Humingi si Senador Win Gatchalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ng panukala nitong estratehiya upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan sa bansa.
Sa kanyang interpellation sa panukalang 2023 budget ng DPWH, binigyang diin ni Gatchalian na may 3.1 bilyong pisong nakalaan para sa School Building Program ngayong taon. Ngunit buhat noong Setyembre, mahigit 30 milyong piso pa lamang, o wala pang isang porsyento ng kabuuang pondo, ang nadi-disburse.
Ayon sa DPWH, nakatanggap na ito ng 2.78 bilyong piso para sa School Building Program. Noong Hunyo, natanggap ng kagawaran ang Special Allotment Release Order (SARO) na 409 milyong piso para sa School Building Program. Natanggap din nito noong Oktubre ang SARO na nasa 2.64 bilyong piso. Kasalukuyan namang isinasagawa ang bidding para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan na ito.
“Nakaranas tayo dati ng pagkaantala sa school building program dahil kailangan pang ilipat ang pondo ng Department of Education papunta sa DPWH, samantalang ang DPWH naman ang magpapatayo ng mga classroom at school building na madalas inaabot ng isang taon,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Matatandaang sa pagtalakay ng panukalang budget ng DepEd, lumabas na may 167,901 na silid-aralan ang kinakailangan ng bansa batay sa 2019 National School Building Inventory. Mahigit 419 bilyong piso ang kinakailangan upang maipatayo ang mga silid-aralan na ito.
Upang matugunan naman ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa, iminumungkahi ni Gatchalian ang pagpapatupad ng isang counterpart program, kung saan sa DepEd magmumula ang kalahati (50 porsyento) ng pondong kinakailangan para sa pagpapatayo ng mga classroom at school building. Sa mga local government unit (LGU) naman manggagaling ang natitirang kalahati (50 porsyento) at sila ang magpapatayo ng mga classroom at school building. Ayon kay Gatchalian, may ganitong programang ipinatupad na noong siya ay naninilbihan pa bilang alkalde ng Lungsod ng Valenzuela.
“Maliban sa General Appropriations Act, may iba pa tayong maaaring pagkunan ng pondo, lalo na’t kinakailangan nating maging maparaan pagdating sa usapin ng pondo at pagpapatayo ng mga silid-aralan,” pahayag ni Gatchalian.