NOVALICHES, Lungsod Quezon — Pinasalamatan si Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) commissioner in-charge for the Capital Region (NCR) Reynaldo Galupo ng mga maralitang residente sa Barangay Sauyo kasunod ng pangako ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Department of Labor and Employment (DoLE) na tutulungan sila sa pagpapalawig ng kanilang mga livelihood project na magpapaangat ng kanilang pamumuhay.
Personal na dumalaw ang mga miyembro at opisyal ng Nagkaisang Mamamayan ng Brgy. Sauyo (NAMABASA) sa pangunguna ng presidente nitong si Mirasol Abacco sa tanggapan ng NCR Commissioner para humiling ng tulong pinansyal sa kanilang livelihood project sa paggawa ng mga handicraft product, damit at ilang food item na plano nilang ibenta sa kanilang mga kliyente.
Naapektuhan ang mga miyembrong pamilya ng NAMABASA ng Segment 8.2 infrastructure development project na nag-uugnay sa South Luzon (SLEX) at North Luzon expressways (NLEX) at ang PCUP ay tinitiyak na ang mga karapatan nila ay rerespetuhin at mapoprotektahan alinsunod sa mandato ng ahensya.
Nagsagawa ang NAMABASA ng isang ‘boodle fight’, o kamayan, bilang pasasalamat kay Comm. Galupo na sadyang kumilos para humiling ng tulong mula sa PCSO sa paglikom ng pondong aabot sa PhP300,000 para sa pambili ng mga kagamitang kailangan ng NAMABASA at gayundin sa DoLE para sa pamamahagi ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at pagpapatupad ng Government Internship Program (GIP) at Special Program for the Employment of Students (SPES).
Nagpasalamat si Comm. Galupo sa parangal na ibinigay sa kanya ng NAMABASA subalit idinagdag na ang karangalan ay mas nababagay na ipagkaloob sa PCUP, na sa ngayon ay nasa ilalim ng bagong administrasyon sa pamumuno ni Undersecretary Elpidio Jordan Jr. at inatasan ang mga opisyal at kawani ng Komisyon na ibigay ang tunay na paglilingkod alinsunod sa poverty alleviation program ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
“Nakakataba ng puso ang taos-pusong pagmamahal na ipinakita sa akin ng ating mga maralitang kababayan. Magpapatuloy itong maging inspirasyon ko para gumawa pa ng mas maraming pagtulong upang mamunga ang adhikain ng ating mahal na Pangulo na solusyunan ang problema ng kahirapan at ang bawat pamilyang Pilipino ay makakapamuhay ng maayos at marangal sa pamamagitan ng insiyatibong magpapaangat ng kanilang pamumuhay,” kanyang idiniin.