Nanawagan si Senator Win Gatchalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at National Electrification Administration (NEA) na bilisan ang paglilipat ng mahigit 57,000 na poste ng kuryente na nasa gitna ng road widening projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Ang paulit-ulit na kabiguan na tugunan ang isyu ay nagpapawalang-bisa sa layuning palawakin ang mga kalsada. Paulit-ulit na lang nating kinakalampag ang gobyerno sa isyung ito na posibleng magdulot ng kapahamakan sa mga motorista,” ani Gatchalian.
Batay sa record ng NEA, may kabuuang 85,526 na poste ng kuryente ang natukoy na para sa relokasyon. Mula sa bilang na ito, nasa 28,431 na poste pa lamang ang nalipat o accomplishment rate na 33.24% lamang.
Ang natitirang 57,095 poste ay hindi pa naililipat, batay sa datos noong nakaraang Oktubre — 23,339 sa Luzon, 16,067 sa Visayas, at 17,689 sa Mindanao.
Ang buong pole relocation project ay nangangailangan ng kabuuang pondo na P5.548 bilyon, kung saan ang P1.114 ay nailabas na.
Binanggit ni Gatchalian na ang DPWH at ang Department of Energy (DOE) ay pumasok sa isang joint circular noong Marso 2021 na nagbibigay ng mekanismo para sa agarang paglilipat ng mga poste ng kuryente sa loob ng right-of-way ng national government.
Ang nasabing joint circular ay nagtatadhana na ang DPWH national revenue allotment ay dapat ilaan upang bayaran ang mga electric cooperatives para sa paglilipat ng mga poste. Ang halagang ito ay dapat ilipat sa NEA sa pamamagitan ng pagpapatupad ng isang memorandum of agreement o MOA sa pagitan ng NEA at DPWH.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin naipatutupad ang MOA ng NEA at DPWH. Gayunpaman, sinabi ng DPWH na ang pondo ay direkta nang ida-download sa electric cooperatives sa halip na ilipat ito sa NEA.
“Sa kabila ng joint circular, hindi pa rin naipapatupad ang paglilipat ng maraming mga poste na nakatiwangwang sa gitna ng mga kalsada. Hihintayin pa ba nating may maaksidente pa bago tayo kumilos at ayusin ang mga kalsada? Sana natuto na tayo sa ating mga naging karanasan,” dagdag pa ni Gatchalian.