga maralita sa pamamagitan ng saving mobilization initiative na katambal ang PCUP, ilang ahensya ng gobyerno, at mga pribadong sektor.
Bukod dito, bibigyan din ng pagkilala at parangal ang ilang mga stakeholder na nakagawa ng malaking kontribusyon at inisyatibo sa pagpapaangat ng kalagayan ng mga maralitang tagalungsod sa pamamagitan ng kakaibang mga programa at serbisyo na nagsusulong ng kapakanan ng mga komunidad ng mahihirap sa bansa.