Karamihan sa mga middle-income taxpayers ay magkakaroon ng mas mataas na take-home pay simula ngayong taon dahil liliit ang babayarang buwis kasunod ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, sabi ni Senador Win Gatchalian na tumulong sa pagbuo ng batas.
Ipinaliwanag ng senador na simula ngayong 2023, ang taxpayers na kumikita ng higit sa P250,000 kada taon ngunit hindi hihigit sa P8 milyon ay sasailalim sa pinababang income tax rate. Kung dati ay umaabot sa 20% hanggang 32% ang binabayaran nilang buwis, ngayon ay bababa ito sa 15% hanggang 30%, na siyang nakasaad sa Republic Act No. 10963, o kilala bilang TRAIN law.
Halimbawa, ang Teacher 1 sa isang pampublikong paaralan na may buwanang sweldo na P27,000 na nasa Salary Grade (SG) 13 o taunang kita na P351,000 ay magkakaroon na ngayon ng buwanang tax savings na P420.83 kada buwan o P5,050 para sa buong taon. Ang Nurse III naman sa isang pampublikong ospital na nasa SG 17 na may buwanang kita na P43,030 o taunang kita na P559,390 ay magkakaroon na ng monthly savings na P1,289.13 o annual tax savings na P15,469.5.
“Inasahan natin na lalo pang lalakas ang domestic consumption na may malaking kontribusyon sa paglago ng ating ekonomiya. Dahil sa pinababang buwis, mas mataas ang take-home pay ng mga empleyado na magiging malaking tulong sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin,” ani Gatchalian.
Sa kaso ng isang sales and marketing junior executive, halimbawa, na may buwanang sweldo na P22,500 o taunang kita na P292,500, ang kanyang savings na P2,125 kada-taon o P177.08 buwan-buwan ay maari nang makabili ng dalawa’t kalahating kilo ng regular milled rice at 12 pirasong itlog, batay sa average na presyo ng mga ito sa merkado. Sabi pa ni Gatchalian, ang isang information technology junior executive na kumikita ng P45,000 kada buwan o P585,000 kada taon ay magkakaroon din ng savings na P1,395.83 kada buwan o P16,750 kada taon.
“Dahil sa mas mataas ang kanilang kita, inaasahan din natin na magiging maganda itong insentibo para sa mga empleyado na lalo pa nilang paghusayan ang kanilang trabaho at magtulak sa kanila para mag-impok o kaya ay mamuhunan,” Gatchalian said.
Samantala, ang mga individual taxpayers na may annual taxable income na P250,000 o mas mababa ay patuloy na hindi magbabayad ng kanilang income tax.