25.8 C
Manila
Martes, Disyembre 3, 2024

Gatchalian tiniyak na may pondo para sa learners with disabilities sa 2023 national budget

- Advertisement -
- Advertisement -

Pondo para sa learners with disabilities o mga mag-aaral na may kapansanan, tiniyak sa ilalim ng 2023 national budget. Ikinagalak ni Senador Win Gatchalian na naaprubahan na sa bicameral conference committee report ang pagbibigay ng suporta sa learners with disabilities sa ilalim ng 2023 national budget.

Isa sa mga panukala ni Gatchalian ang pagdagdag ng P64 milyon sa P96 milyong pondo ng DepEd para sa pag-convert ng Special Education (SPED) centers bilang Inclusive Learning Resource Centers for Learners with Disabilities (ILRCs). Ang kabuuang P160 milyon sa ilalim ng capital outlay ng DepEd ay gagamitin para sa pag-convert ng isang SPED center kada rehiyon para maging modelong ILRC.

Naaprubahan din ang panukala ni Gatchalian na maglaan ng P100 milyon para sa mga instructional materials para sa mga learners with disabilities. Saklaw ng pondong ito ang mga mag-aaral na bahagi ng pormal na sistema ng edukasyon at ng Alternative Learning System (ALS). Maaari ring magamit ang pondong ito para sa mga learning materials na gumagamit ng electronic at online modes.

“Magandang balita para sa ating mga learners with disabilities na nakapaglaan tayo ng pondo para sa mga programang sumusuporta sa kanila. Patuloy nating titiyakin na pagdating sa dekalidad na edukasyon at sa patuloy na pagbangon ng ating bansa mula sa pandemya ng COVID-19, hindi mapag-iiwanan ang mga learners with disabilities,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

Binigyang diin ni Gatchalian na ang pagtiyak ng pondo para sa mga learners with disabilities ay ayon sa mandato ng pamahalaan na ipatupad ang Republic Act No. 11650 o ang “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act.”

Sa ilalim ng batas, mandato ng DepEd na makipagtulungan sa mga local government units (LGUs) upang magpatayo at magpatakbo ng isang ILRC sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. Nakasaad din sa batas ang pag-convert sa lahat ng SPED centers bilang mga ILRC.

Minamandato rin sa mga ILRC ang pagpapatupad sa mga programa para sa inclusive education at sa paghahatid ng mga libreng support service para sa learners with disabilities, kabilang ang language and speech therapy, occupational therapy, physical at physiotherapy, probisyon ng mga kwalipikadong sign language interpreters, at iba pa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -