Iminumungkahi ni Senador Win Gatchalian na ideklara ang Nobyembre ng bawat taon bilang National Reading Month, kung saan magsasagawa ng mga programang magsusulong sa pagbabasa.
Nakasaad ang panukalang ito ni Gatchalian sa Senate Bill No. 475 o ang National Reading Month Act na layong isulong ang kultura ng pagbabasa sa mga mag-aaral sa basic education at kanilang mga komunidad. Samantala, sa huling buwan ng Nobyembre ay ipinagdiriwang din ang National Book Week.
Sa ilalim ng naturang panukala, ang National Library at lahat ng mga congressional, city, municipal libraries, at pati na ang mga barangay reading centers ay binibigyan ng mandato na makilahok sa gagawing mga programa ng National Reading Month. Isinusulong din na gawing mandato sa mga Public Telecommunications Entities (PTEs) na magbigay ng libreng access sa mga online educational platforms, digital libraries, at iba pang mga online knowledge hubs at sites ng Department of Education (DepEd).
Imamandato din sa DepEd ang pagsasagawa ng book fair sa pakikipagtulungan ng National Book Development Board. Bilang pangunahing ahensyang mamumuno sa pagdiriwang ng National Reading Month, dapat hikayatin ng DepEd ang pakikilahok ng publiko mula sa antas ng barangay hanggang sa rehiyon. Dapat hikayatin din ng DepEd ang media, book publishers, mga pribadong aklatan, mga magulang, at iba pa mga stakeholders na ibahagi ang kanilang kaalaman, serbisyo, at resources.
“Ang pagbabasa ay isa sa mga pinakamahalagang pundasyon ng ating mga kabataan na dapat patatagin. Sa pamamagitan ng panukala nating National Reading Month, paiigtingin natin ang pakikilahok ng ating mga komunidad upang isulong ang kultura ng pagbabasa,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Iminumungkahi din ni Gatchalian ang hindi bababa sa dalawampung (20) porsyentong discount sa regular price ng mga reading materials, mapa-tradisyunal man o digital na format, na bibilhin sa buwan ng Nobyembre.
Paliwanag pa ni Gatchalian, ang panukalang batas ay isang hakbang upang iangat ang kalidad ng mga batang estudyante sa international standardized assessments. Matatandaan na sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), nakakuha ng pinakamababang marka ang mga labinlimang taong gulang na mga mag-aaral na nakilahok sa Reading o Pagbasa sa halos walumpung (79) bansa. Ayon sa resulta ng 2018 PISA, hindi naabot ng walumpung (80) porsyento ng mga mag-aaral ang minimum level ng proficiency sa Reading o Pagbasa.