30.8 C
Manila
Sabado, Oktubre 5, 2024

Malaking halaga ng SEF hindi nagagamit; Gatchalian nababahala

- Advertisement -
- Advertisement -

Bagama’t patuloy na hinihiling ng mga local government units ang dagdag na suporta para sa pondo sa edukasyon, pinuna naman ni Senador Win Gatchalian ang mababang utilization o paggamit sa Special Education Fund (SEF).

Sa isang pagdinig na tumalakay sa 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 155) at iba pang mga kaugnay na panukalang batas, ibinahagi ni Gatchalian na batay sa isang ulat ng Bureau of Local Government Finance (BLGF) ng Department of Finance (DOF) na aabot sa P15 bilyon mula sa SEF ang hindi nagamit.

“Mukhang malaking halaga mula sa SEF ang hindi nagagamit. Hindi ko alam kung bakit umabot sa P15 bilyon ang hindi nagastang pera mula sa SEF noong 2021. Naiisip kong lubos na nagagamit ang SEF dahil tuwing nakakausap ko ang mga LGUs, lumalabas na may malaking pangangailangan sa dagdag na suporta para sa edukasyon,” ani Gatchalian na may akda ng Senate Bill No. 155.

Sa naturang pagdinig, iniulat ni BLGF Officer-in-Charge (OIC) Ma. Pamela Quizon na umabot lamang sa 66.7% ang utilization rate ng SEF noong 2019. Para sa 2020, umabot naman sa 67.9% ang utilization rate ng SEF, at 63.8% naman para sa 2021. Dagdag pa ng opisyal, kabilang sa mga dahilan ng mababang utilization rate ang mga isyu sa procurement at mga limitasyon sa maaaring paggamitan ng SEF.

Hiniling ni Gatchalian mula sa BLGF na isumite sa Senate Committee on Local Government ang pagsusuri nito sa mababang utilization ng SEF. Hinimok din ni Gatchalian ang BLGF na tukuyin ang mga bagay kung saan nahihirapan ang mga LGU na gamitin ang SEF upang maging bahagi sila ng panukalang batas.

Sa ilalim ng 21st Century School Boards Act, iminumungkahi ni Gatchalian na palawigin ang paggamit ng SEF upang maging saklaw ang sahod ng mga guro at non-teaching personnel sa mga pampublikong paaralan, pagpapatakbo ng mga programa para sa Alternative Learning System (ALS), sahod ng mga pre-school teachers, capital outlay para sa pre-schools, at honorarium at allowance para sa serbisyo ng mga guro at non-teaching staff sa labas ng regular na oras ng pagtatrabaho.

Batay sa Local Government Code of 1991 (Republic Act No. 7160), nalilikom ang SEF mula sa isang porsyentong tax sa real property. Nakalaan ang SEF sa local school board para sa pagpapatakbo ng mga pampublikong paaralan at pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga school buildings.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -