Pinapaimbestigahan ni Senador Win Gatchalian sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang posibilidad na isang cyber-attack ang sanhi ng nangyaring technical glitch noong bagong taon sa paliparan ng Maynila.
Sa katatapos na pagdinig ng Senado, inamin ni Undersecretary Alexander Ramos ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na wala pang pormal na imbestigasyon na isinagawa na mag-aalis sa posibilidad na may kinalaman sa cyber-attack ang nangyari sa airport.
“Batay sa komunikasyong isinumite ng CAAP sa Office of the Senate Committee on Public Services, inalis na raw ng CICC ang anggulong cyber-attack,” sabi ng senador.
Pero mabilis na itinama ito ng CICC at sinabing hiningi ang kanilang tulong noong kasagsagan ng aberya upang tumulong lamang na maibalik sa normal ang operasyon ng airport.
“Ngayon sinasabi ng CICC na ang anggulong cyber-attack ay hindi conclusive. Unang-una, sinabi ng CICC na wala silang sapat na kagamitan upang makapagsagawa ng imbestigasyon na makapagsasabi kung may cyber-attack ngang nangyari o wala,” sabi ni Gatchalian, na humingi ng isang executive session sa Committee on Public Services para talakayin ang mga natuklasan ng ahensiya.
“Ang mungkahi ko kay CAAP Director General Manuel Tamayo ay simulan na ang isang pormal na imbestigasyon sa posibilidad na may kinalaman ang cyber-attack sa insidente dahil nakakalito ang mga ulat,” diin niya.
Ipinunto din ng senador na mismong ang CICC at CAAP ay umamin na wala pang vulnerability test na isinasagawa sa ngayon upang matugunan ang mga potensyal na panganib na naglalantad sa buong sistema ng CAAP, kabilang ang Communication, Navigation, and Surveillance System for Air Traffic Management (CNS/ATM) sa cyber-attack.
“Dahil hindi pa nakapagsagawa ng isang vulnerability test sa buong sistema ng CAAP, dahilan ito para maging bukas tayo sa posibilidad ng cyber-attack. Ito ay isang mode of infringing na sinasagawa sa sovereignty ng mga external factors kaya’t hinihikayat ko ang CAAP na seryosohin ito nang maigi. Hindi natin maaaring tingnan lamang ang mga tradisyonal na kagamitan tulad ng circuit breaker dahil tayo ay vulnerable sa cyberterrorism,” giit ng senador.
Ang layon ng lahat ng ito ay upang maiwasan ang anumang uri ng pagkagambala at maiwasan ang parehong insidente noong New Year, ayon kay Gatchalian.